Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Birthday Treat Ko Kay Papa - Inday Trending

Birthday Treat Ko Kay Papa

“Surprise!” ang masayang hiyaw ni Kisha noon, nang makapasok na sa kanilang bahay ang kaniyang ama at binuksan ang nakapatay na ilaw ng kanilang tahanan. Malawak na ngiti naman ang isinukli nito sa anak.

“Wow, pancit!” masayang sabi pa nito nang mamataan ang nakahaing handa sa kanilang mesa.

Tuwang-tuwang lumapit si Kisha sa kaniyang Papa Enchong at isinuot dito ang flower necklace na ginawa niya kanina habang nasa trabaho ito. “Happy birthday, Papa!” bati niya.

Talagang malaki ang paghanga ni Kisha kay Papa Enchong. Isa kasi itong mahusay na karpintero. Ito nga lagi ang hinahanap ng maraming taga-rito sa kanila kapag may gusto silang ipagawa. Bukod pa roon ay napakabuti rin nitong ama.

Natatandaan niya, na ang kaniyang Papa Enchong ang siyang kumupkop sa kaniya noong mga panahong nilalamig siya sa kalye. Ito ang nagpakain, nagpaaral, at bumuhay sa kaniya kahit pa hindi talaga siya galing dito. Ang kaniyang Papa Enchong ay naiiba sa lahat. Wala itong bisyo at napakabuti nitong tao. Kilala ito sa pagtulong sa mga nangangailangan kahit na nga hindi rin ganoon kalaki ang kita nito.

“Salamat, Anak!”

Maya-maya paʼy nilalantakan na ng mag-ama ang pancit bihon na iniluto ni Kisha. Tila hindi nagsasawa ang dalawa, kahit pa halos taon-taon ay iyon na ang handa nila sa tuwing magbi-birthday ang isa man sa kanila.

“Hayaan mo, Papa, kapag ako nakapagtapos na ng pag-aaral, hindi na lang po pancit ang ihahanda natin tuwing birthday mo. Mag-iimbita pa ako ng mga bisita at mabibigyan na kita ng birthday party, o ʼdi po kayaʼy iti-treat kita at kakain tayo sa masarap na restaurant!” natutuwang pangangarap pa ni Kisha.

“Bakit, ʼNak, sawa ka na ba sa pancit natin?” tatawa-tawa namang biro ng kaniyang Papa Enchong na sinimangutan lang kunwari ni Kisha. Tawa naman ito nang tawa. “Matanong ko lang, Anak, ano ba ang gusto mong maging propesyon pagtanda mo? Magsabi kaʼt nang mapag-ipunan na ni Papa ang pang-kolehiyo mo,” pagpapatuloy pa nito, pagkatapos ay muling sumubo ng pancit.

“Ang gusto ko, Papa?” saglit na nag-isip ang dalagita. “Hindi ko pa po alam, e. Basta, ang gusto ko po talaga ngayon ay makasama ka. I love you, Papa!” ang malalambing niyang saad noon habang palihim na iniiba ang usapan. Ang totooʼy may gusto na siyang kuhaning kurso sa kolehiyo. Kaya lang, sa estado ng buhay nila ngayon ay nagdadalawang isip siyang ituloy iyon. Ayaw niyang mahirapan ang kaniyang ama sa pag-iisip kung saan sila kukuha ng pangsuporta sa pag-aaral niya kung sakali.

Nang mga sandaling iyon ay inilihim muna niya iyon sa ama. Ngunit susubukan niyang gumawa ng paraan. Aabutin niya ang pangarap niya nang hindi pinahihirapan ang kaniyang Papa Enchong.

Titig na titig si Kisha sa nakangiting mukha ng kaniyang ama nang mga sandaling iyon, kaya naman hindi niya napansin na matagal na pala siyang nakatulala at nagbabalik-tanaw sa mga pangyayari sa nakalipas na mga taong magkasama sila nito.

Ngayon ay ibang-iba na ang kanilang buhay. Mayroon na silang malaking bahay, sasakyan, magarang mga damit at masasarap na pagkain sa mesa. Nakamit niya ang pinakamimithing pangarap na noon ay ni hindi niya mahiling sa kaniyang ama.

Ngayon ay kaarawan ng pinakahinahangaang tao ni Kisha sa mundo at naghanda siya ng isang makabagbag damdaming regalo para dito.

Nakasabit na ang mga banderitas, naka-set up na rin ang mini stage na ipinagawa niya. Naroon sila ngayon sa isang malawak na hardin, kung saan niya napiling ipagdiwang ang kaarawan ng kaniyang Papa Enchong.

Isa-isa nang nagdatingan ang mga bisita nila. Umupo sa mga bakanteng upuan habang hinahainan niya sila ng mga pagkaing masasarap at ibaʼt iba. May lechon, salad, cake at mga inumin! Hawak niya ang isang tropeyong may nakaukit na mga salitang, ‘best dad everʼ upang ihandog sa ama. Maraming bulaklak sa paligid kayaʼt humahalimuyak ang amoy ng mga ʼyon. Magkakahalong mga ngiti at maluha-luhang mata dulot ng galak ang namamayani sa paligid. Isang napakagandang tanawin kung titingnan.

“Papa..” ang panimulang salita ng dalaga sa tapat ng mikropono, habang sinusulyapan ang nakangiti pa ring mukha ng ama. “Iniaalay ko po sa inyo itong tropeyo sa kitang-kita namang dahilan. Kayo po, ang pinakamabuting ama, na maaaring magkaroon ang kahit sino,” aniya sa makabagbag damdaming tono. “I love you so much, Papa! Nakikita mo ba itong mga ʼto? Lahat ʼyan, Papa, sa atin na! O, ʼdi ba, ang bongga ng unica-hija mo?” biro niya pa.

“Sana, Papa, masaya ka sa nakikita mo ngayon..” napahinga siya nang malalim. Pakiramdam ni Kisha ay may bikig sa kaniyang lalamunan na nagpapahirap sa kaniya upang makahinga siya nang maayos. Ayaw niyang maiyak ngayon. Dapat masaya lang! Ngunit sa pagkakataong ito ay hindi na niya napigilan pa ang pagtulo ng luha mula sa kaniyang mata. “Sayang lang, kasi, maaga ka Niyang kinuha sa akin.” napapiyok pa si Kisha sa huli niyang mga salita.

Matapos ang tatlong buwang pagkakaratay sa ospital noon, dulot ng pagkabagok ng ulo buhat nang aksidenteng mabundol ito ng isang pribadong sasakyan na pagmamay-ari ng isang makapangyarihang politiko, ay nagpaalam na rin ang kaniyang Papa Enchong. Sumuko na ito, pumanaw na. Ilang taon na rin ang nakalilipas ngunit para kay Kisha ay sariwang-sariwa pa ang mga alaala.

Nilingon ni Kisha ang lupang kinahihimlayan na ama. Ang lugar kung saan niya idinaos ang kaarawan nito ngayon. Gusto niyang umasa na bukas ay muli siyang magigising na muli niya ring kasama ang kaniyang Papa Enchong.. ngunit alam niyang malabo na iyon.

“Naaalala ko dati, Papa, tinanong mo ako noon kung anong gusto kong maging propesyon, tapos sabi ko, hindi ko alam. Papa, ang totooʼy gusto kong mag-abogado. Kaya tinupad ko na iyon ngayon.

At papa, alam mo ba kung anoʼng regalo ko sa iyo ngayon? Ang mga medalyang inipon ko upang ibigay sa iyo kapag nakamit na natin ang hustisya..

Oo, Papa. Nakamit na natin ang hustisya. Naipanalo ko ang kaso mo laban sa taong kumuha sa iyo mula sa akin. Papa, sana ngayon ay masaya ka na,” ang humahagulhol nang pagtatapos ng kaniyang paglilitanya.

At nang mga sandaling iyon, ang kaninaʼy namamayaning katahimikan ay napuno ng ingay ng malalakas na palakpakan ng kanilang mga bisita. Ingay na nagpapatunay na si Kisha mismo ang naghirap na makamit ang hustisya para sa ama. Hindi nasayang ang pagod ng dalaga. Naibigay niya ang pinakamagandang birthday treat para sa kaniyang ama!


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.