Malapit ang Loob ng Guro sa Estudyante, Wasak ang Puso Niya nang Mawala ang Bata sa Landslide

Marami ang nagsasabing niloloko ni Joy ang sarili niya, matalino naman daw siya pero bakit ayaw niya iyong ilugar. Paano naman kasi, tapos siya ng kursong Education. Kung tutuusin ay nag-masteral pa nga, pero dito niya piniling magturo sa liblib na lugar sa Isabela.

“Ewan ko sa’yo girl, kung ako lang ay kasing talino mo. Dito ako sa Manila maghahanap ng work. Ilang units lang ang kukunin mo, pwede kanang principal eh! Bakit ka nagtya-tyaga dyan? Hindi mapapansin ang galing mo dyan. Puro lamok at putik lang ang nakapaligid sayo.”

Napapailing naman si Joy habang nakikinig sa litanya ng kaibigan niyang si Shane sa kabilang linya. Pinababayaan niya lang itong magsalita nang magsalita.

“Ano na? Hindi kana sumagot diyan. Walang signal ano? Yan ang sinasabi ko eh. Gusto mo yatang bumalik sa dating panahon. Primitibo! Ano ba ang ginagawa mo? Lumalangoy sa ilog?” sarcastic na tanong nito.

Well, totoo naman iyon. Kasasakay niya lang ng bangka. Isang ilog pa ang dadaanan na hanggang bewang lang ang tubig, tapos ay putikan bago niya marating ang kanyang munting classroom.

Sa wakas ay naisipan niyang sumagot, “Ginagawa ko? Edi ang trabaho ko. Magturo. Hindi ba iyon naman talaga dapat?”

“Oo pero hindi diyan! Dito sa Manila!”

“Sus, marami nang magaling dyan. Dito ako kailangan, sige na.” hindi niya na hinintay na magsalita pa ang kaibigan at itinabi niya na ang cellphone. Mamaya ay malaglag pa sa tubig, lalo siyang walang ginamit.

Advertisement

Ulilang lubos na si Joy at siya ang nagpaaral sa kanyang sarili. Hindi naging madali ang lahat, kaya ipinangako niya na makapagtapos lang siya ay ibabalik niya ang kanyang kaalaman sa mga batang nangangailangan.

At ano naman kung mahirap ang dinaranas niya araw-araw? Maisip niya palang na naghihintay ang mga musmos na gutom sa kaalaman ay ginaganahan na siya. Maisip niya palang na magtatagumpay ang mga ito sa buhay, nagkakaroon na siya ng lakas.

“Goodmorning Ma’am Joy!” sabay-sabay na sabi ng mga bata. Walang uniporme ang mga ito at plastic bag lang ang ginagamit na lalagyan ng isang pirasong notebook.

Hati-hati rin ito sa mga lumang libro na pinapaiwan niya na lamang sa classroom.

“Goodmorning! Ang pag-uusapan natin ngayon, ay kung ano ang gusto ninyong maging paglaki nyo, pwede ka bang mauna Mark?” sabi niya sa isang estudyante.

Tumayo ang bata at nagsalita, “Paglaki ko, gusto ko pong maging sundalo. Para ipagtatanggol ang mga tao,” magiting na sabi nito.

Nagpalakpakan silang lahat, “Ikaw naman Mylene,”

“Gusto ko maging titser ma’am, gaya mo po,”

Advertisement

“Aba,” nakangiting komento niya. Ang saya sa dibdib na marinig na may malalaking pangarap ang mga bata.

Dumako ang tingin niya sa dulo, kung saan naroon si Angela. Isa ito sa pinakatahimik sa klase at hindi masyadong nagtataas ng kamay.

“Angela, pwede mo bang i-bahagi kay Ma’am ang iyong pangarap?”

Nangingiming tumayo ang bata. Lumingon sa mga kaklase habang kinukutkot ang magkabilaang kamay.

“Wala akong pangarap Ma’am,” nakatungong sabi nito.

Bumagsak ang balikat ng guro pagkarinig noon, “Pwede ko bang malaman kung bakit? Ayaw mo bang maging nurse, o gurong tulad ko at ni Mylene? O kaya naman sundalo, may babae rin namang sundalo,” mungkahi niya.

Umiling ito. “Ma’am, ang sabi ho ng nanay ko ay hindi naman ho ako magtatapos. Kahit nga ho itong taon na ito, titigil na ako. Basta raw marunong akong sumulat at bumasa, ayos na iyon. Tutulong na ako sa kanya sa pangongolekta ng kopra ho,”

Hindi na nakapagsalita pa si Joy. Pero mula noon ay tinutukan niya nang mabuti si Angela, pinipilit niyang ipaunawa sa bata na dapat ay hindi ito mawalan ng pag-asa sa buhay. Walang masama kung mangarap, at lalong walang masama kung tutuparin iyon.

Advertisement

“Naiintindihan mo ba si Ma’am? Magaling ka eh. Siguro pagdating ng panahon ay Attorney kana, o. Naku, lahat ng kaso ay maipapanalo mo!O ayan, ang ganda diba?” sabi ni Joy, kakwentuhan niya si Angela habang tinuturuan niya ang bata na gumawa ng rosas na papel.

“Ang galing naman ma’am. Oho nga eh, gusto kong maging abogado po. Sa inyo po ito,” anito at iniabot ang sariling gawa kay Joy.

Napuno ng saya ang mukha ng guro, kahit pa yupi at hindi masyadong maganda ang gawa ni Angela ay alam niyang galing iyon sa puso ng bata.

“Sa susunod po ma’am, kapag ako ay abogado na, maibibili na kita ng totoong rosas.”

“Aba, aasahan ko iyan,” pinipigil ang luha na sabi ng guro.

“Ma’am?” nagising sa pagkakatulala si Joy nang kalabitin siya ng binatilyong bangkero.

“H-Ha?”

“Sigurado ho ba kayong kaya pa ninyo? Eh palakas nang palakas ang ambon. Baka madulas kayo sa daan, pwede ko naman po kayong ihatid sa mismong classroom na.Itatali ko nalang itong bangka.”

Advertisement

“Naku hindi na hijo, baka anurin pa ito eh. Ayos na ako.” paniniguro niya kahit ang totoo ay nanginginig ang kanyang mga kalamnan dahil sa pagkapasma.

Mabigat rin ang kalooban niya lalo pag ganitong umuulan, ilang taon na rin ba? Ah, mahigit 36 taon na rin ang nakalipas. Malapit na nga siyang mag-60 pero tuloy pa rin siya sa pagtuturo.

Sa bawat patak ng ambon sa kanyang balat ay naaalala niya ang munting si Angela at ang pipi nitong pangarap maraming taon na ang nagdaan. Tinamaan ng malakas na bagyo ang kanilang probinsya, at ang usap-usapan ay isa sina Angela sa mga nasawi.

Hindi na nakita pa ang katawan ng mag-ina dahil ayon sa mga kapitbahay ay maaaring nabaon sa landslide. Parang biniyak ang puso niya noon.

Napatigil siya sa pag-iisip nang mapansin maraming tao sa kanyang classroom, at hindi mga musmos ang naroon.

“Ano hong maipaglilingkod ko sa inyo?” takang tanong niya sa mga ito. Tingin niya ay naglalaro sa edad 20-25 ang mga naroon.

“Kayo ho si Ma’am Joy?” sabi ng isa, tumango naman siya.

“Ma’am, pwede na po kayong magpahinga. Maraming salamat po sa maraming taon na pag-aalay ninyo ng inyong buhay sa mga estudyante. Kayo po ang model ng totoong guro. Kami na ho ang bahala,” nakangiting sabi nito.

Advertisement

Nagtaka ang matanda, “Natutuwa naman ako na nakita nyo ang hangarin ko, pero hindi ko kayo maintindihan. Anong magpahinga? Paano ang mga bata?”

“Kami na ho ang bahala ma’am. Lahat po kami ay mga guro, nag-volunteer po kami na magturo rito. Kung saan pinaka-kailangan ang edukasyon,” sagot naman ng isa.

Masayang napatango si Joy, ang sarap sa pakiramdam na may kaisa na siya ng layunin.

“Salamat. Pero maaari ko bang malaman kung paano ninyo nalaman itong lugar namin?”

Hindi na sumagot ang mga kaharap, sa halip ay umatras ang mga ito upang magbigay daan sa isang babae. Noong una ay pilit na minumukhaan ni Joy kung sino ang papalapit.

Pero natakpan niya ang bibig at napaluha nang makilala kung sino iyon.

“Angela!”

Niyakap ng babae si Joy, “Ma’am, hindi ko ho binitawan ang pangarap nating dalawa.” proud na sabi nito.

Advertisement

Isa nga ito sa biktima ng landslide pero lingid sa kaalaman ng lahat, ang ina niya lamang ang nabaon sa lupa at nakaligtas ang bata. Sa sobrang takot ni Angela noon ay lakad lang siya nang lakad hanggang makarating siya sa bayan, kung saan kinupkop siya ng mag-asawang walang anak.

Ito ang nagpaaral sa kanya at ngayong isa na siyang ganap na abogado ay hindi niya nalimutan ang nag-iisang babaeng nagtiwala sa kanyang kakayahan.

Hindi pa nakakabawi sa pagkagulat ang matanda, nang may kunin si Angela mula sa kanyang likuran. Isang bungkos ng pulang rosas.

“Ma’am, ito po ang pangako ko. Kapag ako ay abogado na, ibibili na kita ng totoong rosas,”

Masayang tinanggap iyon ni Joy.

Mula noon ay isinama na siya ni Angela sa Maynila at inalagaan. Hindi man siya nakapag-asawa ay parang ibinalik naman sa kanya ng Diyos ang lahat ng kabutihan niya sa mga bata.

Si Angela ang nagsilbing anak niya.