Gustuhin man ng Ginang na Ibigay ang Lahat sa Kaniyang mga Anak ay Hindi Niya Ito Magawa; Paano Niya Kaya Tutuparin ang Hiling ng Bunsong Anak?

Gustuhin man ng Ginang na Ibigay ang Lahat sa Kaniyang mga Anak ay Hindi Niya Ito Magawa; Paano Niya Kaya Tutuparin ang Hiling ng Bunsong Anak?

FamilyHeartbreakingStories

Salat man sa yaman si Lorna ay pilit pa rin niyang binubuhay ang kaniyang limang mga anak na mag-isa matapos mawala ang kaniyang asawa sa isang aksidente. Gustuhin niya mang baguhin at gawing maginhawa ang kanilang mga buhay ay hindi niya ito maisakatuparan sapagkat hindi siya makakuha ng magandang trabaho. Hindi kasi siya nakapagtapos ng pag-aaral dahil sa pag-aasawa niya nang maaga.

Dahil dito ay labis na nahihirapan si Lorna na pagkasyahin ang kakarampot na pera na kinikita niya sa pag-eekstra sa pagtitinda sa palengke at paglalako ng banana cue kaya naman madalas siyang napipilitang mangutang sa kung sino-sino na malalapitan niya.

“Aling Bebang, baka ho puwedeng umutang ng isang instant noodles?” tanong ni Lorna sa may-ari ng sari-sari store.

“Na naman?! Hindi pa nga bayad ‘yung iba niyo pang mga inutang sa akin eh!” reklamo ni Aling Bebang.

“Sige na ho. Para sana mapagsaluhan namin ng mga anak ko ngayong gabi,” pakiusap ni Lorna.

“Aanak-anak kasi ng marami tapos hindi naman pala kayang pakainin,” wika ni Aling Bebang bago iabot ang instant noodles.

Kahit na ganoon ang sinabi kay Lorna ay nagpasalamat na lamang siya rito at agad na umuwi sa kanila upang mailuto ang instant noodles. Isinalang niya ito sa napakaraming tubig upang maparami ang sabaw nito na siyang uulamin at pagsasaluhan nilang anim na mag-iina.

Isang araw ay humiling ang bunsong anak ni Lorna na si Junjun na bilihan siya ng ice cream na nakita nitong kinakain ng mga kalaro nito sa kalsada ngunit hindi niya ito napagbigyan.

“Naku! Wala tayong pera! Wala na nga tayong makain, ‘di ba?” tugon ni Lorna na ikinalungkot ni Junjun.

“Sige na nga po,” malungkot na saad ng bata.

Ilang linggo ang lumipas at muling naglambing si Junjun sa kaniyang ina na bilhan siya ng ice cream na nais niya. Ngunit dahil sa init ng ulo ni Lorna sa pamomroblema sa pera ay nabulyawan niya ang kaniyang anak. Ikinagulat ito ng bata na naiyak na lamang sa takot.

Dahil sa nagawang iyon ni Lorna ay ninais niyang bumawi sa kaniyang anak kaya naman kinabukasan ay umalis siya ng madaling araw upang mas makarami ng mapagsa-sideline-an sa palengke. Bukod pa roon at sa paglalako niya ng banana cue tuwing hapon sa kalsada ay nakiusap din siya sa mga carinderia na nadadaanan niya upang maka-sideline  ng trabaho sa kanila.

Hindi ito naging madali para kay Lorna lalo na’t walang tumatanggap sa kaniya sapagkat hindi na nila kailangan pa ng dagdag na tao sa gabing iyon. Ngunit kahit na ganoon ay patuloy pa rin siya naghanap ng mapapasukan hanggang sa may isang tumanggap sa kaniya bilang tagapaghugas ng pinggan sa gabing iyon.

Sa pagtatrabaho ni Lorna ay inabot na siya ng halos hatinggabi kaya naman nagmamadaling siyang dumaan sa bilihan ng ice cream bago umuwi ng bahay upang sorpresahin ang kaniyang mga anak, lalo na si Junjun. Ngunit pag-uwi niya ay siya ang nasorpresa.

Ibinalita sa kaniya ng mga kapitbahay at tatlong anak na naiwan sa kanila na isinugod ng panganay niyang anak si Junjun sa ospital. Ito raw ay nasag*saan nang habulin ng tindero ng ice cream matapos magnakaw.

Ikinagulat ni Lorna ang narinig niya kaya naman agad siyang pumunta sa ospital ngunit pagdating niya roon ay hindi niya na naabutan si Junjun.

“Anak, nandito na ang nanay. Ito na ‘yung ice cream na gusto mo oh. Gising ka na, anak. Sige na, please!” maluha-luhang pagkakasabi ni Lorna bago tuluyang humagulgol nang wala pa ring responde ang kaniyang anak.

Labis ang paghihinagpis ni Lorna sa nangyaring iyon. Sinisisi niya ang kaniyang sarili sa pagkawala ng kaniyang bunsong anak.

“Dapat ay kinausap ko siya nang maayos at hindi sinigawan kagabi. Marahil ‘yun ang nagtulak sa kaniya para gawin ang bagay na ‘yun nang mawalan siya ng pag-asa na hindi ko maibibigay ang gusto niya. Kung sana’y nagtapos muna kami sa pag-aaral ng tatay niyo at naghanap muna ng maayos na trabaho noon bago magpakasal ay baka mas naging maayos ang buhay natin ngayon at hindi naghihirap nang ganito. Eh ‘di sana’y naibibigay ko agad anumang hilingin ninyong mga anak ko,” pahayag ni Lorna sa panganay niyang anak na puno ng pagsisisi.

Dahil sa pangyayaring iyon ay parating pinagsasabihan ni Lorna ang kaniyang mga anak na magtapos muna sa pag-aaral at siguraduhing may maayos na hanapbuhay bago mag-asawa upang maging maayos ang kinabukasan nila at ng magiging pamilya nila balang araw.

More Stories