Tulong Ko, Kapalit ng Anak Mo

Simula nang pumanaw ang ina ni Rosario, nagsimula na ring masira ang buhay ng kanilang pamilya. Nalugmok sa labis na kalungkutan ang kanilang amang si Don Leon. Nag-umpisa na ring malugi ang kanilang mga negosyo hanggang sa maubos ang lahat ng kanilang mga ari-arian.

Apat na magkakapatid sila Rosario. Siya ang pangalawang anak at ang pinakamaganda sa tatlong babaeng anak ni Don Leon. Purong espanyol ang ama nila at kalahating Intsik naman ang kanilang ina, kaya naman hindi kataka-taka ang taglay na angking ganda ng magkakapatid.

“Sige kompadre, tutulungan kitang umahon sa buhay. Sasagipin ko ang mga nalulugi mo nang mga negosyo. Subalit, may hihingin akong kapalit,” tugon ng kompadre ni Don Leon na si Don Luis. Matagal nang magkaibigan ang dalawang matanda at minsan nang nagkakasosyo sa mga negosyo.

“Kapalit, kahit anong kapalit man niyan ay ibibigay ko. Tulungan mo lamang ako na bawiin ang mga nawala sa akin,” papalubog na kasi talaga ang kanilang mga negosyo at nagsisimula na silang maghirap kaya naman kinapalan na ni Don Leon ang kanyang mukha at humingi ng tulong sa kanyang kompadre.

“Alam mong gaya mo, iniwan na din kami ng aking esposa,” malungkot na pahayag ni Don Luis. Parang alam na ni Don Leon kung ano ang hinihingi nitong kapalit ng kanyang tulong.

“At gusto mong kapalit ay ang aking anak…” pagtatapos ni Don Leon sa gustong sabihin ni Don Luis. Ngumiti naman si Don Luis.

“Mismo. Maibibigay mo ba? Ang iyong anak na si Rosario kapalit ng marangyang buhay para sa iyong buong pamilya,” malugod na tanong ni Don Luis sa kompadreng si Don Leon.

Napapikit naman si Don Leon. Bago siya pumunta dito ay alam niya na ang posibleng kapalit na hihingin ng kompadre. Kilala ito bilang isang mahusay na negosyante. Hindi ito gagawa ng isang bagay na walang kapalit. At alam niyang matagal nang nakatingin ang mga mata ni Don Luis sa pinakamagandang anak niya na si Rosario.

Advertisement

“Sige. Ako na mismo ang magpapaalam kay Rosario ng inyong nalalapit na kasal,” sagot ni Don Leon na mas nagpalaki pa sa ngiti ni Don Luis.

Alam niyang napakabata pa ng anak na si Rosario. 18-anyos pa lamang ito at mahigit pa sa triple ng edad ng anak ang edad ng kompadre. Mahal niya ang anak ngunit hindi niya rin pwedeng pabayaan nalang na tuluyang lumubog ang kanilang buhay. Ano na lamang ang sasabihin ng kanyang mahal na asawa kapag nagkita na sila sa langit?

Labag man sa kanyang kalooban ay pinili niya nalang na isakripisyo ang kalayaan ng mahal na anak. Ito pa naman ang kanyang pinakapaboritong anak, sapagkat malaki ang pagkakahawig nito sa kanyang yumaong asawa.

“Pero papa, napakabata pa ni Rosario! At sa matandang iyon mo pa siya ipapakasal? Nawawala kana ba sa tamang pag-iisip papa?!” galit at hindi makapaniwalang saad ng panganay na anak ni Don Leon na si Christiano. Hindi matanggap ng binata na ipapakasal niya ang kapatid sa kanyang kompadreng si Don Luis.

“Itikom mo ang iyong bibig at para din ito sa ating pamilya,” nagpipigil ng galit na sagot ni Don Leon sa anak na lalaki. Tiningnan niya naman ang tahimik lang at naluluhang si Rosario na nakayakap sa kanyang nakakatandang kapatid na si Christiano.

“At ikaw Rosario, maghanda ka at ikaw ay ikakasal kay Don Luis sa lalong madaling panahon!” matigas na pahayag ng amang si Don Leon bago tuluyang umalis ng silid.

Hindi makapaniwala si Rosario sa kanyang narinig. Ipapakasal siya ng kanyang ama sa isang matandang hindi naman niya lubos na kilala at iniibig.

Matagal nang napapansin ni Rosario ang mga malalagkit na tingin sa kanya ng matanda, kaya naman todo iwas siya rito. Sinong mag-aakala na makukumbinsi ni Don Luis ang ama na ibigay siya rito.

Advertisement

Kaya pala walang sawang nag-aalok ito ng tulong sa kanila simula ng mag-umpisang malugi ang kanilang mga negosyo. Napahagulhol na lamang ang dalaga habang nakayakap sa kanyang nakakatandang kapatid.

“Huwag kang mag-alala Rosario, hindi ko pababayaang maikasal ka sa matandang iyon,” pangako ni Christiano sa nakababatang kapatid.

Makaraan ang tatlong araw ay naisipang tumakas ni Christiano na itakas si Rosario. Pinasakay niya ito sa isang sasakyan papunta sa isang malayong bayan, hatid ang isang panalangin na sana ay maging ligtas ito at malaya. Na sana, isang maayos at tahimik na buhay ang naghihintay sa dalaga sa pupuntahan nito.

Nakarating si Rosario sa bayan ng Leyte. Kinakabahan man dahil hindi sanay sa labas ng bahay at pakikisalamuha sa ibang tao ay lubos din siyang nagagalak sa kalayaang tinatamasa.

Lubos siyang nagpapasalamat sa kanyang mahal na nakatatandang kapatid. Panalangin niya na lamang na sana ay ligtas ito at ang kanyang dalawa pang nakababatang kapatid.

Dahil sa wala namang nakakakilala sa kanya sa bayan na iyon, napilitang mamasukan si Rosario bilang isang katulong sa isang mabait na pamilya. Natuto siyang magbanat ng buto. At dahil sa taglay na angking ganda ng dalaga ay napa-ibig niya ang panganay na anak ng pamilyang kanyang pinagsisilbihan.

Sinuyo siya ng binata hanggang sa naging magkasintahan sila at nagpakasal. Simple lang ang kanilang naging buhay ng kanyang asawa at dalawang mga anak, simple man pero labis na kaligayahan naman ang kanyang nadarama kasama ang kanyang bagong pamilya.

Paminsan-minsan ay hindi maiwasang malungkot ni Rosario sapagkat naiisip pa rin niya ang pamilyang kanyang iniwan. Kumusta na kaya ang mga ito?

Advertisement

Lumipas ang ilan pang taon at muli silang nagkita ng kanyang nakakatandang kapatid na si Christiano, sa pamamagitan ng isang patagong liham.

Ilang taon na rin pala siyang hinahanap ng kapatid. Hindi rin kasi alam ng kapatid kung saan patungo ang sasakyang pinagdalhan sa kanya. Para na rin siguradong hindi ito matutunton ng ama at ni Don Luis.

Ipinagtapat ng kapatid ang mga nangyari pagkatapos tumakas ni Rosario. Nagkagulo daw ang dalawang pamilya dahil sa pagbali nila ng kasunduang kasal. Mabuti na lamang at biglang may dumating para tulungan ang pamilya nila.

Ang nakababatang kapatid ng kanyang ina na si Heneral Arman, napag-alaman ng Heneral na si Don Luis pala ang may kagagawan kung bakit unti-unting nalulugi ang kanilang mga negosyo. Ikinulong naman si Don Luis dahil sapat na ang ebidensyang nalikom ng kanilang tiyo para dito.

Naka-ahon sa hirap ang kanilang pamilya subalit hindi rin nagtagal ay nanghina at pumanaw na rin ang kanilang ama, hanggang sa huling sandali daw ng buhay ni Don Leon ay pangalan ni Rosario ang kanyang sinasambit.

Halos madurog ang puso ng dalaga sa kanyang mga natuklasan at humahagulhol na nakayakap sa kanyang kapatid. Sumama muna siya sa kanyang kapatid pauwi sa kanilang tahanan at pinuntahan ang puntod ng kanilang mga magulang.

“Aking mahal na ama, patawarin ninyo po sana ako kung natagalan man akong bumisita sa inyo. Nabalitaan ko lamang noong isang araw ang pagkawala ninyo. Labis akong nalulungkot at nasasaktan na nilisan mo na pala ang mundo ng wala man lang akong kaalam-alam.

Huwag na po kayong mag-alala sa’kin, masaya na po ako ngayon kasama ang aking pamilyang binuo at alagang-alaga naman kami ng aking mapagmahal na asawa,

Advertisement

Kung inaalala niyo naman po ang mga nangyari bago tayo magkahiwalay, huwag na rin po kayong mag-alala. Napatawad ko na kayo. Sa paglipas ng panahon ay unti-unti ko ring naintindihan kung bakit niyo nagawa iyon. Nagawa niyo lamang po iyon para sa ating pamilya. Napatawad ko na po kayo,

Kung may pinanghihinayangan man ako ngayon ay yung sana ay nagkita at nagka-usap man lamang tayo bago kayo lumisan sa mundong ito. Mahal na mahal ko kayo,” puno ng emosyong saad ni Rosario sa puntod ng kanyang mga magulang, habang bumubuhos ang kanyang mga luha na matagal niyang pinipigan na tila ba malakas na ulan.

Napahinga na lamang ng malalim si Rosario at bumalik sa piling ng kanyang mag-ama. Maaaring hindi maganda ang nangyari sa kanila sa nakaraan, subalit namutawi ang pagpapatawad at pagmamahal sa kanyang puso.