Gandang-ganda sa Sarili ang Babaeng Ito, Isang Lalaki ang Magpapamukha sa Kanya ng Pangit na Katotohanan

Alas kwatro ng umaga ay gumigising na ang dalagang si Sharmaine upang makapaglaan ng sapat na oras sa kanyang pag-aayos bago pumasok ng trabaho. Alas otso pa ang kanyang pasok, at wala pang kalahating oras ang biyahe niya papuntang opisina ngunit minsan ay kulang pa rin ang oras niya sa pag-aayos.

“Okay, lipstick na lang,” nakangiting sabi ni Sharmaine sa sarili habang isang oras mahigit nang naglalagay ng make-up sa kanyang mukha.

“Ayan! Perfect! Grabe, ang ganda-ganda ko talaga. Sinong hindi mapapatingin dito?” wika niya sabay anggulo sa harap ng salamin.

Maya-maya pa ay umalis na ang dalaga upang pumasok. Habang naglalakad papuntang sakayan ng bus, isang binata ang napansin niyang nakatingin sa kanya. Dahil gwapo ang lalaki, hindi niya ito inaway o sinigawan tulad ng ginagawa niya sa ibang lalaki. Tiningnan niya pa ito ng malagkit na tila na nang-aakit. Nang makalagpas na ang gwapong binata, hindi na narinig ni Sharmaine ang bulong ng binata sa kanyang kasama.

“Kita mo yun, p’re? Sobrang kapal ng kilay! Mukhang ginuhitan ng pentel pen,” tawang-tawang sabi nito.

“Pucha! Kaya mo pala tinitingnan. Akala ko e type mo e,” natatawa ring sagot ng kanyang kasama.

“G*go! E mukhang gandang-ganda sa sarili ‘yon e.”

Habang si Sharmaine nama’y tuwang-tuwa sa pag-aakalang isang gwapong binata na naman ang napa-lingon niya. Araw-araw na lamang ganito ang eksena niya sa buhay.

Advertisement

Nang makasakay siya ng bus, agad siyang naupo sa pinakamalapit na bakanteng upuan sa gitna ng bus. Agad naman siyang nainis dahil maaga pa ngunit siksikan na sa nasakyang bus.

“Nasisira ang ganda ko e. Bwisit,” malakas na bulong nito sa sarili.

Napahagikgik naman ng kaunti ang isang babaeng kanyang katabi.

Maya-maya pa, biglang napansin ni Sharmaine ang isang lalaki na panay ang ngiti at kaway sa kanya. Dahil hindi ito kagwapuhan, agad na namang nag-init ang ulo ni Sharmaine. Nanlaki pa lalo ang kanyang mga mata at nag-init ang tenga sa inis nang makitang ngumunguso-nguso ito na tila ba hinahalikan siya.

“T*ngina, anong problema mo? Alam kong maganda ako! Pero bakit nambabastos ka?” sigaw ni Sharmaine na rinig na rinig ng lahat ng pasahero ng bus.

Agad siyang pinagtinginan ng lahat ng tao. Mabilis ding nagsimula ang mga mahihinang bulungan.

“Ano? Bakit sa’kin kayo nakatingin? Kanina pa ako minamanyak ng g*gong ‘yan oh!” patuloy na sigaw ng babae sabay turo sa lalaki.

Takang-taka naman ang lalaki kung bakit bigla na lamang nag-eksena itong dalaga.

Advertisement

“Magsalita ka! Kanina ka pa kindat nang kindat, ‘di ba? Bastos ka e!”

“A- ako ba? Sa iyo? Kinikindatan kita?” natatawang sagot ng binata.

“Oo! Sino pa ba? Hindi porket ang ganda-ganda ko e pwede mo na akong bastusin!”

Habang galit na galit at patuloy na nagbubunganga si Sharmaine, natigilan siya nang isang babae ang bumatok sa kanya mula sa kanyang likuran. Lalong nagpuyos ang kanyang galit, at agad tumalikod upang makita kung sino ang gumawa noon sa kanya.

“Ano? G*ga! Hindi ikaw ang kinikindatan. Bakit, ganda ka? Boyfriend ko ‘yan! T*nga! Mag-eeskandalo ka pa e, ‘no?” wika ng babaeng bumatok sa kanya. Pahiyang-pahiya si Sharmaine dahil sabay-sabay nagtawanan ang mga pasahero.

“GGSS! Gandang-ganda sa sarili ah?” sigaw ng isang babae.

“Buti nga sa iyo!” sigaw naman ng isang matandang babae.

Dala ng labis na pagkapahiya, nagmadaling bumaba ng bus si Sharmaine upang hindi na marinig ang mga pang-iinis ng ilang pasahero. Para bang biglang natauhan ang dalaga sa mga nangyari sa loob ng bus. Sumakay na lamang siya ng taxi at nagdesisyong huwag na lang munang pumasok. Umuwi siyang luhaan na agad namang napansin ng kanyang ina.

Advertisement

“Anak! Anong nangyari sa iyo?”

Ikinwento ni Sharmaine ang lahat.

“Hindi ba’t matagal ko nang sinasabi iyan sa’yo? Huwag kang masyadong tiwala sa sarili. Hayaan mong ibang tao ang magsabi sa iyo ng kapurihan, hindi ‘yong ikaw ang nagdidikta sa kanila. Halika, anak,” at niyakap niya ng mahigpit ang kanyang bunso.

Simula noon ay sinubukan na ng dalagang baguhin ang hindi niya magandang pag-uugali. Sa wakas ay tumalab na ang mga pangaral sa kanya ng kanyang ina sa tulong ng mga nangyari sa loob ng bus.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!