Paninindigan Kong Naiiba Ako

Dalawang taon ang nakakaraan, masayang-masaya itong si Janet nang makilala ang ngayong asawa na niyang si Tonyo. Bago niya kasi ito pakasalan, tatlong taon muna silang naging magkasintahan dahil siniguro muna ng babae na tiyak na siyang magiging perpektong asawa itong si Tonyo.

Masaya ang naging buhay may asawa nitong si Janet at Tonyo. Nagbibigayan, nagkakaintindihan, at higit sa lahat ay nagmamahalan. Ngunit makatapos ang kanilang ikalawang wedding anniversary ay tila nag-iba na ang lahat.

“Damuho kang babae ka! Simpleng pagluluto ng Sinigang, hindi mo magawa ng maayos?! Alam mo namang pagod ako sa trabaho. Tapos pag-uwi ko, papakainin mo ako ng Sinigang na maalat?!” bulyaw ni Tonyo kay Janet.

Ilang gabi na rin na napakainit ng ulo nitong si mister. Napapadalas kasing mapag-initan sa opisina si Tonyo nang dahil sa mga trabahong late na kung maipasa.

Pero kahit ganoon, patuloy na lumalaban at nagtitiis si Janet. Ayaw niya kasing magaya sa kanyang mga kalola-lolahan, at maging sa kanyang sariling ina. Lahat kasi ng babae sa angkan nila’y hiwalay at iniwan ng kani-kanilang mga asawa.

“Ah… Eh, pasensiya ka na. Naparami ata ang lagay ko ng asin,” nakayukong sagot ni Janet at pilit na nilalabanan ang sarili na sagutin at awayin ang asawa.

“T*nga ka talaga! Kaya kayo iniiwan ng mga asawa ninyo e,” bwelta ni Tonyo.

Kinabukasan, habang naghahanap ng maisusuot itong si Tonyo papasok ng opisina, napansin niyang may sunog ng plantsa ang isa sa pinaka-paborito niyang polo. At tulad ng inaasahan, galit na galit na naman nitong hinarap si Janet. Ngunit iba na sa pagkakataong ito. Ang pagbubunga ay may kasama nang pananakit.

Advertisement

“Tama na, please, Tonyo. Patawarin mo ako. Ibibili na lamang kita ng bago,” aniya habang humahagulgol dala ng sakit ng pagkakasampal sa kanya ni Tonyo.

Habang tumatagal, mas dumadalas at mas tumitindi ang pananakit ni Tonyo. Dumating pa nga sa punto na dahil lamang sa pagpapalit ng ginagamit na pabango ni Janet ay inaaway na siya nito. Ngunit, upang mapanindigan ang sinumpaan, tinitiis pa rin ni Janet ang lahat.

Isang umaga, habang namamalengke si Janet suot ang isang balabal upang maitago ang kanyang mga sugat at pasa, hindi inaasahang makasalubong niya ang dating kapitbahay mula sa Barangay na kinalakihan niya.

“Janet? Ikaw ba ‘yan? Aba, dito ka pala nakatira!” bati ni Aling Susan.

“Aling Susan! Kumusta ho? Lumipat na po ba kayo rito?” magalang na sagot ng babae.

“Hindi, napadaan lang ako rito dahil dinayo ko ang relyenong bangus na dito lang sa palengkeng ito binebenta. Paborito kasi iyon ng anak ko. Bakit hindi ka na nadalaw doon sa atin? Ang mama at lola mo nga’y madalas kong makakwentuhan,” kwento ni Aling Susan.

Napatigil sa pagkukwentuhan at kamustahan ang dalawa nang mapansin ng ginang ang mga pasa at sugat ni Janet. Dala rin kasi ng pagkalibang sa usapan ay hindi namalayan ni Janet na unti-unting bumababa ang suot niyang balabal.

“Wala ho… Ano ho… Sige, mauuna na po ako. May dadaanan pa nga po pala ako!” nagmamadaling pamamaalam ni Janet sabay alis sa palengke. Naiwan namang takang-taka at nag-aalala si Aling Susan.

Advertisement

Kinagabihan, bigla na lamang nagring ang cellphone ni Janet habang gumagawa siya ng hapunan.

“O, mama? Napatawag ka? Kumusta po?” aniya.

“Anak, pakibuksan naman ng pintuan ng bahay ninyo,” sagot ng ina niyang si Marites.

Nang buksan niya ang pinto, nagulat siya nang makitang nakatayo doon ang kanyang ina kasama pa ang kanyang Lola Emilia.

“O, mama! Lola! Napadaan po kayo? Pasok po kayo’t dito na kayo maghapunan,” paanyaya ni Janet habang mabilis na isinusuot ang jacket at balabal sa katawan.

Matapos pagsaluhan ang niluto ng babae, maya-maya pa’y nagsalita na ang dalawa.

“Anak, magtapat ka nga sa akin,” seryosong sabi ni Marites.

“T- tungkol saan, mama?” nagtatakang tanong ni Janet.

Advertisement

“Sinasaktan ka ba ng damuhong iyon?! Janet, magsabi ka! Kahit matanda na ako e kayang-kaya ko pang labanan ang demonyong iyon!” hindi na nakapagpigil na sabi ni Lola Emilia.

Gusto pa sanang panindigan ni Janet ang pagsisinungaling, ngunit hindi na niya napigilan ang pagpatak ng kanyang mga luha.

“Mama! Lola! Ayaw ko lang naman naririnig na pinagtsitsismisan tayo ng mga tao. Na sabihin nilang mga wala tayong kwentang babae kasi palagi tayong iniiwan ng mga lalaki!” parang bata kung ngumawa itong si Janet dala ng labis na pighati, na matagal niyang kinimkim mag-isa.

Labis na pagkahabag ang naramdaman ng kanyang nanay at lola, kaya naman bago pa ipagpatuloy ang pag-uusap ay mahigpit nila itong niyakap.

“Alam mo, Janet? Matalino ka e. Matalino ang angkan natin, tatandaan mo ‘yan. Pero sa tingin ko? Na-bobobo ka na ata e!” nagseryosong hirit ni Lola Emilia nang mahimasmasan sa pag-iyak ang apo.

“Mga babae tayo, mga babaeng marangal at may pagmamahal sa sarili! Iniwan ko ang lolo ninyo noon dahil nalaman kong may iba siyang kinakalantari. Bakit ko ipagsisiksikan ang sarili ko sa lalaking piniling magpakamot sa iba, gayong mayroon naman siyang asawa? At isa pa, kayang-kaya kong mag-isa na buhayin ang mga anak ko,” matigas na sabi ni Lola Janet.

“At ang nanay mo? Iniwan siya ng tatay mo dahil hindi raw pala niya kaya ang responsibilidad ng pagiging isang ama nang malamang ipinagbubuntis ka ng nanay mo! O, bakit niya hahabulin iyong lalaki kung ayaw na sa kanya? Maaaring iniwan nila kami, pero hindi kami tanga! At lalong hindi kami ang nawalan, kundi sila!” dagdag pa nito.

“Tama ang lola mo, Janet. Kahit pa halos lahat ng babae sa angkan natin ay ipinagpapalit, hindi mo kailangang magtiis sa mapanakit mong asawa nang dahil lang gusto mong patunayang naiiba ka,” wika ni Marites sabay yakap ng mahigpit sa lumuluhang anak.

Advertisement

Maya-maya pa ay dumating na si Tonyo. Naisipan ng dalawa na magtago sa kusina upang masaksihan kung paano nga ba tratuhin ng lalaki ang kanilang Janet. Hindi sila nagkamali dahil pagdating pa lamang ay pinagsisisigawan na nito si Janet.

Bago pa man mapagbuhatan muli ng kamay, kahit may edad na ang dalawa’y nagmadali silang sugurin at kinuyog ang mapang-abusong mister ni Janet.

“Tarantado ka! Napakadakila ng apo ko, tapos gaganyanin mo! Hayop ka!” ratsada ng bunganga ni Lola Emilia habang ipinapalo ang tungkod kay Tonyo. Si Marites naman ay pinagsasasampal ang lalaki. Hindi naman nakalaban itong si Tonyo dahil talagang malakas pa ang bisig ng dalawa kahit matatanda na.

Matapos makuntento sa natamong pasa sa mukha at braso ni Tonyo, hinila na ng dalawa si Janet upang umuwi sa kanilang bahay.

“Bata ka pa, Janet. Hindi pa huli ang lahat upang mabago mo ang kapalaran. Basta ipangako mo na hinding-hindi ka na magpapakatanga sa pag-ibig,” ani Marites sa anak.

Umiiyak na sumang-ayon ang babae. Napagtanto niyang nang dahil sa mga ginagawa ni Tonyo ay wala na siyang pag-ibig na nararamdaman dito. Nagtiis lamang siya upang maiwasan ang masasamang sinasabi ng mga tao sa kanilang angkan.

Ngunit magmula nang marinig ang mga litanya ng kanyang ina’t lola, nangako itong si Janet na kailanma’y hindi na siya papaapi sa kahit na sinong lalaki. At kung iibig man siyang muli, sisiguraduhin niyang iyon na ang huli.