Sa Loob ng Utak Ko

Nahimas ni Roderick ang sentido dahil sa matinding pagsakit ng ulo. Isa siyang nurse at wala pa siyang pahinga, ang kapalitan niya kasi ng shift ay hindi niya sigurado kung bakit hindi nakapasok. Dumadalas na ang pag-absent nito kaya dumadalas rin ang pagdo-double shift niya.

Kung hindi niya lang talaga mahal ang kanyang propesyon, baka nagresign na siya dahil sa tindi ng stress na idinudulot nito sa kanya. Hindi rin kasi biro ang ospital na pinagtatrabahuan niya, isa itong pasilidad para sa mga taong may diperensiya sa pag iisip. Isang mental hospital.

“Roderick, kumusta ka?” tanong ng isa pang nurse.

“Okay naman. Ito, pagod sa shift. Kulang kasi tayo sa tao rito. Tingnan mo, iyong ibang pasyente ay palakad-lakad lang at walang naga-assist. Buti nga ay narito ako sa loob at may harang, kundi ay baka manakit sila at kung ano ang gawin sa akin. Sino nalang ang aasahan ng pamilya ko pag nagkataon?” sabi niya.

Napatangu-tango ang kausap niya, “Bakit, nasaan ba ang pamilya mo?”

Bago siya sumagot ay tinitigan niya muna ito, “Ikaw yung bago ano? Madaldal ka rin pala. Akala ko ay masungit ka tulad nung ibang nurse. Kasi pag matagal na rito, nilalamon na yata ng stress at di magawang ngumiti,” biro niya.

Ngumiti ang babae, “Ah oo. Bago lang rin ako. Kaya nga ako nagtatanong sayo kasi sabi nila, ikaw raw ang maalam rito. So, ano na nga iyong tanong ko..ang pamilya mo. Ako kasi, nasa probinsya.”

“Pareho pala tayo! Nasa probinsya rin ang mag ina ko. Kaya nga nagbo-boarding house ako rito sa Manila. Sayang pamasahe kung uuwi pa. Pero kung ganitong wala akong kapalitan ng shift, ayan, halos dito na ako matulog.” tatawa-tawang sagot niya.

Advertisement

Nang magwala ang isang pasyente ay pareho silang napatayo, pero sinenyasan siya ng babaeng nurse na ito na raw ang bahala kaya muling napaupo si Roderick. Magpapahinga naman siya, magdamag siyang nagbabantay eh.

Habang tulala ay naisip niya ang mag inang naiwan sa probinsya. Ang misis niyang si Laila at ang tatlong taong gulang na anak niyang si Charlotte.

Hindi niya namalayan na hinila na siya ng antok. Makalipas ang ilang oras, napadilat si Roderick dahil naramdaman niyang may nakatitig sa kanya.

Kinusot-kusot niya pa ang dalawang mata, nang maaninagan kung sino ang nakatayo sa kanyang harapan ay napabalikwas siya ng tayo.

“Laila! Ano ang ginagawa ninyo rito?” gulat na wika niya, nakatingin lang ang misis niya at hawak nito sa kanang kamay ang anak nila.

“Dinadalaw ka lang namin mahal. Ang tagal na rin eh.”

“Pasensya kana. Alam mo namang kailangang kumayod hindi ba? Tsaka, Diyos ko naman mahal. Bakit mo dinala ang bata rito? Bawal siya rito! Halika nga, doon tayo sa labas.”

Akmang hahawakan niya ang babae pero umiwas ito.

Advertisement

“L-Laila, bakit?” nagtatakang wika niya.

Natigilan rin siya nang mapansing nangingilid ang luha nito, maging si Charlotte ay umiiyak na rin.

“Hindi Roderick. Ikaw kamo, bakit? Bakit mo nagawa?” tanong ni Laila.

“Bakit nagawa ang alin? Alam mo namang matagal ko nang gustong maging nurse diba, para sa inyo rin. Kaya ngayong narito na, ibinibigay ko na ang lahat ko.”

“Bakit Roderick? Bakit?” tanong ulit ng babae.

Biglang sumakit ang ulo ng lalaki, nasabunutan niya na ang kanyang sarili. Ayaw pang tumigil ng misis niya sa pagsasalita, kasabay na nito ang anak nila.

“Bakit?”

“Daddy, bakit po? Hindi mo ba ako mahal?”

Advertisement

“Bakit mahal? Bakit?” paulit-ulit na sambit ng mag ina.

Isang malakas na buwelo, sumigaw si Roderick. “Tama na! Tumahimik na kayong dalawa! Rinding rindi na ako! Hindi ko kayo maintindihan! Tama na!” salitang iyak at bulyaw ang ginawa niya.

Sinasampal niya na rin ang kanyang sarili.

Natigil lang siya nang hawakan siya ng ilang nurse na lalaki. Itinali ng mga ito ang mga kamay niya at paa.

Binulungan niya pa ang isa, “Pare, paalisin mo na ang misis ko at anak. Please paalisin mo na, naririndi na ako.”

Naramdaman niyang may itinurok ito sa kanyang braso na unti-unting nagpamanhid ng buo niyang katawan. Bagamat hindi siya nakakatulog, nanghihina lang siya pero ramdam at rinig niya pa rin ang kaganapan sa paligid.

Nagsalita ang bagong nurse na kausap niya kani-kanina lang, “Hindi ko akalain na ganito ka-grabe siya kung sumpungin. Maayos naman siya noong iniinterview ko kanina, tama kayo, nasa isip niya nga na isa siyang nurse.”

“Oo at palagi ring nasa isip niya ang mag ina niya. Marahil ay dala na rin ng konsensya dahil sa karumal-dumal na ginawa niya sa dalawa.”

Advertisement

Doon natauhan si Roderick, naalala niya na ang lahat.

Hindi siya isang nurse. Nag-aral siya ng nursing pero nakapag asawa at may anak na siya ay pa rin niya magawang pumasa sa board exam para makakuha ng lisensya.

Ikaanim na subok niya na noon , nagreview talaga siyang mabuti. Ibinigay niya ang lahat. Pero bagsak pa rin, lumagpas lang sa kalahati ang score na nakuha niya Malayung-malayo sa passing.

Umuwi siya sa probinsya na luhaan at bagsak ang mga balikat. Dinamdam niyang mabuti ang kabiguan hanggang maapektuhan ang kanyang utak. Sumama siya sa isang kaibigan na humithit ng bato para makalimot, pero iba ang naging epekto noon sa kanya.

Ang tingin niya sa misis at anak ay mga halimaw, kaya tinapos niya ang buhay ng mga ito. Tumatawa pa siya ng malakas habang tuloy tuloy sa pag unday ang kutsilyo. May liwanag na ng matauhan siya.

Inaresto si Roderick pero napatunayan na may diperensya siya sa pag iisip kaya na-confine siya sa pasilidad na ito. Ang misis at anak niya na nakita kanina ay ang kanyang konsensya.

“Patawarin ninyo ako..Laila.. Charlotte..” bulong niya, tuloy tuloy ang daloy ng luha.

Natupad ang pangarap niya na mapunta sa ospital. Pero hindi bilang isang nurse, kundi bilang pasyente.

Advertisement

Images courtesy of www.google.com