Dahil Mataas na ang Posisyon, Binully ng Babae ang Isang Baguhang Empleyado; Ito Pala ang Anak ng Boss

Isang taon nang nagtatrabaho sa isang opisina sa Marikina si Cathleen, maganda ang sahod dito, dahil doon ay lumaki na ang ulo ng babae. Feeling niya ay mas mataas na siya sa lahat, akala niya ay kaya na niyang bilhin ang lahat. Maging sa opisina, tatlo lang silang magkakaibigan at pare pareho sila ng ugali. Marami ang naiinis sa kanila pero wala silang pakialam. Ano naman kung mainis ang lahat? Kasing ganda ba namin sila, kasing galing ba namin? Sa totoo lang, hindi naman kawalan ang mahihinang klase ng mga taong yan, swerte na nila na mapansin namin paminsan minsan,sa isip isip nila.

Isang tanghali, kararating lang nila sa canteen ng opisina upang kumain ng tanghalian nang mapansin nila ang isang baguhan. Maamo ang mukha ng babae, pero makinis ang balat nito. Angat na angat ito sa lahat bagamat wala itong masyadong kolorete sa mukha at simple lang ang pananamit. Ayaw mang aminin ni Cathleen, nakaramdam siya ng inggit. Ayaw na ayaw niyang natatalbugan kaya niyaya niya ang mga kaibigan para lapitan ito, sumang ayon naman ang dalawa. Nakataas ang kilay nilang tatlo habang papalapit dito, tila ba mga tigreng handang sumugod sa tupang walang kaalam alam sa kanilang binabalak.

“Oops, pa-pila.” mataray na sabi nila at inunahan ito sa pila ng pagkain.

“Miss, nauna ako.” nakangiting sabi nito, hindi alintana ang pagtataray ng tatlo bagamat nahalata naman siguro nito na sinadya nila iyon.

“Pake ko? I’m one of the analysts here sa office, so I have the right to, you know, mauna sa pila.” sabi niya pa at pinipilit mag-ingles. Hindi naman siya pinansin ng babae, umiling lang ito at ibinaling na ang paningin sa iba. Lalong nainis si Cathleen, inaasahan niya kasing mapipikon ito pero di lang siya pinansin, na para bang wala siyang kwentang kausap. Ang gusto niya ay mapahiya ito at gantihan siya, sa ganon ay magkakaroon ng dahilan ang mga kaibigan nya na awayin ito at palalabasing ‘pinagtatanggol’ siya ng mga ito sa baguhan. Edi bida nanaman sana sila!

“Hoy! Saang department ka?” mataray na tanong niya rito, determinadong inisin ang kausap. Imbes na sumagot ay nagkibit lang ito ng balikat.

“Di ko alam eh,” nakangiting sabi nito, ibinaling ang paningin sa mga panindang nakadisplay. Nagbulong-bulong pa ito sa sarili na tila ba hirap magdesisyon kung ano ang pagkaing bibilhin.

“Di mo alam? Shunga ka?” pang-aasar nya.

Advertisement

“Siguro.” sabi nito, may makahulugang ngiti sa labi. Napabuntong hininga sa inis si Cathleen, talagang sinusubukan siya nito! Napapahiya na siya sa mga kaibigan dahil asar talo siya. Halos bumuka naman ang bibig ng dalawa pang maldita dahil di nila inasahan na may papalag sa kamalditahan ng kanilang kaibigan.

“Girl, wag mo nang pansinin yang cheap na yan. Pag na-stress ka, papangit ka mamaya pag nakilala na natin ang anak ni boss.” sabi ng isa niyang mga kaibigan. Tama ito. Mamaya nila makikilala ang nag-iisang anak ng kanilang boss kaya dapat maging maganda siya at wag paapekto sa mga bwisit sa paligid.

“Pag ako naging ka-close ng anak ni boss, humanda ka sa’kin, pag iinitan kita.” banta niya sa babae na nakatitig lang sa kanya. Nakapili na siya ng ulam, bitbit niya ang tray na naglalaman ng kanyang pagkain at akmang magbabayad na nang marinig niyang sumisigaw ang secretary ng kanilang boss.

“Oh my God Prim! Nandito ka na pala. Bakit dito ka kumakain, kanina ka pa hinihintay ng daddy mo sa office niya!” sabi nito, halatang natataranta.

Lahat naman sila ay nagtaka. Dito sa pantry kumakain ang anak ni boss? Hindi ba dapat sa sosyal na kainan? Kasi kung siya ang nasa lugar nito, walang humpay na paglustay ng salapi ang gagawin niya!

“Nagugutom ako eh. Wala naman sigurong masama sa pagkain natin dito,” nanlaki ang mata ni Cathleen nang matukoy kung kanino ang boses. Unti unti siyang napalingon at nakumpirma ang nakaka-kabang katotohanan… Ang babaeng binully niya kanina lang! Ito ang anak ng kanyang boss?! Nabitawan niya ang tray na hawak kaya napunta sa kanya ang atensyon ng mga tao, tumakbo siya palayo sa sobrang pagkapahiya.

Makalipas ang isang buwan, si Prim na ang nagmana ng kanilang negosyo. Pinaunlakan niya ang kanyang ama nang hilingin nito na magsalita siya sa unahan. Tahimik namang nakamasid si Cathleen sa malayo, napapahiya pa rin dahil sa kanyang ginawa.

“Ang mababa ay itinataas, ang mataas ay ibinababa, iyan ang lagi kong pinaniniwalaan.” panimula ng babae, na ngayon ay nakatingin na sa kanya. Halos lumubog sa kinatatayuan si Cathleen, naisip niya ang kamalian niya.

Advertisement  

Nakatikim lang sya ng konting pera ay inisip niya na mas higit na siya sa lahat, kinailangan niya pang mapahiya para matutunan ang kanyang leksyon.