Ayaw Pagbayarin ng Ospital ang Matandang Guro, May Kinalaman Pala Ito sa Kabutihang Nagawa Niya Noon sa Isang Dukhang Bata

“Sige Jo, hati tayo dito sa baon ko.” sabi ni Mrs. Carmina Isabella sa isang estudyante. Dalawang taon pa lang siyang guro sa pampublikong paaralan pero marami na ang mag-aaral na giliw na giliw sa kanya. Hindi nagtatapos sa apat na sulok ng silid aralan ang pagmamalasakit niya sa mga bata. Katwiran niya ay kaya nga sila tinawag na ‘pangalawang ina’ ng mga ito di lang upang maghatid ng kaalaman mula sa kanyang lesson plan kung hindi upang maging gabay at sandalan rin ng mga bata lalo na sa mga panahong kailangang-kailangan siya ng mga ito.

Tulad ngayon, nang mapansin niyang walang baon ang mahirap na estudyante ay inalok niya ito ng kanyang dala, kahit na konti lang din ang dala niya.

“Salamat po Ma’am!” nakangiting sabi ng bata. Nahihiya man itong kumuha, nang simulan na nitong nguyain ang kalahating fried chicken ay alam na ni Mrs. Isabella na gutum na gutom ito. Napabuntong hininga na lang siya sa sobrang awa sa bata, may anak rin siya na kasing edad nito kaya parang anak na rin ang tingin niya rito. Hindi niya matanggap na may naghihirap nang ganito, at bilib siya sa mga batang sa kabila ng pinagdadaanan ay pinipilit pa ring makapasok sa eskwela.

Simula noon ay lagi nang dinadagdagan ni Mrs. Isabella ang kanyang babaunin sakaling walang pambaon si Jo, mahirap matuto ang isang bata kapag kumakalam ang sikmura nito.

“Tandaan mo Jo, hindi palaging mahirap ang buhay. Palaging may pag-asa basta magsisikap kalang na umahon sa kinalalagyan mo ngayon,” payo niya sa sampung taong gulang na bata. Nakatitig lang ito sa kanya at tila ba pinipigilan ang luha.

Hindi alam ni Mrs. Isabella kung naiintindihan ba siya nito pero palagi niyang sinasabi iyon sa bata upang di ito panghinaan ng loob sa buhay.

Napakalaki ng ngiti ni Mrs. Carmina Isabella habang iniaabot ang diploma sa mga estudyante, ganoon nalang ang ningning ng mata niya nang si Jocelyn na ang aakyat ng stage. Kahit pa elementarya palang ang mga ito, isang malaking karangalan para sa kanya ang makitang nagtatapos ang kanyang mga tinuruan.

“Huy ma! Nagbabalik tanaw ka na naman!” pukaw ng anak ni Mrs. Isabella, dahilan upang bumalik siya sa kasalukuyan. Dalawang taon na rin ang nakalilipas nang mag-retiro siya bilang guro. Parang kailan lang ay kasisimula lang niyang magturo, ngayon ay 65 taong gulang na siya.

Advertisement

“Naalala ko lang ang buhay ko sa eskwela John,” nakangiting sabi niya rito sabay pahid sa isang patak ng luha na tumulo mula sa mga mata niya.

“Alam ko naman, kaya lang baka kakaiyak mo dyan ay ma-highblood ka na naman.” paalala nito.

Hindi na sumagot ang guro at bumuntong hininga na lamang. Nitong mga nakaraan ay palaging nagsisikip ang kanyang dibdib. Makalipas ang isang linggo, naabutan ng kanyang anak si Mrs. Isabella na nakahandusay sa kanilang kusina. Agad itong isinugod ng lalaki sa ospital. Mabuti na lang at binata pa si John kaya may nakakasama siya sa bahay, maaga kasing nabiyuda ang guro.

Pagdilat niya ay halos masilaw siya sa ilaw mula sa kisame ng ospital, may suwero ang kanyang kanang kamay at may oxygen din na nakakabit sa kanyang ilong.

“A-nak, nasaan…” hirap na sabi niya sa lalaking agad na lumapit nang mapansin nitong idinilat niya ang kanyang mga mata, medyo humihilab ang kanyang dibdib.

“Ma, ma wag ka munang magsalita.. naabutan kitang tumumba sa kusina. Umatake na naman ang highblood mo, muntik ka nang ma-stroke ma. At mahina rin ang puso mo po, please naman ingatan mo ang sarili mo.” pakiusap sa kanya ng binata.

Hindi na siya sumagot at pasimpleng tumango na lang rito. Maya-maya pa ay nagkwento ang lalaki.

“Gusto mo bang kumain? Susubuan kita ng oatmeal?” tanong nito sa kanya, umiling naman siya dahil hindi naman talaga siya nakakaramdam pa ng gutom.

Advertisement

“Alam mo ma, nakakapagtaka kasi ayaw magpabayad ng ospital. Eh sabi ko nga may pension ka naman at may cash rin ako pero ayaw talaga nila.” sabi nito dahilan upang mapatingin siya. Bakit naman kaya? Sigurado naman siyang wala nang libre sa panahon ngayon lalo na sa pribadong ospital gaya nito.

“Si doc na raw ang bahala–” hindi pa tapos magsalita si John nang pumasok sa silid niya ang isang babaeng doctor, napatulala rito ang binata dahil- ang ganda!

“Mrs. Isabella, kumusta po ang feeling nyo?” nakangiting sabi nito sa kanya at hinawakan pa ang kanyang kamay. May pamilyar na pumitik sa kanyang puso, tila ba nakita na niya ito noon pero hindi niya matandaan kung saan.

“Okay lang..” mahinang sagot niya.

“Ma’am, palaging iinom ng gamot at wag pong kakain ng mga bawal okay?” sabi nito, pamilyar talaga sa kanya lalo na ang pagtawag nito ng “ma’am”.

“Tandaan nyo po, hindi palaging mahirap ang buhay. Palaging may pag asa basta magsisikap lang kayong na umahon sa kinalalagyan ninyo ngayon,” sabi nito.

“J-jocelyn?” di makapaniwalang sabi niya, kinindatan naman siya nito at hinalikan ang kanyang noo.

Mabilis ang naging recovery ng matandang guro dahil tinutukan siya talaga ni Jocelyn. Pakiramdam niya ay isa siyang proud na nanay dahil natagumpay ito sa buhay. At tila ba pinlano na talaga ng tadhana. Makalipas ang ilang buwan ay sinagot na ni Jocelyn si John na nabighani na pala sa babae unang pagkikita palang ng dalawa sa kanyang hospital room.

Advertisement

Pagkatapos ng dalawang taon ay nagpakasal ang mga ito at ngayon ay isa nang masayang lola si Mrs. Isabella sa kanyang napaka-gwapong apo.

Hindi niya inakalang ang pobreng batang pinapakain niya noon ay isang mahusay na doktor na. At hindi lamang yun, asawa pa ito ng kanyang anak!