Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Panindigan Mo Ako! - Inday Trending

Panindigan Mo Ako!

“P’re, grabe na talaga itong si Cathy. ‘Di ko na kaya ang ugali!” reklamo ni Benjie sa kaibigan si Paulo nang minsang magkainuman sila matapos ang shift sa trabaho.

“O, bakit na naman? Nag-away ba ulit kayo?” sagot ng tatawa-tawang si Paulo. Katunayan ay hindi na bago sa kanya na may ginawa na namang kahihiyan ang nobya ng kanyang kaibigan.

“Kagabi habang kumakain kami sa isang restawran, bigla na lang tumayo at nagsisigaw. Hinahanap ang manager! E sinusubukan kong pakalmahin at tanungin kung anong nangyari, pero wala, mas gusto niyang mag-eskandalo na agad,” panimula ni Benjie.

“E bakit? May langaw ‘yong pagkain? O ‘di kaya naman, may buhok?” tanong ni Paulo sabay lagok ng ikalawang bote niya ng beer.

“Iyon na nga e! Sana ba kung ganoon. Kaso hindi! Hindi lang daw masarap! Nakakahiya talaga, grabe! Tapos habang nasa sasakyan kami, ang init-init ng ulo sa’kin. Hindi ko raw kasi siya ipinagtanggol doon sa manager. Diyos ko!” kunot-noong kwento ni Benjie.

Tatlong buwan pa lamang magkasintahan itong si Benjie at Cathy. Nahulog ang loob ng binata sa kanya noon dahil sa mayumi nitong pag-uugali. Palagi rin itong nakangiti at pala-kaibigan sa mga tao sa paligid niya. ‘Di naman akalain ni Benjie na sa loob lang ng tatlong buwan ay magpapakita na ng tunay na kulay ang dalaga.

“Tama na ‘yan, p’re. Hiwalayan mo na. Maawa ka sa sarili mo. Puro kalmot ka na naman at kurot sa braso,” payo ni Paulo na bigla nang nagseryoso. Alam niyang madalas ay sinasaktan ni Cathy si Benjie, lalo na kapag naiinis ito sa mga nangyayari sa buhay niya. Masyado kasing mabait itong si Benjie kaya’t tinitiis ang mga pagmamaldita ng kanyang nobya.

“Kakausapin ko s’ya bukas. Makikipaghiwalay na ako,” ani Benjie. Buong-buo na ang desisyon niya.

Kinabukasan, lalabas pa lamang ng bahay nila si Benjie upang puntahan si Cathy ngunit nagulat siya nang makita itong nasa tapat na ng kanilang pintuan.

“O, Cathy? Ba’t napadaan ka? Pupuntahan nga sana kita sa inyo dahil may mahalaga akong sasabihin sa’yo,” wika ni Benjie habang halatang iniiwasan ang mga halik ni Cathy.

“May sasabihin ka? Alam kong makakahintay ‘yan! Kasi mas mahalaga itong sasabihin ko! Tara, pasok tayo sa inyo. Kailangan din itong marinig ng pamilya mo,” sabik na sabik na sabi ni Cathy.

Wala nang nagawa si Benjie dahil hinila na siya papasok ng sarili niyang bahay ng kanyang nobya. Tinipon ni Cathy ang mga magulang ni Benjie pati ang dalawa pa nitong kapatid at saka nagsalita.

“Ngayong kompleto na kayo, may ibabalita po ako! BUNTIS AKO!” todo ngising pahayag ni Cathy sabay pakita ng positibong pregnancy test kit.

Nagkatinginan naman ang dalawang babaeng kapatid ni Benjie at napakunot ng noo. Kailanma’y hindi nila nagustuhan si Cathy.

May edad na ang nanay at tatay ni Benjie, kaya naman masayang-masaya ang dalawa nang marinig ang sinabi ni Cathy. Kaya’t imbes na hiwalayan, nauwi pa sa kasalan ang naging plano ni Benjie. Ayaw rin niya kasing lumaki ang bata ng walang kinikilalang ama.

Napagdesisyunan ng pamilya ni Benjie na doon muna manunuluyan si Cathy sa kanilang bahay upang maalagaang mabuti sa kanyang pagbubuntis. Pagkapanganak ay saka na lamang daw ito magpapakasal at bubukod kasama ni Benjie.

Ilang buwan ang lumipas na doon nakatira si Cathy. Naging napakasarap ng buhay nito dahil hindi siya pinagtatrabaho at hindi rin pinapagawa ng anumang gawaing bahay. Madalas nga’y grabe pa ito kung makahingi ng pabor sa dalawang kapatid ni Benjie, na siya namang kinainis ng dalawa.

“Bwisit talaga ‘yang babae na ‘yan. Si Benjie naman kasi e, hindi pumili ng maayos-ayos na nobya,” bulong ni Samantha, ang panganay na kapatid ni Benjie.

“Kaya nga, ate. Wala nang ibang ginawa ‘yong babae kundi mag-utos sa’kin,” dagdag pa ng bunsong kapatid na si Grace.

“Aba’t buti nga sa’yo utos lang! Kanina, nagpabili sa’kin ng pagkain sa McDo kasi naglilihi raw siya. Hindi na nga ako binayaran, nagreklamo pa kasi ba’t late na raw ako nakauwi at kanina pa siya naghihintay!” angil ni Samantha.

Gayunpaman, kahit na labis ang inis ng dalawa ay patuloy pa rin nilang pinakikisamahan itong si Cathy dahil pamangkin nila ang dinadalang bata nito.

Sa ikaapat na buwan ng pagbubuntis ng babae, napagdesisyunan ni Benjie na lumipad muna patungong Qatar upang kuhanin ang limang buwang kontrata sa trabaho. Kahit ayaw malayo sa Pilipinas ay kinakailangan niya ng pera upang ipanggastos sa nalalapit na panganganak ng nobya.

Dumating ang ikalimang buwan ng pagbubuntis ni Cathy, kaya naman naisipan ni Samantha na yayain ang babae na magpa-ultrasound upang malaman na ang kasarian ng baby. Ngunit kahit anong pilit niya’y ayaw nitong sumama dahil gusto raw niya ay “surprise” at sa mismong araw na lamang ng kapanganakan niya malalaman kung babae ba ang sanggol o lalaki.

Makalipas ang apat na buwan, at naghahanda na ang lahat sa panganganak ni Cathy. Kabuwanan na kasi ng babae at kahit anong oras ay pwede na itong manganak. Kakauwi lang din ni Benjie mula sa Qatar upang masaksihan ang pagsilang ng kanyang panganay.

Isang gabi, nagambala ang mahimbing na pagkakatulog ng lahat sa sigawan ni Benjie at Cathy. Nagmadali naman ang nanay at tatay ni Benjie, pati ang dalawa niyang kapatid na bumaba sa kwarto ng dalawa upang umawat.

“Benjie, tama na ‘yan! Bawal sumigaw ang buntis at baka mapano ang bata!” saway ng mag-asawa.

“Anong buntis?! Siyam na buwan na pala tayong niloloko nitong babae na ‘to! Eto oh, tingnan niyo!” sigaw ni Benjie sabay hatak sa tiyan ni Cathy.

Nanlaki ang mga mata nilang lahat nang makitang mga binilot na tela lang pala na metikolosong inilagay sa tiyan ni Cathy upang magmukhang totoo ang kanyang pagdadalang-tao.

“E kasi naman, Benjie! Narinig ko, iiwan mo na ako e. Ayoko, hindi ko kaya! Kaya nagpanggap akong buntis, kasi ito na lang ang paraan para ‘di ka mawala sa’kin!” ngumangawang sabi ni Cathy habang nakaluhod sa harapan ni Benjie.

“Ayoko na! Heto ang dahilan kung bakit ayoko na sa’yo, dahil sinungaling ka at manloloko. Umalis ka na rito, parang awa mo na. Tapos na tayo,” matigas na sabi ni Benjie.

Pero hindi kumikilos itong si Cathy, at tumayo pa at nagtangkang saktan na naman si Benjie. Natigilan siya nang bigla siyang nakaramdam ng mga kamay na humihila sa kanyang ulo.

“Aray ko! Bitawan niyo ‘ko, mga bwisit kayo!” sigaw ni Cathy.

“Ang kapal ng mukha mo, sobra! Layuan mo ang kapatid namin, pati na ang buong pamilya namin! Kapag hindi mo pa kami tinantanan, ipapakulong kita!” pagbabanta ni Samantha habang kinakaladkad si Cathy palabas ng kanilang bahay.

“Kaya pala nagpapakasagana ka rito sa bahay namin ha?! Nagpapataba ka para magmukha kang buntis? G*GO!” sigaw ni Grace sabay sampal sa babae.

Natakot naman itong si Cathy dahil isang Law student si Samantha, at alam niyang may alam ito sa batas. Sigurado siyang kapag hindi pa siya umalis ay malamig na rehas na ang kakaharapin niya. Nagtatakbo na ito palayo, at magmula ng araw na iyon ay hindi na nagpakita sa buong pamilya ni Benjie.

Nang dahil sa pangyayaring iyon, nangako si Benjie sa kanyang sarili na kikilalanin munang maigi ang babaeng susunod na magustuhan bago ito ligawan.


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.