Isang Mangkukulam ang Bagong Nangungupahan

Kasalukuyang kumakain ng umagahan ang pitong nangungupahan sa boarding house nang dumating si Aling Hilda, ang may-ari ng paupahan, kasama ang rerenta sa natitirang bakanteng kwarto.

“Limang libo lahat-lahat. Dalawang libo para sa deposit. Tatlong libo para sa renta ng kwarto. Kasama na doon ‘yung tubig, kuryente at internet. Ikaw ang bahala sa pagkain mo. ‘Yung gas kasama na sa bayad ng renta. Sila nga pala ang makakasama mo dito. Sina Ella, Rochelle, Maricris, Loida, Brenda, Sara at Diana. Kung may iba ka pang kailangan puntahan mo na lang ako sa kabilang bahay,” saad ni Aling Hilda.

Nung pumasok na sa kwarto ang bagong nangungupahan ay hindi na napigilan ng pitong babae na humalakhak ng malakas. “Saang lupalop ba galing ang bagong boarder ni Aling Hilda?” Sambit ni Diana. “Desperado bang kumita ng pera si Aling Hilda kaya tumatanggap na siya ng may sayad sa utak?” Dagdag ni Rochelle. Patuloy lang ang pitong babae sa pangiinsulto sa bago nilang kasama sa bahay hanggang sa sumakit ang mga tiyan nila sa kakatawa.

Napag-alaman ng mga babae na Josefa ang pangalan ng bago nilang kasama sa paupahan. Sa umpisa ay pinagtatawanan nila ito tuwing nakatalikod sa kanila dahil sa kakaibang pananamit nito. Pero nagsimula silang mangamba sa posibleng tunay na pagkatao ng babae nung may natuklasan si Ella sa kwarto ni Josefa.

“Girls, sino sa inyo ang may gamot sa sakit sa ulo? Nasobrahan ako ng inom kagabi. Sobrang sakit ng ulo ko,” tanong ni Ella. Umiling ang lahat maliban kay Josefa. “Efficascent oil lang ang meron ako. Kunin mo na lang sa kwarto at baka masunog itong niluluto ko.”

Dahil wala sa istante ang hinahanap ni Ella ay isa-isa niyang binuksan ang mga drawer ni Josefa para hanapin ang gamot. Biglang nawala ang sakit ng ulo ng babae nung may nakita siyang mga botelya na may mga nakababad na iba’t-ibang uri ng dahon sa loob. Mabilis niyang isinara ang drawer nung marinig niya ang pagbukas ng seradura ng pinto.

“Nakita mo na ba?” Tanong ni Josefa. “Ah! Oo! Nakita ko na. Salamat,” sagot ni Ella bago mabilis na nagtatakbo palabas ng kwarto. “Anong nangyari dun?” nagtatakang tanong sa sarili ni Josefa.

Si Maricris ang sumunod na nakatuklas ng isa pang sekreto ng bagong nangungupahan nung minsan napaaga siya ng uwi dahil hindi pumasok ang propesora niya sa huling niyang klase. Nananahi noon si Josefa ng mga manika sa may sala.

Advertisement

“Ano ‘yang ginagawa mo?” Agad na sinilid ni Josefa ang kaniyang mga tinatahi sa kahon bago niya ito takpan ng malaking tela. “Ah, wala ‘to. Project ko sa isang subject,” tugon ng babae. “Sige, pasok na ko sa kwarto.” dagdag pa nito. Pero hindi nakatakas sa matalas na mata ni Maricris na ang bawat manikang tinatahi ni Josefa ay may pangalan ng mga babaeng nakatira sa paupahan.

“Sa tingin niyo ba mangkukulam si Josefa?” Tanong ni Sara nung nagpulong ang pitong kababaihan sa sala habang wala si Josefa sa paupahan. “Ang tamang tanong, eh, kung balak niya tayong kulamin. Tandaan niyo iniinsulto natin ang pananamit niyo noon. Pinagtatawanan pa natin siya pag nakatalikod. Hindi natin alam kung ano ang tumatakbo sa utak niya lalo na at dalawang linggo pa lang natin siyang nakakasama,” saad ni Brenda.

“Huwag nga kayong basta-basta magbibintang. Kahit may mga manika siya na nakapangalan sa atin hindi pa rin sapat na ebidensya iyon dahil hindi naman natin siya nahuli sa akto na kinukulam tayo. Isa pa ay wala ni isa sa atin ang nakakaranas ng kakaibang pangyayari na walang paliwanag o nakakaramdam ng kakaiba sa ating katawan,” paalala ni Loida.

“Pero hiningi niya ‘yung mga ginupit nating buhok nung pinagpraktisan tayo ni Rochelle para sa paghahanda niya sa practical exam niya sa Cosmetology,” nag-aalalang saad ni Diana. “Hindi pa rin sapat iyon para pagbintangan natin siya,” ulit ni Loida.

Nawala ang pagdududa ng pitong babae nung sabay-sabay silang nagkasakit matapos nilang kainin ang pansit na inuwi ni Josefa. Sabay-sabay na sumakit ang tiyan, nagtae, nagsuka at nilagnat ang pito. Sa buong panahon ng kanilang pagkakasakit ay si Josefa ang matiyagang nag-alaga sa kanila. Buti na lang at isang araw lang nagdusa ang pitong babae. Nung gumaan na ang kanilang pakiramdam ay agad nilang kinompronta ang babae na kasalukuyang nanonood ng balita nung panahong ‘yon.

“Pasensya na kayo hindi ko alam na…” Pinutol ni Diana ang pagsasalita ng babae nung direkta niya itong tinanong. “Bakit mo kami kinulam? Oo nga at alam namin na masama ang insultuhin ka at pagtawanan pero kailangan ba talaga na kulamin mo kami para makaganti ka?” “Pero wala akong alam sa pangkukulam,” naguguluhang saad ni Josefa.

“Hindi ba kaya kami nagkasakit pagkatapos mong pakainin sa’min ang pasalubong mong pansit dahil nilagyan mo ‘iyon ng mga ginawa mong gamot na nakatabi sa drawer mo? Kaya sumakit ang tiyan namin dahil kinukulam mo kami gamit ang mga buhok namin at manikang ginawa mo na may pangalan namin?” Pagbibigay diin ni Rochelle.

“Kaya kayo nagkasakit dahil sira pala ‘yung pansit na niluto ng kagrupo ko para sa food festival sa eskwelahan namin. Lahat ng kumain ng pansit na ‘iyon nagkasakit. Nabalita pa nga sa news, eh. Wala akong nilagay na kahit na ano sa pansit. Sorry talaga. Hindi ko alam. Kung alam ko lang na sira ‘yon itinapon ko na ‘yon sa basurahan kaysa ipasalubong ko pa sa inyo. At ano ang sinasabi niyong mga gamot na nakatabi sa drawer ko?”

Advertisement

Pumasok si Ella sa kwarto ni Josefa para kumuha ng ilang botelyang naglalaman ng mga gamot at mga dahon. Ipinatong niya ang lahat ng kinuha sa lamesa.

“Ang akala niyo mga gamot sa pangkukulam ang mga iyan? Mga homemade na essential oils ang mga ‘iyan. Ako mismo ang may gawa. Amuyin niyo para mapatunayan niyong hindi gamot sa pangkukulam ang mga iyan,” paliwanag ng babae.

Inamoy nila isa-isa ang laman ng mga botelya at napatunayan nilang mga essential oils ang mga ito.

Pumasok ng kwarto si Josefa at pagbalik niya ay may dala siyang pitong maliit na paperbags. Isa-isa niyang inabutan ang pitong babae. “Alam ko weird ang tingin niyo sa akin dahil sa pananamit ko pero gusto ko pa ring makipagkaibigan sa inyo. At dahil wala akong pera ay ginawan ko na lang kayo ng mga manikang keychain na nakapangalan sa inyo.”

Napahiya ang pito sa kanilang inasal sa babae. Pinagtatawanan na nga nila ito, pinagbintangan pa nilang mangkukulam. “Pasensya na kong pinagbintangan ka naming mangkukulam. Sorry talaga. Sana ay hindi ka magtanim ng sama ng loob sa amin sa halip ay maging kaibigan ka namin,” paghingi ng paumanhin ni Loida.

Ngayong naging malinaw na ang lahat ay nabuksan na ang pinto para sa isang magandang relasyon sa loob ng paupahan. Nawala na ang mga pangiinsulto, pagdududa at paghihinala. Ang tangi natira na lamang ay respeto sa kapwa, pagtanggap sa pagkatao ng bawat isa at ang pagusbong ng isang magandang pagkakaibigan.

“Matanong ko lang. Bakit mo hiningi ‘yung mga pinutol na buhok namin?” Tanong ni Brenda. “At bakit hindi ka nagkasakit? Siguro naman kumain ka rin ng pansit sa food festival niyo,” dagdag ni Maricris. “Allergic ako sa hipon kaya hindi ako kumain ng pansit. ‘Yung mga buhok niyo naman ay ginamit kong palaman sa pin cushion na ginawa ko.”