Nanlamig ang Lalaki sa Asawa Dahil Hindi Siya Nito Mabigyan ng Anak; Mas Nanaisin Kaya Niyang Habang Buhay nang Mawalay Dito Matapos ang Panibagong Trahedya na Dumating sa Kanila?

Nanlamig ang Lalaki sa Asawa Dahil Hindi Siya Nito Mabigyan ng Anak; Mas Nanaisin Kaya Niyang Habang Buhay nang Mawalay Dito Matapos ang Panibagong Trahedya na Dumating sa Kanila?

HeartbreakingLoveStories

“Ano ba namang buhay ‘to, o? Kayod kalabaw na nga ako sa trabaho, pag-uwi ko dito gawaing bahay naman ang aatupagin ko. Wala kang madadatnang pagkain. Kalat na lilinisin, hindi ka mauubusan. May asawa ka nga pero wala namang silbi. Hindi na nga ako mabigyan ng anak, hindi ko pa mapakinabangan,” sentimiento ni Liam pagdating niya ng bahay galing sa trabaho.

“May tortang talong at tapa diyan sa lamesa, ah. Hindi ba pagkain ang tawag diyan? At saka hindi kalat ang mga iyan. Pinagkakakitaan ko iyan,” tukoy ni Olivia sa mga recyclable na plastik, karton, goma at iba pang gamit na nakatambak sa sala. Ang negosyo kasi ng babae ay ang gumawa ng mga iba’t-ibang pang dekorasyon sa bahay gamit ang mga recyclable na materyales. “Hindi ko pa nahahanapan ng paglalagyan kaya makalat tingnan. Huwag kang mag-alala. Hindi ko iimportahin ang tulong mo sa pagliligpit ng mga iyan,” pagpapatuloy ng asawa ni Liam.

Ang dating matamis na pagsasama ng mag-asawa ay nagsimulang tumabang nang maaksidente ang limang buwang buntis na si Olivia. Malaking pinsala ang natamo ng bahay-bata ng babae kaya nanakaw sa kaniya ang pagkakataon na magdalantao ulit. Isang malaking dagok ito para kay Liam na naghahangad magkaroon ng anak kung saan dumadaloy ang kaniyang dugo.

Sa umpisa ay naging madalang ang pag-uusap ng mag-asawa. Sinasarili ang pagdadalamhati sa pagkawala ng kanilang anak. Sinundan ng paghahanap ng masisisi sa trahedyang naganap na nauwi sa pagtutukoy ng kakulangan ng bawat isa. Ang simpleng hindi pagkakaunawaan ay nauuwi sa matinding pag-aaway. Sa bandang huli ay araw-araw nang nagbabangayan ang dalawa.

Ang resulta, nagkaroon ng depresyon si Olivia. Nawalan ito ng ganang magtrabaho. Ang dating masayahin na babae, ngayon ay madalas na walang imik. Mas gugustuhin pang mag-isa kaysa makihalubilo sa kaniyang mga kamag-anak at kaibigan. Ang pinakamatindi sa lahat ay may mga pagkakataon na ito ay natutulala o nawawala sa sarili lalo na kapag ito ay walang ibang kasama. Tila bigla na lang dinadala ang kaniyang diwa sa kung saan nakakaramdam ng pansamantalang kapayapaan ang kaniyang puso.

Si Liam naman ay dinadalasan ang pag-overtime sa trabaho at ang paggimik sa labas. Dati ay parati itong nagmamadaling umuwi ng bahay para makapiling ang kaniyang asawa pero ngayon ay mas nanaisin nitong magpagabi sa labas kaysa ang umuwi ng bahay. Kung minsan ay nakikitulog ang lalaki sa bahay ng kaniyang mga kaibigan lalo na kung naging matindi ang pag-aaway nilang mag-asawa.

“Baka madaling araw na akong umuwi mamaya. Birthday ng ka-opisina ko. Magse-celebrate kami pagkatapos ng trabaho. Siguraduhin mong na-lock mo ang mga pinto mamayang gabi. Huwag mong pairalin iyang katangahan mo at baka pasukin tayo ng magnanakaw,” bilin ni Liam sa asawa bago ito nagmamadaling pumasok sa trabaho.

Alas dos na ng umaga nung maka-uwi si Liam ngunit wala siyang nadatnang nakatayong bahay. Ang nadatnan ng lalaki ay ilang mga bumbero at mga tsismosong kapitbahay sa harapan ng kanilang tirahan.

“O, Liam, buti at nandito ka na. Pasalamat ka kay Isko. Kung hindi dahil sa kaniya baka hindi lang abo ng bahay niyo ang maaabutan mo. Malamang pinaglalamayan mo na rin ang sunog na bangkay ng asawa mo,” bati ni Leandro, kapitbahay ng mag-asawa.

Habang nagpapakasaya ang lalaki sa kaarawan ng kaniyang ka-opisina, ang kaniyang asawa ay nakulong sa nasusunog nilang bahay. Umiral kasi ang sakit ng babae. Natulala na naman ito sa kawalan at nawala sa isip nito na may nakasalang siya sa kusinilya. Mabilis na kumalat ang apoy. Buti na lamang at nasagip si Olivia na kanilang kapitbahay na naglakas loob na sugurin ang nagliliyab na bahay.

Nanlumo si Liam nang makarating siya ng ospital. Kung hindi dahil sa suot na wedding ring ay hindi niya makikilala si Olivia. Nasunog ang halos buong katawan ng babae. May mga nakakabit ding mga makina sa katawan nito. Napag-alaman ng lalaki na ilang beses nawalan ng pulso ang kaniyang asawa habang ginagamot ito ng mga doktor. Hindi pa ito ligtas sa peligro at ano mang oras ay maaari itong bawian ng buhay.

“Diyos ko, huwag niyong kunin sa akin ang asawa ko! Okay lang kahit hindi na kami magkaroon na supling. Tanggap ko na po. Hindi ko kakayanin kung pati si Olivia ay kukunin Niyo sa akin. Siya ang nagsisilbing lakas ko para magpatuloy sa buhay. Parang awa Niyo na po. Huwag ang asawa ko.” Dahil sa pangyayari ay nagising si Liam. Napagtanto niya kung gaano kahalaga sa kaniya si Olivia. Nakaramdam siya ng matinding takot kaya’t taimtim siyang nagdasal na sana ay bigyan pa siya ng mahabang panahon para makapiling ang kaniyang mahal.

“Pangako, Olivia, babawi ako sa iyo. Gagawin ko ang lahat para manumbalik ang masaya nating pagsasama. Pakiusap, huwag mo akong iwan. Mahal na mahal kita.”

Nadinig ng Diyos ang dasal ni Liam. Nakaligtas si Olivia sa bingit ng kama*ayan. Matatagalan bago tuluyang maghilom ang mga sugat ng babae. Nagtamo din ng pinsala ang baga at puso nito at mangangailangan ng matagalang gamutan.

Bagama’t nasagip ang buhay ni Olivia, sa kasamaang palad, hindi nailigtas ng mga doktor ang mga mata nito kung kaya’t malabong makabalik pa ito sa dati niyang pamumuhay. Gayon pa man ay handa si Liam na magsilbing mata ng kaniyang asawa at desidido siyang ipaglaban ang kanilang pagsasama sa kabila ng maraming paghihirap na kanilang pagdadaanan.

“Bakit nandito ka pa? Walang dahilan para manatili ka sa piling ko. Dahil sa katangahan ko, nilamon ng apoy ang mga ari-arian natin. Hindi mo kailangang magtiis na makasama ang isang walang silbi na tulad ko. Malaya kang maghanap ng ibang babaeng mamalin. Iyong kaya kang bigyan ng anak,” inis na pahayag ni Olivia sa kaniyang asawa.

“Kaya kong mabuhay ng walang anak. Oo, natagalan akong tanggapin ang katotohanang hindi na maisasakatuparan ang pangarap ko. Pero nung muntik ka nang kunin sa akin, pakiramdam ko nasa hukay ang mga paa ko. Okay lang kahit araw-araw mo akong kainisan. Hindi ako aalis kahit ilang beses mo pa akong ipagtabuyan. Ang mga materyal na bagay maaaring palitan pero ikaw nag-iisa ka lang dito sa puso ko at hindi ako magsasawa na mahalin ka,” matapang na pahayag ni Liam.

More Stories