Palaging Lango sa Alak ang Lalaki, Di Niya Akalain na Masasayang ang Buhay Niya Dahil Rito

Kung wala lamang anak si Gaspar sa kanyang misis na si Clarice, malamang ay matagal na siyang iniwan ng babae. Sobra kasi ang pagka-lasinggero niya.

May trabaho naman siya at hindi naman pumapalya sa pag-suporta sa kanyang pamilya. Ang problema lang, halos hindi na rin siya makausap ng mga ito dahil tuwing may bakanteng oras ay wala siyang ibang ginawa kung hindi ang uminom. Ni hindi niya na nga nakakasama ang mga anak kapag day off niya dahil mas pinipili niyang lumabas sa mga bar at magpakalango.

“Sinabihan na kita Gaspar. Pare-pareho kayong lango ng mga kaibigan mo, mamaya maaksidente kayo pauwi. Kung hindi naman, baka mapaaway kayo. Ang yayabang nyo pa naman.” nakasimangot na sermon ng misis niya.

“Pabayaan mo na nga ako Clarice, ito na nga lang ang ligaya ko hahadlangan mo pa. Magreklamo ka kung nagkulang ako ng pinalalamon sa inyo,” asik ni Gaspar. Walang lingun-lingong lumabas siya ng bahay at nag-drive papunta sa malapit na bar.

Matapos kasi ang matagal na panahon ay napapayag niya na rin ang bestfriend niyang si Kean na makipag-inuman. Nang makapag-asawa kasi ito ay di niya na masyadong nakakasama, lalo pa noong nagkaanak. Tuluyan nang naglahong para bula. Kaya ngayong lumitaw ito ay sinamantala niya na ang pagkakataon.

“Pare! Ano na! Buhay ka pa pala!” bati niya rito, niyakap ang kaibigan at tinapik sa balikat.

“Goodboy na tayo p’re eh. Gusto lang rin kitang makausap,” nakangiting sagot nito.

“Yan tayo eh. Baka lumagpas ka pa sa langit niyan? Aanhin ang goodboy, hindi naman nag-eenjoy. Mamamatay rin lang tayong lahat, mamatay na tayong masaya!”

Advertisement

“Masaya naman ako kasama ng pamilya ko. May anak ako eh, kailangan kong magpaka-tatay. Higit sa pinansyal pare ha, seryoso ‘to. Kailangan tayo ng anak natin, bilang gabay. At kailangan tayo ng mga misis natin bilang katuwang,”

“T*ngina, di naman ako na-inform misa pala ‘tong napuntahan ko.” medyo naiinis nang sabi niya. Narito siya para ma-relax, hindi para sermunan!

Minadali niyang lagukin ang ilang bote sa mesa. Hindi niya nagugustuhan ang pinupuntahan ng usapan nila. Hindi ito ang bestfriend na inasahan niyang makikita. Nasaan na ang Kean na masayang kausap? Daig pa nito ang tatay niya kung magsalita ngayon!

“Wag ka sanang magagalit. Kinausap kasi ako ni Mareng Clarice, kaya rin nakipagkita ako sa’yo. Hindi kasi maganda ang nangyayari na sa inyong dalawa eh. Ayaw kong mahuli ang lahat bago ka pa matauhan. Kaibigan kita, mahalaga ka sa akin kaya sana habang maaga, maisip mo na yan.” seryosong wika ni Kean.

“Ano? Kinausap ka ni Clarice?” ang lintik na babae, ipinahiya pa siya!

“Oo, kaya ayusin mo na ang buhay mo.Kahit para nalang sa anak ninyo-” hindi na natapos ni Kean ang sasabihin dahil sinuntok niya na ito.

“Wag kang makialam sa buhay ko g*go!”

Makalipas ang maraming taon

Advertisement

Dahan-dahang iminulat ni Gaspar ang kanyang mga mata. Ang ganda ng ngiti niya, naligo siya at nagsuklay. Sinigurong maayos ang kanyang itsura. Ilang sandali pa ay umupo na siya sa mesa at hinintay ang anak.

“Anak ko, miss ka ni daddy. Kumusta ang school?”

Masaya namang nagkwento ang anak niyang si Abby, na ngayon ay kinse anyos na. Muse raw ito sa eskwelahan at third honor rin sa klase.

“Hinahanap ka nga po ng mga classmate ko eh. Ang sabi ni mommy, sabihin ko raw nasa abroad ka, or nasa army. Basta raw wag kong aaminin po na nakakulong ka,” inosenteng sabi ng dalagita.

“N-Naiintindihan ko naman ang mommy mo ‘nak. Proud na proud ako, sayang. Sana maka-attend ako ng graduation mo ano?”

Yakap niya pa ang dalagita nang tumunog na ng malakas ang bell, kasunod noon ay tinapik na siya ng pulis na siyang bantay.

“Tapos na ang oras ng dalaw.”

Tumayo na si Gaspar at bumalik na sa kanyang selda. Maraming taon na ang nakalipas, mula noong gabing iyon. Sa sobrang kalasingan ay di niya namalayang napatay niya si Kean, ang kanyang bestfriend.

Advertisement

Galit na galit siya rito, pinagsusuntok niya ang lalaki at sinakal hanggang mawalan ito ng hininga.

Nasintensyahan siya ng habangbuhay na pagkakakulong kaya hindi niya na nakakasama ang kanyang mag-ina, dinadalaw nalang siya ng anak sa tuwina.

Magsisi man siya ay huli na. Ang alak ay sa tiyan inilalagay, hindi sa utak. Habangbuhay niyang pagdurusahan ang kanyang kapabayaan.