Hindi Makapaniwala ang Babae nang Ipagtapat sa Kanya ng Kaibigan na Matagal na raw Pala Siyang Pumanaw

Isang gabi, habang naglalakad si Joy pauwi galing sa eskwela, ay nakasalubong niya ang kaibigang si Galvin. Tila ba ay gulat na gulat ang kaibigan na makita siya, na gumulo din naman sa isipan niya.

“Joy?” pagtawag sa kanya ni Galvin.

“Uy Galvin, bakit?” tanong niya.

“Pwede mo ba akong samahan munang kumain? Kailangan kitang makausap, kasi may importante akong sasabihin sa’yo,” wikang muli ng kaibigan.

At dahil medyo maaga pa naman, tumango lamang si Joy at sumama sa kaibigan. Pumunta sila sa isang kainan kung saan ang manok ay maliligaya, kung saan langhap na langhap ang bango at makatas ang laman.

Nang makaupo, tinitingan muli siya ni Galvin at nagtanong, “Ikaw ba talaga yan, Joy?”

“Si Angel Locsin ba ang nakikita mo?” tanong ng babae.

“Hindi, mahiya ka naman sa sarili mo,” pang-aasar ng kaibigan.

Advertisement

“Oh iyon naman pala eh, bakit tinatanong mo pa kung ako ba talaga ‘to?” pamimilosopo naman ni Joy.

“Pero bakit at saka paano?” tanong muli ng lalaki ni tila ba gulong-gulo din.

“Hoy, ikaw Galvin, umayos ka ha? Lumuluwag na ata ang turnilyo mo sa ulo eh.”

“Hindi eh, hindi pa naman ako nababaliw, Joy, pero paano ka nakabalik dito?” seryosong tanong naman ng lalaki.

“Eh di sumakay ng LRT galing sa Legarda, tapos bumaba ako sa Recto, saka pumasok sa school, oh e bakit ba?” tanong naman ng babae.

“P-pero patay ka na di ba? Paano nangyari na nandito ka?”

Kinilabutan si Joy sa narinig, “Patay? Paano ako mamamatay eh kaharap mo nga ako? Nakakausap mo nga ako?” naguguluhan nang tanong ng babae.

“Nakita ko mismo, Joy. Dalawang mata ko ang nakakita nang bawian ka ng buhay, kaya hindi ko maintindihan kung paano ka muli napunta dito?” saad ng lalaki.

Advertisement

Naisip ni Joy na baka nababaliw na talaga ang kaibigan, dahil wala naman siyang maalala na pumanaw na siya o may nangyari sa kanyang masama.

“Hoy Galvin, di nakakatuwa yang biro mo ha?!” sa mga pagkakataong ito ay nakakaramdam na rin ng takot ang babae.

“Hindi ako nagloloko, Joy. Natatandaan mo ba nung Huwebes, nung nagpunta tayong magbabarakada sa Taft, para uminom?”

“Oo, oh di ba uminom lang naman tayo, tapos nagparty at saka umuwi?” sagot ni Joy.

“Oo nga, pero hindi mo ba maalala kung ano ang nangyari nun?”

“Teka nga, ikwento mo lahat ng nangyari nun, kasi naguguluhan na ako,” bakas sa mukha ng babae ang takot at pagkaasar.

Ipinaliwanag ni Galvin na nalasing si Joy ng sobra noon, ngunit dahil tumawag ang kanyang ina ay napagdesisyunan niyang umuna na ng uwi. Habang nag-iintay daw ng sasakyan sa labas, sa may madilim na lugar, ay mayroong lalaking lumapit kay Joy at tinutukan ito ng kutsilyo sa tagiliran.

Lalapit daw sana si Galvin nang makita niyang kinukuha ng lalaki ang pera ng dalaga, ngunit sobrang lasing ng dalaga at nanlaban ito, kaya naman bigla siyang inurakan ng saksak sa tagiliran.

Advertisement

Tatakbo na sana si Galvin, upang tulungan siya ngunit tinignan siya ng masama ng lalaki, kaya umatras siya pabalik, ngunit kitang-kita daw niya kung paano bumagsak at mawalan ng buhay ang babae.

“Sandali, totoo ba talaga yan Galvin?” ngayon ay nakakaramdam na si Joy, ng pagsikip ng dibdib sa mga nalalaman.

“Oo, Joy. Sana mapatawad mo ako kasi hindi kita nagawang tulungan nun. Natakot lang din ako, ako lang kasi ang inaasahan sa pamilya namin na tutulong pag nakatapos, kaya natakot din ako para sa buhay ko,” pagpapaliwanag ng lalaki.

“Eh kung patay na ako, bakit nakakahawak pa ako ng mga gamit?” iginalaw ng babae ang soft drinks na nasa harapan niya, “oh eh bakit ito nahahawakan ko pa?”

“May mga kaluluwa kasi Joy, na malalakas ang presenya. Lalong-lalo na yung mga katulad mo na hindi pa alam na pumanaw na sila, at hindi na parte ng mundong ibabaw,” saad naman ni Galvin.

“Teka, itatanong ko muna sa magulang ko kung alam ba nila ito, baka pinaglololoko mo lang ako eh,” pananakot ng babae ngunit pinigilan siya ng kaibigan.

“Alam mo naman na mahina ang puso ng papa mo, hindi ba? Tapos tinataasan pa ng dugo ang mama mo, baka bigla silang sumunod sayo pag nalaman agad nila.

Joy, dahan-dahanin mo ang pagpapaalam sa kanila. Baka kasi hindi pa rin sila handa. Sa ngayon, huwag mo munang ipahalata na, may ideya ka na sa totoong nangyari sayo, okay?” wika ni Galvin.

Advertisement

Tumango lamang si Joy. Humingi muli ng pasensya si Galvin sa kanya dahil daw sa hindi nito natulungan ang kaibigan noon. Nang umalis sa kainan ay naglakad na lamang pauwi si Joy.

Napakalalim ng kanyang iniisip simula ng marinig ang mga bagay na sinabi ng kaibigan. Hindi niya alam kung paano sasabihin sa magulang na wala na siya, at isang espiritu na lamang siya.

Lumipas ang tatlong araw, nagkukunwari pa rin si Joy na buhay sa harap ng kanyang pamilya. Ginawa niya lahat ng mga hindi pa nagagawa dati, siya na ang nag-boboluntaryo na maglinis ng bahay, maghugas ng plato, at magpakain ng mga aso, na dati ay hindi niya ginagawa.

Mas naging mabait siya sa mga kapatid at naging masunurin sa magulang. Ito na lamang daw kasi ang masasayang alaala na pwede niyang iwanan sa pamilya. Nasa may hapagkainan sila noon ng napagdesisyunan ni Joy na sabihin ang totoo sa pamilya.

“Ma, Pa, gusto ko lang pong sabihin sa inyo na sobrang nagpapasalamat ako sa buhay na ibinigay ninyo sa akin. Alam ko madalas pasaway ako, pero mama at papa, mahal na mahal ko po kayo,” naiiyak na wika ni Joy.

“Anak, ano bang nakain mo at bigla kang sumipag tapos ngayon nagsasalita ka ng mga bagay na hindi mo sinasabi noon?” galak na tanong ng kanyang ina.

“Mamaya ko na sasabihin ma,” tumingin siya sa mga kapatid, “alam ko minsan laging galit si ate, pero kayo ang dabest na kapatid na meron ako, mahal na mahal ko kayo,” at tuluyan nang bumagsak ang mga luha ni Joy.

Ngayon ay nararanasan niya ang sakit ng pamamaalam. Parang dinudurog ang puso niya habang tinitignan ang pamilya, ang pamilyang kanyang nalalapit nang iwanan.

Advertisement

“Sana mama at papa, huwag ninyo akong kalimutan, sana itago ninyo sa inyong puso ang mga alaalang aking iiwanan sa paglisan ko,” humahagulgol na siya, ngunit hindi alam ng pamilya niya ang dahilan kung bakit.

“Anak, gumagamit ka ba ng ipinagbabawal na gamot? Tila iba ata ang nagiging epekto sa’yo, imbes na mapasama ay parang mas napabuti ka pa ata?” tanong naman ng ama.

Ipagtatapat na sana ni Joy ang totoo, ngunit naputol ito nang marinig na may kumataok, si Galvin. Nais daw kausapin muna si Joy. Inaya niya si Joy na maglakad-lakad muna sa kanilang kalsada, pumayag naman si Joy.

“Kumusta ka naman, Joy?”

“Ayos naman, eto handa nang umamin sa pamilya ko, pangit naman kasi ng timing mo, Galvin, nandun na ako eh, ipinagtatapat ko na sa kanila yung totoo,” kita naman ang kabiguan sa mukha ng babae.

“Kaya mo pa ba?” tanong ng lalaki.

“Pero alam mo, parang nagi-guilty ako. Kasi parang niloloko ko na lang ang pamilya ko, matagal na akong pumanaw, pero umaarte akong buhay pa,” wika ni Joy.

“Ako din Joy, nagi-guilty din ako,” malungkot na saad ng kaibigan.

Advertisement

“Ano ka ba? Ayos lang yun, at least sinabi mo sa akin yung totoo di ba?” nakangiti niyang sagot.

“Hindi yun Joy eh, iba kasi.”

“Eh ano?” naguguluhang tanong ng babae.

“Hindi ka kasi totoong pumanaw, Joy. Wala lang talaga akong makasama nung araw na yun na kumain, kaya naisipan kong kausapin ka nun, kaso di ko naman alam na uto-uto ka pala,” nalulungkot ngunit medyo natatawang saad ng kaibigan.

“Pero di ba sabi mo kinuha nung lalaking sumaksak sa akin yung pera ko? Wala nga sa wallet ko yung pera.”

“Hindi Joy. Nung malasing ka kasi nun, ikaw yung nagbayad ng lahat ng inumin natin, kaya wala ka nang pera ngayon, pero hindi ka pa talaga sumakabilang buhay Joy, sadyang t*nga ka lang talaga,” at saka humagalpak ng tawa si Galvin.

Napakamot ng ulo si Joy at saka pinukpok ng kamao ang ulo ng lalaki.

“Walangya ka Galvin, pinaglinis mo ako ng bahay namin ng tatlong araw, at nagpaka-keso ako sa mama at papa ko kasi akala ko talaga wala na ako,” inis na inis ngunit natatawang reaksyon ni Joy.

Advertisement

“Malay ko bang ganyan ka kauto-uto, pero salamat, kasi naenjoy ko ang pagkain ng maliligayang manok dahil sa reaksyon mo nung nagkukwento ako,” at saka muli itong humagalpak ng tawa.

Hindi malaman ni Joy kung anung gagawin, naiinis siya ngunit natatawa rin dahil nalaman niya sa kanyang sarili kung gaano siya kat*nga, ngunit dahil doon ay natutunan niyang gumawa ng gawaing bahay at maging malapit ng sobra sa magulang. Magmula noon ay palagi na niyang ipinakikita sa lahat ng mahal niya sa buhay kung gaano niya sila ka-mahal. Dahil naramdaman na niya ang pait ng pamamaalam. Laking pasasalamat na lamang niya at ang lahat ng iyon ay panloloko lamang ng kaibigan.

Mas tumibay naman ang pagkakaibigan nila ni Galvin simula noon. Sa tuwing nagkikita sila at hindi nila mapigilang tumawa kapag naaalala ang mga kalokohang ginawa.