Nagkaroon ng Malubhang Karamdaman ang Matanda; Hanggang Saan ang Kayang Tiisin ng Kaniyang Apo Para sa Kaniya?

Isa na lang ang maituturing na kamag-anak ni Brenda sa mundo, ang pinakamamahal niyang lola. Ang Lola Caring niya ang nag-aruga sa kaniya simula nung nangulila siya sa kaniyang mga magulang.

Mahal na mahal ni Brenda ang kaniyang lola at ang pag-aalaga niya rito sa panahon na may matindi itong karamdaman ay ang kaniyang pamamaraan para maipakita niya sa kaniyang lola kung gaano niya ito pinahahalagahan.

“Lola, bakit hindi niyo po ako tinawag para natulungan ko po kayo? Hindi iyong nagpapakahirap kayong yumuko para linisin iyong dumi niyo sa sahig. Baka madisgrasya pa kayo sa ginagawa niyo, eh. Halina kayo at sumama kayo sa akin sa banyo ng malinisan ko na po kayo. Ako na po ang bahalang maglinis ng nagkalat niyong dumi,” sermon ni Brenda sa kaniyang lola.

“Eh, hindi ko naman akalaing hindi ako aabot sa inodoro eh. Ayoko namang abalahin ka dahil baka mahuli ka pa sa pagpasok mo sa trabaho,” tugon ni Lola Caring.

“Huwag niyo na pong alalahanin ang trabaho ko. Nag-resign na ko kahapon. Mas kailangan niyo po ako dito. Maghahanap na lang po ako ng ibang trabaho na pwede kong pasukan kahit nandito lang ako sa bahay,” pahayag ni Brenda.

Dahil na rin sa katandaan ay naging mabilis ang paghina ng katawan ni Lola Caring. Hirap ng gumalaw ang matanda kaya madalas ay nakaratay na lang ito sa kama. Si Brenda ang nagtiyatiyagang magpalit ng madumi niyang diaper, maglinis ng kaniyang katawan at magpakain sa kaniya. Ginagawa niya ang kaniyang tungkulin bilang apo at nag-iisang kamag-anak ni Lola Caring ng walang kareklareklamo.

“Salamat at pinagtiyatiyagaan mo ang matandang katulad ko. Alam kong nahihirapan ka na. Huwag mong pabayaan ang iyong sarili. Baka ikaw naman ang magkasakit kung magpapabaya ka,” paalala ni Lola Caring sa kaniyang apo habang yakap-yakap niya ito ng mahigpit.

Lingid sa kaalaman ng matanda ay madalas umiyak ng mag-isa si Brenda. Umiiyak siya hindi dahil sa gusto na niyang sumuko sa hirap sa pag-aalaga sa kaniya. Tumutulo ang kaniyang mga luha dahil pakiramdam niya ay hindi sapat ang kaniyang ginagawang pag-aaruga sa kaniya.

Advertisement

“Kung may sapat lang akong pera hindi ko iuuwi si lola dito sa bahay. Mas matitignan siya ng mga doktor at nurse sa ospital. Pero hindi sapat ang kinikita ko para magtuloy-tuloy ang pagpapagamot niya. Kahit humingi pa ko ng tulong sa mga ahensya ng gobyerno at mga organisasyon ay hindi pa rin kakayanin sa sobrang mahal ng kaniyang mga gamot,” nanghihinayang na sambit ng babae sa kawalan.

Napansin ni Lola Caring na kulang sa tulog ang kaniyang apo. Hirap na nga ito sa pag-aalaga sa kaniya kinakailangan pa nitong magpuyat para tapusin ang kaniyang trabaho. Awang-awa na ang matanda sa kaniyang apo.

“Siguro mas maganda kung hindi na magtagal ang buhay ko nang sa ganun, eh, sarili mo na lang ang iniintindi mo,” wika ng matanda sa kaniyang apo.

“Ayokong-ayoko na maririnig po iyan sa inyong mga bibig. Hindi niyo ko iiwan. Kailangan ko pa po kayo. Hindi ako nahihirapan sa ginagawa ko para sa inyo. Kayo po ang lakas ko,” nagtatampong saad ni Brenda.

“Hindi ako nag-aalala para sa’yo dahil alam kong gagantimpalaan ka dahil sa angkin mong kabutihan. Kapag wala na ko dapat magpakatatag ka. Magiging mahirap sa umpisa pero alam ko makakayanan mo ang lahat. Maghanap ka ng taong magmamahal sa’yo ng wagas. Bumuo kayo ng pamilya at palakihin niyo ang mga anak niyo ng maayos at may takot sa Diyos. Kahit hindi na tayo pisikal na magkasama ay hindi ako mawawala sa tabi mo. Patuloy kitang gagabayan at babantayan,” nanghihinang bilin ng matanda sa kaniyang apo na walang tigil sa kakaiyak.

Nung gabi ring iyon ay pumanaw si Lola Caring. Matagal na nagluksa ang dalaga bago tuluyang bumalik sa normal ang kaniyang pamumuhay. Tulad ng sinabi ng matanda sa kaniya nung huling gabi nito na gagantimpalaan siya dahil sa mga isinakripisyo niya para sa kaniya ay naging sunud-sunod ang pagpasok ng swerte kay Brenda. Lahat ng negosyong naisipan niyang pasukin ay nagtatagumpay. Pati ang buhay pag-ibig ng babae ay walang kaprobleproblema. Sa katunayan ay may tatlong anak na sila ng kaniyang asawa.

Ang tingin ni Brenda ay may kinalaman ang kaniyang lola sa mga grasyang kaniyang natatanggap. Ang kaniyang lola na walang sawang gumagabay sa kaniya sa bawat malaking desisyon na kaniyang gagawin. Ang Lola Caring niya na patuloy na nagbabantay sa kaniya at sa kaniyang pamilya.

Matapang na hinaharap ni Brenda ang bawat araw ng walang pag-aalinlangan dahil alam niyang hindi siya nag-iisa. Kasama niya ang kaniyang pamilya at si Lola Caring sa kaniyang buhay.