Magkita Tayo sa Dulo

Matagal ng may gusto si Bianca kay Marco at alam iyon ng binata. Simula elementarya hanggang kolehiyo ay magkaklase na ang dalawa. Hindi mawari ni Marco kung sinusundan ba siya ng dalaga o sadyang nagkataon lang talaga.

Hindi naman kasi tinatago ng dalaga ang nararamdaman niya para sa binata. Hindi man direktang sabihin ni Bianca pero kahit na sino ay alam na may gusto siya kay Marco.

“Bianca, tulungan mo naman ako. May report kasi ako bukas kay Ma’am Lopez. Eh may basketball practice din kami mamaya. Malapit na kasi ang tournament. Pwede mo ba akong tulungan gawin ‘to?” paghingi ng pabor ni Marco kay Bianca. Agad naman na tumango si Bianca.

“Aba oo naman! Ako na bahala Marco. Bigyan tuon mo nalang muna ang basketball practice mo at ako na bahala sa report mo, tapos sabihan nalang kita bukas bago ka magreport,” nakangiting tugon ng dalaga kay Marco. Agad naman na niyakap ng binata si Bianca.

“Thanks Bianca! The best ka talaga!” agad din namang kumalas sa yakap si Marco at nagtungo na sa gym ng kanilang paaralan. Napangiti na lamang si Bianca habang tinitingnan ang likod ni Marco habang papaalis ito.

Madalas magpatulong si Marco kay Bianca pagdating sa mga gawain nila sa paaralan. Mapa-takdang-aralin, proyekto, ekshaminasyon o pag-uulat man, lahat si Bianca ang gumawa at umaalalay kay Marco. Matalino nga naman kasi talaga ang dalaga, ito lang din ang paraan niya para makuha ang atensyon ng binata. Sa paraang ito ay nagkakasama at nagkakalapit din sila.

Agad na nagtungo sa kanilang gym si Marco para sa kanyang basketball practice. Siya pa man din ang team captain kaya naman hindi dapat siya mahuli sa pag-eensayo.

Mabuti na lamang talaga at nandyan si Bianca. Alam niya na matagal ng may gusto sa kanya ang dalaga kaya naman lahat ng hingin niya dito ay ginagawa ng dalaga. Hindi ito makatanggi sa kanya.

Advertisement

Wala siyang gusto sa dalaga at kahit na minsan ay hindi siya nagkagusto rito. Sadyang kailangan niya lang talaga ang tulong na kusang loob namang binibigay ng dalaga sa kanya, kaya hinahayaan niya itong makalapit sa kanya.

Hindi naman panget si Bianca. Hindi lang talaga siya marunong mag-ayos. Para itong manang kung manamit at ang kapal-kapal ng kilay at salamin nito na para bang si Betty La Fea. Mahigit sampung taon na rin silang magkakilala. Elementarya palang ay magkaklase na sila at simula noon hanggang ngayon ay parang hindi pa rin nagbago ang pananamit ng dalaga.

Mabuti na lamang talaga at matalino ito, kaya naman napapagtyagaan ni Marco na makisama sa dalaga. Si Bianca din kasi ang madalas gumawa ng kanyang mga gawain sa skwela kaya naman hindi siya gaanong nahihirapang pagsabayin ang academics at extra-curricular na aktibidades niya.

Mabait din naman si Bianca kaso, hindi niya talaga tipo ang dalaga. Kahit kailan ay hindi din naman niya binigyan ang dalaga ng kahit anong lead na may gusto siya rito. Bahala na itong mag-assume.

“Melody, ito na palagi yung project mo oh. Tapos ko na gawin,” binigay ni Marco sa isang magandang dilag ang project na pinagpuyatang gawin ni Bianca para sa kanya.

Akala kasi ni Bianca, ang proyektong iyon ay para kay Marco, kaya talaga namang pinaghirapan at pinagpuyatan niya pa talaga iyon.

Lingid sa kanyang kaalaman ay para pala ito sa babaeng natitipuhan ng binata, si Melody. Ang pinakasikat at pinakamagandang dilag sa kanila eskwelahan.

“Oy, salamat Marco ha? Ang galing mo naman. Napatapos mo kaagad, tapos ang ganda pa ng pagkakagawa mo,” nakangiting tugon ni Melody kay Marco na nakangiti lang din.

Advertisement

Hindi naman sinasadyang nakita ito ni Bianca. Nawasak ng husto ang kanyang puso at tila ba bigla siyang binuhusan ng malamig na tubig. Pakiramdam niya ay bigla siyang sinampal ng katotohanang ginagamit lang siya ni Marco! Lahat pala ng paghihirap niya para tulungan ang lalaking iniibig ay ginagawa lang din ni Marco para kay Melody. Napakat*nga niya!

Hindi niya nakayanan ang kanyang nakita at mabilis na tumakbo paalis. Nakita naman ni Marco si Bianca na tumakbo papalay habang umiiyak. Nakonsensya siya bigla. Alam niyang nasaktan ang dalaga sa kanyang nakita.

Kahit naman wala siyang gusto kay Bianca, kahit papaano ay mahalaga rin ang dalaga sa kanya. Nagpaalam na muna siya kay Melody at pinuntahan si Bianca.

Nakita niyang umiiyak si Bianca sa ilalim ng punong mangga. Dahan-dahan siyang lumapit dito. Nabigla na lamang siya ng bigla na lamang tumayo ang dalaga at tinitigan siya ng mga mata nitong lumuluha.

“Ito ang tandaan mo Marco, sinusumpa ko, magkikita tayo sa dulo. Isang araw magugustuhan mo rin ako, at sa panahong iyon, ako naman ang aayaw sayo,” saad ng dalaga kay Marco habang nakatitig sa kanyang mga mata.

Magsasalita pa lamang si Marco ng biglang tumakbo muli si Bianca papalayo. Wala naman nang nagawa si Marco kundi titigan ang likod ng dalaga na unti-unting nawawala.

Pagkatapos ng pangyayaring iyon ay hindi na ulit nakita pa ni Marco si Bianca hanggang sa araw ng kanilang pagtatapos. Hindi niya na alam kung ano na nga ba ang nangyari sa dalaga. Hindi man niya aminin ay namimiss niya na ang mala Betty La Feang mukha ng dalaga at ang manang na pananamit nito na labis na nagpapairita sa kanya dati. Nahirapan din siyang pagsabayin ang basketball at ang pag-aaral niya kaya naman bumagsak siya sa iba niyang mga subjects.

Nang nawala ang dalaga sa buhay niya, doon lamang niya napagtanto kung gaano kahalaga si Bianca sa kanya. Ang hiling niya na lamang ay sana, sa araw na magkita ulit sila ay hindi pa huli ang lahat at mabigyan pa siya ng dalaga ng isa pang pagkakataon na itama ang mga nagawang niyang pagkakamali.

Advertisement

Umaasa siya na, gaya nga ng huling mga salitang binitawan nito sa kanya, sana ay magkita nga sila sa dulo at sana sa oras na iyon ay hindi pa huli ang lahat.

Lumipas pa ang ilang taon, habang nasa isang simbahan si Marco, hindi sinasadya niyang nakita si Bianca. Nakangiti siya habang pinagmamasdan ang napakagandang dalaga na naglalakad papalapit sa kanya.

Ibang-iba ito sa Bianca na kanyang nakilala at sinaktan noon. Mas matapang, mas matatag at napakaganda na nito ngayon. Wala siyang masabi sa kagandahan ng babaeng mahal. Mapa-panlabas na anyo man o kabutihang loob. Sadyang napakaganda nito.

At nang makarating na sa dulo si Bianca, agad na kinuha ng lalaking nasa tabi ni Marco ang kamay ng babae.

Si Nigel, ang nakapaka-swerteng lalaking mapapangasawa ng babaeng sinayang at pinakawalan ni Marco. Bagama’t hindi sila sa huli, masaya pa rin si Marco para sa babaeng sobrang minahal ngunit sinayang niya lamang. Dahan-dahan tumulo ang kanyang luha ng magpalitan na ng “I do” ang bagong mag-asawa.

“Masaya ako para sayo. Congratulations, Bianca pinakamamahal ko,” mahinang bulong ni Marco sa sarili.

Madalas ay hindi natin makita ang halaga ng isang bagay o tao dahil madali lamang natin itong nakukuha. Hindi natin ito mabigyan ng sapat na halaga na nararapat para rito.

Gaya na lamang ni Marco na hindi nakita ang tunay na halaga ni Bianca hanggang sa nawala na sa kanya ang dalaga. Nawa’y matuto sana tayong magpahalaga sa mga bagay o tao na laging naririyan para sa atin. Huwag sana nating hintayin na mahuli ang lahat bago natin sila pahalagahan.