Father, Nagkasala Po Ako!

Kasing taas at kasing laki ng mga letra ng Hollywood ang pangarap ni Lily. Nais niyang mag-aral muli sa ibang bansa upang makakuha ng magandang posisyon bilang isang animator sa Hollywood. Kaya naisipan nitong subukan ang swerte at mag-apply ng scholarship sa paaralan roon habang nagtatarabaho bilang graphic arist sa isang tanyag na kumpanya sa Maynila.

Itinuon masyado ni Lily ang sarili trabaho upang makamit ang pangarap. Madalas ay tampulan ng tukso ang dalaga pagkat mula nang maghiwalay sila ng dati niyang kasintahan ay hindi na niya muling binigyan ng pagkakataon na buksan ang kanyang puso.

“Puro ka trabaho! Alam mo minsan subukan mo namang magbakasyon, no! Saka na muna yang pangarap mo. Para din makahinga-hinga ka riyan at ‘di ka naii-stress,” wika ni Abby, matalik na kaibigan ni Lily.

“Saka kailangan mo kasi ng inspirasyon. Subukan mo lang magbakasyon at baka may makilala kang magpapabago ng buhay mo,” dagdag pa nito.

“Alam mo may alam akong probinsya. Napakaganda raw doon. Makakapagpahinga ka. Saka yung simbahan nila maganda talaga! Bongga nga kasi may kasabihan hindi ba, pag unang beses mo palang daw sa simbahan, kumatok ka raw sa pintuhan nito at ang lahat ng pinagdadasal mo ay ibibigay sayo,” pagmumungkahi ng dalaga.

Pinag-isipang mabuti ni Lily ang sinabi ng kanyang matalik na kaibigan. Kaya nagpasya siyang magbakasyon sa sinasabi nitong lugar. Pagkarating niya roon, sadyang namangha siya sa ganda ng tanawin. Ang pamayanan ng probinsya ay nasa gitna ng isang bundok at napakalinaw na karagatan.

Sa hindi kalayuan ng kanyang tinutuluyan ay may isang simbahan. Naisipan niyang sumaglit dito para magdasal. Sa totoo lang ay hindi siya naniniwala sa sinabi ng kaibigan pero kanya parin itong sinubukan. Kumatok siya sa pintuan ng simbahan. Hiniling niya na sana ay matanggap na siya sa kanyang inaplayang scholarship at mahina nitong binanggit na sana din ay magkalakas muli siya ng loob na buksan ang sarili.

Pabalik na ng tinutuluyan si Lily, tinignan niya ang kanyang cellphone, nagbabakasakali na may e-mail na siyang matanggap mula sa paaralan sa ibang bansa. Ngunit mahina ang signal dito. Sa paghahanap ng signal ng dalaga ay hindi sinasadyang nakabanggaan niya ang isang binata. Mukhang mas matanda lamang ito ng bahagya sa kanya. Matangkad ito at maganda ang pangangatawan. Medyo may kahabaan din ang buhok at tan ang balat. Kitang- kita ang ganda ng mga mata ng binata na bumabagay sa matangos nitong ilong.

Advertisement

“Pasensya ka na, Miss! Hindi ko sinasadya,” wika ng binata.

“Okay lang! No worries. Hindi ko rin naman tinitingnan ang dinaraanan ko. Ang hirap kasi ng signal dito. Sorry din.” nagpaumanhin naman ni Lily.

“Siguro ay importante iyan, ano? Anyway, ako nga pala si Blaster.” pagpapakilala ng binata.

Hindi maipaliwanag ni Lily ang biglaang koneksyon na naramdaman sa binata ngunit mas pinili na lamang niyang huwag ibigay ang kanyang pangalan bagkus ngumiti na lamang ang dalaga at tuluyan nang bumalik sa hotel.

Paglabas niyang ay muli rin niyang nasilayan ang binata. Nakakahalina ang awra nito at hindi maitatanggi ang kaakit-akit nitong itsura. Nilapitan siya ng binata at nagpakilalang muli. Sa pagkakataong ito ay hindi na nakaiwas ang dalaga. Nagpakilala na rin siya at sila ay nagkakwentuhan. Mabilis ang mga pangyayari. Biglaan ang pagiging malapit ng dalawa sa isa’t isa.

Nilibot ni Blaster si Lily sa kanilang lugar. Nariyan na pumunta sila sa bayan, sa museo at sa dalampasigan. Ipinakita rin ni Blaster sa dalaga ang paborito nitong lugar sa isang parte ng bundok kung saan tanaw ang buong probinsya.

Hindi maintindihan ni Lily kung bakit mabilis na nahulog ang loob niya kay Blaster gayong kakikilala lamang niya rito. Dahil dito, ayaw niya rin aminin sa sarili ang tunay na nararamdaman.

Sa halos isang Linggong pananatili ni Lily sa probinsya ay madalas silang makitang magkasama ni Blaster. Minsan habang naglalakad sa dalampasigan, hindi maiwasang magtaka ni Lily pagkat marami ang nakatingin sa kanila.

Advertisement

Inaakala ng dalaga na marahil ay hindi sanay ang mga taga-rito na makakita ng isang lokal at isang turista na magkasama at nagkakapalagayan ng loob. Binalewala ito ni Lily. Sa sobrang gaan ng loob niya kay Blaster ay nakakapagkwento ito ng mga bagay na hindi pa niya binuksan sa ibang tao.

Habang nakaupo sa buhangin at tanaw ang mga tala ay hindi maiwasan ni Lily ang pagmasdan ang nakakaakit na itsura ni Blaster. Napatingin sa kanya ang binata. Hindi nila napigilan ang mga sarili at dito ay bigla nalamang naglapat ang kanilang mga labi. Ngunit biglang umiwas ang binata.

Nagkahiyaan ang dalawa. Humingi ng tawad si Blaster sa nangyari pero sa loob-loob ni Lily ay may kilig at saya siyang nararamdaman. Matagal na panahon na rin ng huli siyang umibig.

Inihatid ni Blaster si Lily sa tinutuluyan nito. Balisa ang binata na tila mayroong gustong sabihin ngunit natitigilan ito. Nang makarating sa hotel, umakyat na ang dalaga sa kanyang silid upang magpahinga. Pinag-iisipan niya na dahil uuwi na siya bukas ay marahil marapat na niyang sabihin sa binata ang tunay na nararamdaman niya. Handa na muna niyang talikuran ang pangarap sa ibang bansa upang subukan mayroon sa kanila ni Blaster.

Image result for asian couple intimate kiss in beach

Habang binabagtas ang koridor , ay may napansin siyang isang babaeng medyo masama ang tingin sa kanya. Hindi mapakali si Lily kaya sya nagtanong.

“Ate bakit ho? May problema ho ba tayo?” pagtataka ni Lily.

“Wala naman miss,” aniya. “Kapansin-pansin lamang ang pagiging malapit ninyo kay Bro. Blaster.”,pagpapatuloy ng babae.

“Bro. Blaster?,” Akala ng dalaga ay normal lamang itong tawagan sa kanilang probinsya. “May mali ho ba doon? May asawa ho ba sya? May sakit ho ba syang nakakahawa?” paghingi ng linaw ni Lily.

Advertisement

“Miss, hindi mo ba talaga alam?”

“Magpapari si Bro. Blaster at sa katunayan nga dalawang Linggo na lamang ay oordinahan na sya,” pagsiwalat ng babae.

Parang binuhusan ng malamig na tubig ang dalaga. HIndi niya akalain na ang lalaking muling nagbukas ng kanyang puso ay may pananagutan pala sa Panginoon. Hindi niya alam ang magiging reaksyon.

Pumunta na lamang siya sa kanyang silid. At dahil hindi siya makatulog ay nakipagkita na lamang siya kay Blaster. Doon ay sinabi niya na alam na niya ang katotohanan. Ikinagulat ito ng binata.

“Una palang, iyan na ang gusto kong sabihin sa iyo,” wika ng binata. “Isa akong taong walang karapatang magmahal para aking sarili dahil pag-aari ako ng Diyos at ng simbahan,” dagdag pa nito.

“Alam kong mali ito Lily, ngunit hindi ko maiwasan ang mahulog sa iyo. Kahit kailan ay hindi pa ako nagdalawang isip sa gusto kong tahakin sa aking buhay. Buo ang loob ko na magpari–hanggang sa makilala kita. Hindi ko sinasadya at hindi ko rin alam na may kakayahan akong umibig. Ngunit paano ko ibibigay ang buong puso ko sa Panginoon bilang isang pari gayong nahahati na ito,” pagpapatuloy nito.

“Pero mali itong ginagawa natin. Dapat ay una pa lamang ay sinabi mo na nang hindi na nahulog ang loob ko sa iyo. Mali rin ang nangyaring halik kanina. Nahihiya ako sa Panginoon sa nagawa ko. Wala akong laban sa Panginoon at ayaw ko rin naman na talikuran mo ang iyong piniling bokasyon para sa akin. Hindi ako karapat-dapat,” sambit ni Lily.

“Pero anong gagawin ko, Lily? Mas matimbang ka na ngayon sa akin. Ang nais ko lamang ngayon ay makasama ka –”

Advertisement

“Kahit mali?” pagputol ni Lily sa sinasabi ng binata. “Hindi ko kaya ang ganitong sitwasyon, Blaster. Bro Blaster o Father Blaster, kung ano man ang dapat na itawag ko sa iyo!” naiiyak na sambit ng dalaga.

“Kailangan ko na ring bumalik bukas sa Maynila. Kalimutan na lamang natin na nagyari ‘to, na nangyari yung ‘tayo’!” pagtatapos ni Lily. Tumalikod ito at tuluyan ng iniwan si Blaster sa kinatatayuan.

Kinabukasan ay bumalik na ng Maynila ang dalaga. Mabigat man ang kalooban sa naganap ay pinilit niyang kalimutan na lamang ang lahat.

Biglang tumunog ang telepono. Isang email mula sa paaralan sa ibang bansa ang kanyang natanggap. Sa wakas ay nabigyan na siya ng scholarship at maaari nang umalis sa susunod na dalawang buwan. Ikinagagalak ni Lily ang balitang ito ngunit hindi pa rin niya maiwasan na isipin si Blaster. Sa sandaling panahon na nagkasama sila ay parang matagal na silang magkakilala.

Walang araw na hindi niya inisip ang binata. Siguro sa mga panahon na ito ay Pari na siya, sa isip isip niya. Hindi na maitanggi ni Lily sa sarili na lubha siyang nahulog dito.

Isang araw, habang binabagtas ni Lily ang daan palabas sa kanyang opisina, isang pamilyar na tinig ang kanyang narinig.

“Mas pinili kita.” sambit ng binata. Natigilan sa paglalakad si Lily pagkat nakikilala niya ang tinig na iyon. Dahan-dahan siyang lumingon at nakita niya si Blaster.

“Humingi ako ng tawad sa Panginoon at sa lahat ng taong nasaktan ko sa aking desisyon. Pilit ko mang sundin ang dapat, hindi ko kayang magsinungaling sa Diyos. Ikaw ang gusto ko. At nais kitang makapiling.”, pagpapatuloy nito.

Advertisement

Gulat na gulat ang dalaga. Sa totoo lang ang puso niya ay naghuhumiyaw sa sandaling ito pagkat alam niya na ito ang kaniya ding nais pero ang isip niya ay nalilito. Dahan-dahang lumapit sa kanya si Blaster ay niyakap siya. Sa init ng yakap ng binata, tila lahat ng pag-aalinlangan ni Lily ay unti-unting natunaw. Niyakap niya pabalik si Blaster.

“Hindi ako sigurado kung tama itong ginagawa mo at ginagawa ko, Blaster pero isa ang sigurado ako, masaya akong makita kang muli!” pahayag ng dalaga.

Hindi na pinigilan pa ng isa’t isa ang kanilang nararamdaman. Sinabi ni Lily ang nakatakda niyang pag-alis patungong Amerika. Nagpasiya si Blaster na samahan na lamang ang dalaga. Natupad ni Lily ang kanyang pangarap at ‘di naglaon ay nagpakasal ang dalawa.

Si Blaster ay patuloy ang paglilingkod sa Panginoon bilang isang layminister sa simbahan doon.