Walang Pag-Aatubiling Iniwan ng Mister ang Kanyang Pamilya Para sa Babae sa Kabilang Bahay, Ito ang Kanyang Sinapit sa Kamay Nito

Dalawampung taon nang mag-asawa sina Ricky at Tessie, mayroon na rin silang tatlong anak. At dahil hirap sa buhay, madalas ang pagbubunganga ni misis. Dahil pagod sa trabaho si Ricky, at sa tuwing uuwi ay maaabutan lang ang bunganga ng asawa, nagawa nitong humanap ng iba.

Hindi man lang nagpakalayo-layo ng kakabitin itong si Ricky. Nagkaroon sila ng relasyon ni Marissa, ang kanilang byudang kapitbahay.

Mahigit isang taon din nilang nailihim ang kanilang relasyon, ngunit natuklasan din ni Tessie ang panloloko ng mister dahil na rin sa sarili nitong kapabayaan. Naiwan ng mister ang kanyang cellphone at nabasa ng asawa ang mga pag-uusap ng dalawa. Imbis na humingi ng tawad sa nagawang pagkakamali, napagdesisyonan ni Ricky na makipaghiwalay sa bungangerang asawa at sumama na sa kabit.

“Ayoko na Tessie. Pagod na pagod na ako sayo. Tutal ay malalaki na ang mga anak natin, maghiwalay na tayo. Susustentuhan ko pa rin ang mga anak ko hanggang makatapos sila ng pag-aaral.” Sabi ni Ricky sa asawa.

Nakalupasay na sa sahig si Tessie sa pagmamakaawa sa asawa. Ngunit wala siyang nagawa upang mapigilan ang asawa.

Naiwan si Tessie na magpaliwanag sa kanyang mga anak.

( )

“Mga anak, ang inyong ama… Iniwan na tayo ng Papa niyo.” Nakayukong sabi ni Tessie.

“Mama, kakayanin ito. Kapag nakapagtapos ako ng pag-aaral, ako ang tutulong sa ‘yo. Huwag kang panghinaan ng loob. Mahal na mahal ka namin.” Pagpapalakas ng loob sa ina ng panganay na si Janice.

Advertisement

Lumipas ang sampung taon, at nakatapos na ang tatlong magkakapatid. Mahirap, ngunit naigapang ito ng kanilang ina. Mula nang maghiwalay sila ni Ricky ay wala na itong natanggap ni isang kusing bilang sustento. Hindi na rin nakapag-asawang muli si Tessie dahil mas nais nitong alagaan na lamang ang kanyang tatlong anak.

Habang kumakain si Tessie kasama ang tatlong anak, biglang nagkwento ang bunsong anak.

“Mama, alam mo ba? Nakita ko si Papa. Nakaupo sa tapat ng bahay nila. Mukhang mahinang-mahina. Parang may sakit ata.” Kuwento ng naaawang anak.

“Ano naman? Pinili niya ang kabit niya kaysa sa atin, magpaalaga siya sa kabit niya.” Tugon ng galit na panganay.

“Tama na. Huwag na natin siyang pag-usapan. Masaya naman na tayo sa buhay natin, hindi ba? Isa pa Janice, iwasan mong magsalit ng ganyan sa ama mo, tatay mo pa din siya.” Payo ni Tessie sa anak.

Lumipas pang muli ang ilang taon, nakapag-asawa na ang panganay at pangalawang anak ni Tessie. Ang bunsong anak na lamang ang natirang kasama niya sa bahay.

Isang araw habang nagkukwentuhan ang dalawa, laking gulat nila nang may kumatok ng pagkalakas-lakas sa pintuan.

“Hoy! Buksan niyo ‘to! Buksan niyo ‘to!” Sigaw ng isang babae.

Advertisement

Pagbukas ni Tessie ng pinto, nakita niya ang galit na galit na mukha ni Marissa, ang kabit ni Ricky.

“O bakit, anong ginagawa mo dito?!” Sigaw ni Tessie.

“Inyong inyo na si Ricky! Diyos ko, saksakan ng pahirap! Ilang taon na yang hindi mapakinabangan. Inyong inyo na!” Makapal na mukhang sambit ni Marissa. Para bang gamit lamang na hiniram ang isinasauling lalake.

“Aba’y ang kapal din ng pagmumukha mo, ano? Umalis ka dito! Ngayon mo lang naisip iyan dahil wala nang pakinabang ang asawa ko?!” Galit na galit na saad ni Tessie.

Makalipas ang ilang buwan, tumatakbong umuwi ang bunso ni Tessie.

“Mama! Mama! Mama!”

“O bakit? Naglalaba ako rito sa likuran.”

Nakita ng bunso ang kanyang ama na pagala-gala na lamang sa lansangan, namamayat dahil walang makain, at mapakarumi. Pulubi na ang amang nang-iwan sa kanila. Ikinuwento niya itong lahat sa kanyang ina.

Advertisement

Halos himatayin si Tessie sa narinig. Hindi niya lubos maisip ang sinapit ng dating asawa. Nagmadali ang dalawa at pinuntahan si Ricky.

( )

Kalunos lunos ang kalagayan ni Ricky nang maabutan ni Tessie. Nakaupo ito sa gilid ng simbahan, namamalimos ng makakain, at napakadungis.

Naluha si Tessie at lumapit.

“Ricky? Anong nangyari? Ricky!” Umiiyak na sabi ng asawa.

Dahan dahang tumingala si Ricky. Lalong nanlambot ang mag-ina nang makita ang mata ng lalaki. Parehong may katarata ang kaliwa at kanang mata nito.

( )

“Barya, pahingi hong barya. Pambili lamang ng pagkain.” Panlilimos ni Ricky. Hindi niya namamalayan na asawa’t anak niya ang kanyang nasa harap.

“Si Tessie ito!” Pagpapakilala niya.

Nagulat ang mag-ina nang biglang umiyak ng pagkalakas-lakas ang kawawang si Ricky.

Advertisement

“Patawarin ninyo ako! Patawad! Patawad!” Hagulgol ni Ricky.

Biglang inakay ng bunso ang kanyang ama.

“Papa, tama na. Umuwi na tayo. Uuwi na tayo sa tunay mong tahanan.”

Inuwi ng mag-ina ang kanilang ama. Nabalitaan din ito ng dalawa pang anak ni Tessie kaya’t nagmadali itong puntahan ang ama matapos kontakin si Janice upang sumunod na rin.

Nang makumpleto sila, nagsimulang magkuwento ang ama.

“Ilang taon na ang nakararaan nang magkasakit ako. Magmula nang hindi na ako makapagbigay ng pera, matinding galit na ang palaging naririnig ko kay Marissa. Hindi ko sukat akalain na tuluyan niya akong itatakwil magmula ng mabulag ako.” Umiiyak na paliwanag ng ama.

Galit na galit pa rin ang panganay na si Janice.

“Iyan ang napapala ng mga manloloko! Ang bilis mo kaming iniwan nung kailangan ka namin. Ngayong ikaw ang may kailangan, saka ka babalik? Aba’y ang kapal naman ng mukha mo!” Gigil na sabi ni Janice sa ama.

Advertisement

Napayuko na lamang si Ricky, at saka kinapa kung nasaan ang kamay ng anak. Bigla itong lumuhod sa harap ng kanyang pamilya.

“Patawarin ninyo ako. Patawad! Alam kong malaki ang naging pagkakasala ko sa inyo. Kaya dapat ko lang pagbayaran ang lahat ng ito. Kaya tatanggapin ko ang lahat ng ito.” Tumayo ang matanda, habang hinahanap ang pintuan upang makalabas at makabalik na sa pinaglilimusan.

Hindi kinaya ni Tessie ang kanyang nakikita. Kahit mahirap, pinigilan niya ang dating asawa. At dahil na rin sa pagsusumamo ng kanyang bunsong anak, pinatawad niya ang asawa.

“Ricky, pinapatawad ka na namin. Halika na dito. Kumain ka na at magpahinga.” Sambit ni Tessie.

Natutunan ni Ricky na kailanma’y hindi naging tama ang pakikiapid.