Wala Pa Kaming Closure!

Kolehiyo noon si Greta nang makilala niya ang lalaking unang nagpatibok daw ng kaniyang puso at iyon ay si Louie.

“Ano ka ba naman? Hindi na magiging kayo ni Louie kasi may jowa ka tapos may jowa din siya. Kaya kung ako sa’yo ay tigilan mo na iyang kakasunod sa kaniya. Binababa mo lang masyado ang sarili mo,” saad ni Niña, ang matalik na kaibigan ng dalaga.

“Hindi ko naman mahal si Julio. Sigurado na akong mahal ko si Louie kaya makikipaghiwalay na ako para maging kami na ni Louie,” sagot ni Greta habang nanonood ito ng basketball kung saan naglalaro si Louie.

“Wow, so ano mo lang si Julio, aber? Fling? Jowa kapag may kailangan? Hindi mo ba nakikita ‘yung pagmamahal sa’yo ng tao tapos gaganyanin mo lang,” baling ni Niña sa kaniya.

“Eh, basta! Si Louie ang gusto ko at magiging kami ano man ang mangyari,” sabi ni Greta at sinampal ng papel ang kaniyang kaibigan. Tumutok na lang siya sa panonood ng laro ni Louie.

Ngunit hindi pa man nakikipaghiwalay si Greta sa kaniyang nobyo ay agad na kumagat sa kamandag niya ang binatang si Louie. Nagkaroon nga sila ng tinatawag na ipinagbabawal na relasyon.

“Louie, bakit ba hindi na lang natin sila iwan? Tapos tayo na lang ang maging legal na magkasintahan tutal naman ay mahal natin ang isa’t-isa,” saad ni Greta sa binata.

“Alam mo, Greta, kapag ginawa natin iyang gusto mo ay mapapahamak tayo. Mapag-iinitan tayo dito sa campus, mga tropa ng jowa mo at mga kaibigan naman ng jowa ko. Ayaw ko ng magulong sitwasyon. Tsaka na lang natin sila hiwalayan kapag tapos na tayo,” baling naman sa kaniya ng lalaki.

Advertisement

“Nahihirapan na ako sa patago-tago,” malungkot na pahayag ng babae.

“Ito lang ang meron tayo ngayon pero sana tandaan mo na mahal na mahal kita. Mas mahal kita kaysa sa kaniya!” bulong pa ng lalaki sa kaniya tsaka niya niyakap ang babae.

Hindi naman maitago ni Greta ang kilig nung marinig iyon kay Louie. Hindi niya malaman pero malakas talaga ang tama niya sa lalaki. Kaya lamang ay nagbago ang lahat nung kinaumagahan ay bigla na lang nawala ang binatang si Louie. Lumipad na daw ito papuntang ibang bansa.

“Eh, di wasak ka ngayon? Ano napala mo sa relasyon niyo ni Louie? Wala!” bati sa kaniya ni Niña.

Hindi na lamang niya pinansin ang kaibigan at nagpunta na lang siya kay Julio. Nagtapat ang dalaga sa kaniyang naging kasalanan. Buong akala niya ay makikipaghiwalay na sa kaniya ang lalaki ngunit hindi ito nakipaghiwalay dahil mas minahal pa nga siya lalo nito.

“Pangako ko sa’yo na hinding-hindi na kita muling sasaktan pa,” wika ng dalaga sa kaniyang nobyong si Julio.

“Matagal ko ng ipinagdasal ang araw na ito, ang araw na mamahalin mo rin ako, yung ako lang. Mahal na mahal kita, Greta!” sagot sa kaniya ni Julio.

Simula nga noon ay nagkaroon ng seryosong relasyon ang dalawa hanggang sa sila na ang nagkatuluyan at ngayon ay may dalawa ng anak.

Advertisement

Habang tumatagal ang kanilang pagsasama ay mas nagiging maiksi ang pasensya ni Greta sa kaniyang mister. Paano’y hirap kasi sila sa buhay dahil si Julio lang ang kumikita sa kanila at siya naman ay nasa bahay upang magbantay ng mga bata.

“Pasensya ka na kung ganitong buhay ang mayroon tayo ngayon. Patawarin mo ako Greta,” bulong ni Julio sa babae.

“Bakit ba kasi ikaw ang inasawa ko! Bwisit ka talaga! Bwisit ka sa buhay ko!” sigaw naman ng babae dito.

Halos walang araw na dumaan na hindi sila nag-aaway at mas tumindi pa nga ito ngayong nabalitaan ng babae na nasa Pinas na daw si Louie.

“Hoy, Greta, hindi na tayo bata. May dalawa ka ng anak kaya hindi na pwede iyang mga iniisip mo na iiwan mo sila para doon kay Louie,” sita sa kaniya ni Niña habang kausap ito sa telepono.

“Alam mo hindi mo kasi naiintindihan ang ganitong pakiramdam kaya ganyan ka na lang kung makasita. Louie is the love of my life! Siya ang tunay na nagmamay-ari ng puso ko. Isa pa, wala pa kaming closure kaya alam kong may feelings pa rin siya para sa’kin. Malay mo bumalik siya para ipagpatuloy ang naudlot naming pag-iibigan,” sagot ni Greta habang nilalagyan niya ng pulang lipstick ang kaniyang labi.

“Eh, paano kung malaman ni Julio itong gagawin mo? Hindi ka man lang ba naaawa? My god, Greta! napakabuting asawa sa’yo ng tao, ” sitang muli ni Niña.

“P*ta, tigilan mo na nga ako, Niña! Alam ko ang ginagawa ko. Huwag mo na akong pangaralan,” naiiritang sabi ni Greta.

Advertisement

Hindi na muling nagsalita pa si Niña at hinayaan na lamang niya ang kaniyang kaibigan na umalis para makipagkita kay Louie.

“Greta, ikaw na ba iyan? Grabe, ang tagal na nung huli kitang makita! Kamusta ka?” bati sa kaniya ni Louie nung makarating ang babae sa coffee shop.

Natulalang saglit si Greta dahil sa napakagwapong itsura ng lalaki.

“T*ngina mo, girl! Ang gwapo ng pinalampas mo. Mukha siyang mayaman, amoy pera!” isip-isip ng babae.

“Ayos lang. Ganoon pa rin naman ako, in love sa’yo, ” sagot ni Greta kay Louie.

Natawa ng malakas ang lalaki at tinapik ang balikat ni Greta, “Past is past tsaka ang tagal na nun, ‘di ba? Ano bang atin? Bakit gusto mong makipagkita sa akin?” saad ni Louie. “Hindi ba kaya ka pumayag na makipagkita sa akin kasi wala pa tayong closure, in love ka rin sa akin, na hindi mo ako nakalimutan,” baling ni Greta sa kaniya.

“Greta, may pamilya ka na. Bakit ganyan ka pa rin kung mag-isip?” tanong ni Louie. “Handa pa rin akong iwan sila para sa’yo, Louie, ganoon pa rin kita kamahal,” sagot ng babae sabay hawak sa kamay ng lalaki.

“Greta, alam kong may atraso ako sa’yo noon. Umalis ako ng walang paalam pero walang matinong nanay na iiwan ang pamilya niya para lang sa isang lalaking hindi naman niya masyadong kilala. Patawarin mo ako kung sinasabi ko sa’yo ito pero hindi kita mahal at mas lalong hindi ko pinangarap na sumira ng isang pamilya,” diretsong sagot ni Louie sa kaniya tsaka ito umalis.

Advertisement

Parang binuhusan ng malamig na tubig si Greta sa kahihiyan. Agad niyang kinuha ang kaniyang telepono upang tawagan sana si Niña kaya lamang ay tadtad ng missed call ang kaniyang telepono mula sa kaniyang kaibigan nung buksan niya ito.

“Niña, bakit ang dami mong tawag? May emergency ba?” tanong ni Greta sa kaibigan. “Si Julio sinugod sa ospital. Tumawag sa akin ang anak mo. Hindi ka daw kasi makontak. Papunta na kami doon,” sagot ni Niña sa kaniya.

Parang lumutang sa kaba si Greta sa kaniyang narinig. “Diyos ko, patawarin mo ako. Huwag niyo pong kuhanin ang asawa ko sa akin. Alam kong napakasama kong babae para saktan siya pero hindi ko po kaya na mawala si Julio sa buhay ko,” umiiyak na binubulong ng babae habang nasa byahe.

Doon niya napagtanto kung gaano niya kamahal si Julio at kung gaano siya katanga para makipagkita kay Louie. Naisip niya ang lahat ng paghihirap sa kaniya ng mister mabigyan lamang siya ng maayos na buhay.

“Dok, ano pong nangyari sa asawa ko?” tanong ni Greta. “Over fatigue po, misis. Bumigay na ang katawan ng asawa niyo. Kailangan niya munang magpahinga,” sagot ng doktor sa kaniya.

Naiyak na lang si Greta dahil sa naging kalagayan ng kaniyang mister. Tsaka lang din siya nagising sa katotohanan na halos wala ng pahinga si Julio sa pagtatrabaho. Dalawang trabaho ang pinapasukan nito maibigay lang ang kaniyang luho.

“Greta, patawarin mo ako kung ganitong buhay ang binibigay ko sa’yo tapos ito pa ngayon,” wika ni Julio nung magkamalay ito.

“Ako ang dapat mong patawarin dahil kahit wala akong kwentang asawa sa’yo ay nandiyan ka pa rin. Hindi mo ko iniwan. Ikaw ang tunay na pag-ibig. Mahal na mahal kita, Julio,” sagot ni Greta sa kaniyang mister sabay yakap sa lalaki.

Advertisement

Simula noon ay naging mabuting asawa na si Greta at mas minahal pa niya ang kaniyang pamilya.