Niloko ng Taxi Drayber ang Banyaga Niyang Pasahero; Binuweltahan Agad Siya ng Karma Nung Nagtungo Siya sa Burol ng Matalik Niyang Kaibigan

Ilang araw ng minamalas ang taxi drayber na si Baldo. Sa apat na araw niyang pamamasada, mahigit kalahati ng kinikita niya araw-araw ay napupunta lang sa gasolina. Buti na lang pagmamay-ari niya ang minamaneho niyang taxi kung hindi ay kakailanganin pa niyang magbayad ng boundary. Siguradong wala siyang maiuuwing pera sa kaniyang pamilya kung saka-sakali.

“Kumusta pamamasada natin ngayon?” Tanong ni Baldo sa kapwa niyang taxi drayber na naabutan niyang kumakain sa suki niyang karinderya.

“Matumal ang pasahero, pare. Mahigit kalahating araw na kong bumabyahe pero kalahati pa lang ng boundary ang kinita ko,” sagot ng kapwa niya taxi drayber.

“Ang sakit talaga sa bulsa nating mga namamasada ang sunud-sunod na pagtaas ng gasolina,” tugon ni Baldo sa kaniyang kausap.

Namataan ni Baldo ang isang Briton na nag-aabang ng taxi sa Roxas Boulevard kaya agad niyang minaneobra ang minamaneho niyang taxi palapit sa banyaga.

“Can you take me to Makati Diamond Residences?” Tanong ng banyaga kay Baldo.

“Sure, no problem.”

Habang nagmamaneho ay masusing inobserbahan ni Baldo ang kaniyang pasahero. Mukha itong bigatin sa suot niyang mamahaling relo kaya hindi niya napigilan ang kaniyang sarili na usisain ito.

Advertisement

“First time, Philippines? Business or pleasure?”

Kahit hindi siya magaling sa wikang Ingles ay sinubakan niya pa ring makipagkwentuhan sa banyaga.

“Yeah, first time. I’m here on vacation. Heard there’s a lot of beautiful beaches here.”

Base sa kwento ng banyaga ay napag-alaman ni Baldo na isa pala itong mayamang negosyante sa Europa. Hiniwalayan ito ng kaniyang nobya. Para pansamantalang makalimot ay naisipan nitong magbakasyon muna at mag-relax dito sa Pilipinas.

“Mukhang tiba-tiba ako ngayong araw, ah. Madali kong mababawi ‘yung ilang araw na maliit ang kita sa Briton na ‘to,” bulong ni Baldo sa kaniyang sarili. Balak niyang makakubra ng malaki sa banyaga niyang pasahero kaya imbes na diretso itong dalhin sa pupuntahan nito ay nagpasikot-sikot muna siya sa siyudad.

Patuloy lang sa pakikipagkwentuhan si Baldo sa kaniyang pasahero at dahil aliw na aliw ang Briton sa kaniyang mga kwento ay hindi na nito namamalayan na naikot na nila ang buong Maynila, Quezon City at Makati bago nila narating ang Makati Diamond Residences.

“Taxi fare, fifteen thousand. Hope you enjoy Philippines,” masayang bati ni Baldo.

“Thanks. I had fun talking to you. Drive safely,” pasasalamat ng Briton matapos niyang iabot ang kaniyang bayad kay Baldo.

Advertisement

Masayang umuwi si Baldo sa kanilang bahay dahil malaki ang kaniyang kinita ngunit isang masamang balita ang kaniyang natanggap.

“Tumawag kanina si Aling Rosa. Pumanaw na daw si Kumpare Jojo kahapon dahil sa kanyang sakit. Doon siya sa probinsya nila sa Bicol nakaburol. Sa Linggo daw ang libing,” malungkot na pahayag ng asawa ni Baldo.

Magkababata sina Baldo at Jojo. Matalik na magkaibigan ang dalawa. Kung si Baldo ay puro kalokohan ang nasa isip, si Jojo naman ang kaniyang konsensya. Palagi siyang pinapagalitan nito tuwing may ginagawa siya na hindi tama. Kahit madalas niyang kinaiinisan na palagi siyang pinapangaralan nito ay mahal na mahal niya ang kaniyang kaibigan kaya labis niyang ikinalungkot ang maaga nitong pagpanaw.

Kinabukasan ay maagang lumuwas papuntang probinsya si Baldo para pumunta sa burol ng kaniyang kaibigan. Madalas siyang sumasama sa kaibigan niya noon tuwing magbabakasyon ito sa Bicol kaya hindi na siya mahihirapan pang tuntunin ang bahay nila. Pagsapit ng alas dose ay sumaglit muna si Baldo sa isang restawran para makakain ng pananghalian at makapagpahinga man lang muna kahit sandali. Bago siya tumuloy sa biyahe ay dumaan muna siya sa gasolinahan para punuin ang tanke ng kaniyang taxi.

Ilang oras ng paikot-ikot si Baldo pero hindi pa rin niya nakikita yung marker na nagsasabing narating na niya ang siyudad kung saan nakaburol ang kaibigan. Sa tantiya niya ay dapat kanina pa niya narating ang kanilang bahay. Para hindi siya abutan ng dilim sa daan ay nagtanong-tanong na siya sa mga taong kaniyang nadadaanan. Matapos ang mahigit tatlong oras at pag-ikot sa dalawampu’t pitong barangay ay narating din ni Baldo ang bahay kung saan nakaburol si Jojo.

“Ginabi ka na, ah. Nakalimutan mo na ba kung paano pumunta dito?” Tanong ni Aling Rosa, nanay ni Jojo.

“Hindi ko nga alam, Nay, kung bakit, eh. Mukha atang pinaglaruan ako ng dwende. Naikot ko muna ang buong Naga bago ko natunton ang bahay niyo,” pagod na tugon ni Baldo sa babae.

Ipinagpabukas na lang ni Baldo ang kaniyang pag-uwi dahil matindi na rin ang kaniyang pagod mula sa mahabang biyahe. Pagkasikat na pagkasikat ng araw ay maagang naghanda si Baldo matapos niyang kumain ng pananghalian. Paalis na sana siya nang biglang may naalala si Aling Rosa.

Advertisement

“Oo nga pala. May pinabibigay na sulat sa iyo si Jojo. Muntik ko nang makalimutang iabot sa iyo.”

Maluha-luha si Baldo habang binabasa niya ang mahabang habilin, sermon at paalala ng kaibigan ngunit pagdating niya sa dulong bahagi ng liham ay hindi niya napigilang humalakhak ng tawa.

“Si Jojo talaga. Kahit kailan wala ako nagawang itago sa kaniya! Kahit hindi ako magsalita alam na alam niya pag may ginawa akong kalokohan!” Sigaw ni Baldo sa kaniyang sarili.

Bago umuwi ay dumaan muna si Baldo si Makati Diamond Residences para isauli ng buo ‘yung binayad sa kaniya ng pasahero niyang Briton nung isang araw. Iniwan na lang niya sa resepsiyonista yung pera at sinabing nahulog ito mula sa bulsa ng banyaga nung sumakay ito sa kaniyang taxi.

Nang bumalik si Baldo sa kaniyang taxi ay muli niyang binasa ang dulong bahagi ng liham ni Jojo para sa kaniya.

“Pwede ba magtino ka na? Kahit nandito ako sa langit hindi ako magsasawang pagalitan ka hangga’t hindi ka tumitigil sa mga kalokohan mo. Kung kinakailangang dalawin kita paminsan-minsan para paalalahanan ka ay gagawin ko tumino ka lang. At bago tayo magkalimutan, ibalik mo yung perang kinubra mo sa pasahero mong Briton kung hindi ay hindi lang kita ililigaw! Araw-araw kitang mumultuhin hangga’t hindi mo sinasauli ‘yong pera!”

“Sinusumpa ko, Jojo, magpapakatino na ‘ko. Hindi na ko manloloko ng mga pasahero. Ititigil ko na rin ang mga kalokohan ko. Susundin ko ang lahat ng mga payo at habilin mo,” pangako ni Baldo sa kaniyang kaibigan.

Biglang nakadama ng malamig na ihip na hangin si Baldo sa loob ng kaniyang taxi. “Basta huwag mo kong mumultuhin, ha. Alam mo namang takot ako sa multo,” pahabol ni Baldo na may ngiti sa kaniyang mga labi habang binabagtas niya ang daan pauwi sa kanilang bahay.