Sa Lahat ng Prutas, Saging Lang ang May Puso

Paborito talaga ni Mario ang turon lalong-lalo na kung mayroon itong langka sa loob. Ito yung meriendang hahanap-hanapin at hindi agad pagsasawaan. Pero mas sumasarap ito para sa kanya pag ang kanyang asawang si Anna ang gumagawa.

Ang pag titinda nila ng turon ang sumusuporta sa kanilang pamilya, kasama na rin ang minsanang raket ni Mario sa konstruksyon. Gabi pa lamang ay nag hahanda na si Anna saging at pambalot na ibebenta para sa kinabukasan.

Madalas na kasama ni Anna ang kanilang panganay na anak na si Elton sa pagbili ng lahok na kanilang gagamitin sa pag gagawa at pagluluto ng turon. Hindi na rin kasi pwede si Mario, dahil bukod sa minsan ay pagod sa trabaho, madalas din itong nirarayuma pag lumalakad ng malayo.

Ang tanging nagagawa nalang ni Mario ay magluto ng tanghalian para sa kanyang mag-ina na galing sa pamilihan. Habang ang mag-ina ay nasa palengke, di maiwasang matuwa ni Elton sa mga nakikita.

Naeengganyo ang bata sa dami ng tao sa palengke. Iba’t-ibang tao, iba-ibang sadya at mga abalang-abala sa pamimili.

Pagkatapos nilang mamalengke, uuwi silang nakaayos ang hapag at agad namang bubungad ang kanyang amang nakangiti sa kanila. Salu-salong kumakain ang pamilya na may kaunting biruan para kahit papaano ay malimutan ang pagod.

“Pag ako yumaman, hindi niyo na kailangan maglakad papunta at pauwi sa palengke nay. Ipagmamaneho ko kayo ng sasakyang bibilhin ko,” nakangiting sabi ni Elton.

“Aba, may pangarap na ang anak namin ah? Tama iyan anak. Kaya magsumikap ka sa buhay at mag-aral ng mabuti para lahat ng iyan ay makatamtan mo balang araw,” nakangiting tugon naman ni Anna sa anak.

Advertisement

Pagkatapos kumain, kanyang-kanyang toka na sila sa mga natitirang trabaho sa bahay. Naghuhugas ng pinagkainan si Anna habang ang mag ama naman ay naiiwan sa lamesa upang magsimulang magbalat at maghiwa ng mga saging saba.

Nakagawian na ni Elton ang tumulong sa magulang na maglako ng turon sa mga kapitbahay at maging sa mga guro at kamag-aral. Malaki ang naitutulong nito sa araw-araw nilang gastos.

Pero nang nagbibinata na si Elton, nag umpisa na siyang mahiya sa paglalako. Minsan kasi ay tinutukso siya ng mga kaklase sa tuwing mag rarasyon siya ng turon sa paaralan.

“Elton, anak? Bakit wala atang order sa atin ng turon sa paaralan? Dati ay halos araw-araw na dalawampu’t limang piraso ang ating dinadala doon ah?” tanong ni Anna sa anak.

“Medyo abala kasi ako sa mga aralin, kaya hindi ko masyado natatanong ang mga tao doon kung gusto nila nay,” pagsisinungaling ni Elton. Ang totoo niyan, ikinahihiya na talaga niya ang pagbebenta lalo na kapag kinakantyawan siya ng mga kaibigan at kaklase.

Hanggang isang araw, nagising si Elton mula sa pagkakatulog ng tanghali. Nagulat siya na lumuluha ang kanyang ina.

“Nay, ano po ang nangyari? Bakit kayo umiiyak?” tanong ni Elton sa kanyang ina.

“Y-yung pera kasi na inipon ko na ipapasok ko sa bangko, nakuha ng mga holdaper. Pangmatrikula mo sana iyon para sa nalalapit mong pagpasok sa kolehiyo,” umiiyak na paliwanag ng ginang.

Advertisement

“Hayaan na ninyo po iyon nay. Pera lamang po iyon. Mababawi din natin yun,” tugon naman ng lalaki.

“Pero inipon ko kasi talaga iyon para sa’yo anak. Pasensya ka na. Mukhang kailangan na naman ni nanay na magdoble kayod para makaipon muli,” malungkot na sabi ng nanay ni Elton.

Napag-isip-isip ni Elton na lubos niyang ikinahihiya ang ginagawang pagbebenta ng turon ng kanyang ina, pero ang lahat ng ito pala ay para sa kanya din. Naging makasarili siya at inuna pa ang hiya kaysa tignan ang sakripisyo ng magulang na ginagawa para sa ikabubuti niya.

Hindi naman mayaman ang pamilya nila kaya’t alam niyang matagal na inipon iyon ng kanyang ina. Hindi maaaring wala siyang gawin. Kailangan niyang tumulong. Di bale nang tuksuhin siya ng mga kaklase, makatulong lamang sa pamilya.

Gumigising ng madaling araw si Elton upang tumulong muna sa ina magbalot ng mga saging. Sa tanghali naman, uuwi siya ng bahay upang kumuha ng mga bagong luto na turon at saka ilalako sa mga guro at kantina ng paaralan.

Ginawa ito ni Elton sa araw-araw. Kahit papaano ay umangat naman ang kanilang kinikita. Kinausap ng paaralan ang ina ni Elton upang mag suplay araw-araw ng mga turon sa kantina upang ilako doon.

Hindi inaasahang tatangkilikin naman ng maraming estudyante ang napakasarap na timpla na luto ng turon ni Anna. Dahil dito, nakaipon sila ng pangmatrikula ni Elton at ang sumobra ay ginamit na pangbukas ng pwesto sa palengke. Doon nagbebenta ng meryenda si Anna at syempre, patok na patok ang kanyang turon.

Nang magkolehiyo ay nakapasok naman si Elton sa isang State University. Doon, naglako din siya ng masarap na turon upang makatulong na pangtutos sa kanyang mga proyekto.

Advertisement

Mas pumatok pa ang pwesto nila Anna at Mario sa palengke kaya masasabi nila na mas nakakaluwag-luwag na sila sa buhay ngayon.

Nagpatuloy si Elton sa pag-aaral at nagtapos ng kursong Business Administration major in Business Management.

Sa ngayon, sila ay nagmamay-ari na ng ilang ektaryang lupain na nagsusuplay ng mga saging saba sa iba’t ibang panig ng Pilipinas.

Si Elton ang siyang nagpapatakbo ng kanilang negosyo. Kahit na nga ang mga supermarket ay sa kanila kumukuha ng suplay ng saging na ginagawang turon at ibenebenta.

Nagsimula sa simpleng pagbebenta ng meryenda, hanggang sa naging may ari ng ekta-ektaryang lupain, tunay ngang napakalayo na ng narating nila Elton. Ang dating mga tagabenta lang sa palengke, milyonaryo na’t maunlad na ngayon.

Kaya sa tuwing kakain tayo ng turon. Lagi na nating maaalala na mayroong buhay ang binago ng simpleng meryenda na ito.