Itinakwil ng mga Magulang ang Anak Dahil sa Hindi Nila Matanggap ang Kasarian Nito; Napakalaking Sakripisyo Pala ang Ginagawa Nito Para sa Kanila

Bata pa lamang si Iris ay may kakaiba na siyang nararamdaman sa sarili. Kumpara sa kaniyang kapatid na babae ay hindi siya mahilig sa manika o anumang laruang pambabae.

“Sige mamili na kayo ng laruan na gusto ninyo para sa pasko, tig-iisa lang ha.” minsang wika ng kaniyang ina.

Ang kapatid na babae ay pinili ang napakagandang manika. Habang ang kaniyang kuya ay kumuha ng isang kotsekotsehan.

“Ma gusto ko din nung kagaya kay kuya.” wika niya.

“Hindi pwede panglalaki lang yon Iris, eto manika yan ang sayo.” sagot nito.

Napahinga na lamang siya ng malalim, wala naman siyang magawa dahil hindi siya pinapakinggan ng magulang.

Sa kaniyang pagdadalaga ay lalo pang naguluhan si Iris sa kaniyang nararamdaman. Ang kaniyang mga kaklaseng babae ay naguumpisa ng magsuot ng mga palamuti sa muka, ngunit hindi siya interesado rito. Hindi rin niya nahiligan ang mga pambabaeng damit at kadalasan ay isinusuot ang mga damit ng kaniyang kuya. Ni minsan ay hindi siya nagkagusto sa lalaki at mas nagkakagusto pa siya sa magagandang babae.

Makalipas ang ilang taon ay napagtanto niya ang tunay niyang katauhan, isa siyang pusong lalaki na napunta sa katawan ng isang babae. Batid man niyang tututulan itong mabuti ng magulang ay lakas loob niyang ipinagtapat sa mga ito ang tunay na pagkatao.

Advertisement

“Lumayas ka dito! Isa kang malaking kahihiyan sa pamilyang ito.” sigaw ng kaniyang ama.

“Saan ba kami nagkulang Iris? Wala kang moralidad na bata ka! Wag kang babalik dito hanggat hindi mo itinatama ang mga kasalanan mo.” dugtong pa ng kaniyang ina.

Sa sobrang galit ng mga ito ay pinalayas na nga siya. Pansamantala siyang nakitira sa bahay ng mga kamag-anak habang nag-aaral at nagtrabaho bilang isang call center agent hanggang sa siya’y nakatapos.

Anumang subok niya na humingi ng tawad at pang-intindi mula sa mga magulang ay hindi siya pinakinggan ng mga ito. Maraming pasko, kaarawan at bagong taon ang ipinagdiriwang niyang mag-isa. Minsan ay dinadalaw siya ng mga kapatid ngunit kulang pa ito para sa kaniya.

Minsan ay tumawag ang kaniyang kapatid na babae at nakikiusap na makipagkita sa kaniya.

“Iris, alam kong hindi naging maganda ang relasyon mo kina Papa, pero kailangan ko kasi ang tulong mo. Ilang ulit na kaming nagpapabalik balik sa ospital dahil sa sakit niya, nauubos na kasi ang ipon ko.” wika nito

Hindi pa naman nila maasahan ang kuya dahil mayroon na rin itong sariling pamilya.

“Kamusta na sila? Wag kang mag-aalala may ipon naman ako, magkano ba ang kakailanganin niya?” sagot niya.

Advertisement

“Sa totoo lang kailangan niya ng mahigit sampung libo para sa susunod niyang mga check up at medical exam. Pasensya ka na ha, wala na kasi akong mahingan ng tulong.”

Hindi nagatubili si Iris at inabutan ang kapatid ng labinglimang libo. Hindi man sya tanggap ng magulang ay labis pa rin ang paggalang at pagmamahal niya para sa mga ito. Regular niya na ring pinapadalhan ng pera ang kapatid para sa mga gamot ng magulang ngunit nakiusap siya rito na ilihim ito sa kanila.

“Iris, punta ka sa bahay. Pinapatawag ka nina papa.”

Makalipas ang anim na buwan ay nakatanggap si Iris ng mensahe mula sa kanyang kapatid.

Kinabahan siya sa nabasa ngunit nagtungo pa rin sa dating tahanan. Pagdating niya ay naroon ang dalawang kapatid at mga magulang na naghihintay sa sala. Nilapitan niya ang mga magulang at sa kanila ay nagmano.

“Kamusta kana?” Wika ng nanghihina niyang ama.

“Maayos naman po ako pa, may trabaho na rin ako at sariling bahay.” sagot niya.

“Nabalitaan ko kahapon ang pagtulong na ginagawa mo sa akin, gusto kong malaman mo na lubos akong nagpapasalamat. Sa kabila ng pagtrato ko sa iyo ay naging mabuti kapa ring anak. Salamat Iris.”

Advertisement

Hindi na niya napigilan ang mga luha at parang bata siyang humagulgol sa harap ng pamilya.

“Wala kayong dapat ipagpasalamat Pa, mahal ko kayo eh, kahit hindi niyo ako tanggap ay susuportahan ko kayo.” umiiyak na sagot niya.

Lumuha na rin ang kaniyang ama at nilapitan siya ng kaniyang ina.

“Anak, anak ko patawarin mo ako. Hindi ko naisip ang kapakanan mo. Naging makasarili ako. Palagi kitang kinakamusta sa kuya mo, nang malaman kong nasa maayos kang kalagayan ay nahiya na akong lapitan ka.” sambit nito.

Niyakap ni Iris ang mga magulang at mga kapatid, sa unang pagkakataon sa napakahabang panahon ay nakamit niya ang pinapangarap na pagtanggap ng kaniyang mga magulang.

Mula noon ay hindi na siya mag-isang nagdiriwang ng mga okasyon. Palagi na siyang may pamilyang uuwian anumang oras.

Ang pagkatao ng isang tao ay hindi natin maaring ibatay sa kaniyang kasarian. Kahit anong kasarian ay may karapatang magkaroon ng mapagmahal na pamilya.