Nasipit ng Alimango ang Matandang Tindera dahil sa Kaartehan ng Dalaga, Di Niya Akalain ang Nakakalungkot na Sinapit Nito Makalipas ang Isang Taon

Taun-taon kung umuwi sa Pilipinas si Aurora, mayroon na kasi siyang magandang trabaho sa Amerika. Dinadalaw niya na lamang dito ang pamilya ng kanyang Auntie na siyang kinalakihan niya. Nasa Davao ang bahay ng mga ito.

“Tita, yes. I’m on my way na. What? I know.. keya pala medyo traffic.” sabi niya sa kanyang tita habang kausap ito sa cellphone, sinadya niyang gawing slang ang pagsasalita ng tagalog upang pagtinginan siya ng iba pang taong nadadaanan. Medyo looban kasi ang bahay ng tiyahin kaya marami pa siyang bahayan na madaraanan bago makarating sa mismong tahanan nito.

Maganda siya at matalino, ang problema lamang sa kanya ay sumobra ang arte. Kung makapagyabang sa tao ay ganoon na lang, kesyo hindi raw siya marunong mag-tagalog. Kahit pa dito naman siya sa Pilipinas lumaki bago siya na-destino sa US apat na taon na ang nakalilipas, 22 taon na siya noon. Bukod pa roon ang katotohanang tuwing taon ay umuuwi siya.

“Eww! What the hell was that?” tanong niya sa pinsan na noo’y napapangiwi dahil sa taglay niyang kaartehan. Basang dahon lang naman ang natapakan niya at dahil naka-heels ay nadama ng dulo ng daliri niya sa paa iyon.

“Ate, dahon lang ‘yan,” sabi ng pinsan niya. Umirap lang naman si Aurora.

Kinabukasan ay niyaya siya ng tita niya na pumunta sa wet market, wala naman daw kasi ang pinsan niya upang tulungan itong mamalengke. Bukod pa roon, naisip ng tita niya na baka nais niyang maglibot-libot sa lugar, aba masarap mamalengke sa wet market dito sa Pinas kaysa sa US. Iba pa rin syempre ang sariling atin.

“Are you sure it’s safe there Auntie? I mean, aren’t we going to ride a cab or something, baka delikado sa daan,” sabi niya. Kahit ang totoo, gustong-gusto niya naman iyong pinagtitinginan siya.

“Ano ka ba Auring, safe naman dahil kilala tayo ng mga taga-rito. At mababait ang tao kaya wag ka nang mag alala,” nakangiting sabi ng tiya niya. Tumaas ang kilay ng babae at sumunod na ritong maglakad palabas.

Advertisement

Habang nagilibot sa palengke ay inikot ni Aurora ang kanyang paningin, ano ba naman ang mga tao rito, walang breeding. Wala man lang gwantes kapag hahawak ng karne, aba sa US hindi pwede yan. Sanitized lahat.

“Auntie parang I want crabs, or buttered shrimp,” suhestiyon niya sa ginang. Nag ikot- ikot pa sila pero ubos na pala ang hipon, kaya naman alimango na lang ang kanilang bibilhin.

Agad naman silang nakakita noon, kaya lang, wala ang tindera. Tanging isang matandang babae lamang na nagtitinda ng gulay sa gilid ang naroon.

“Hintayin nyo lang ho si Mameng, may siningil lang sa kabilang pasilyo. Kanya ang pinakamurang mga alimango at matataba pa,” sabi ng matanda sa kanila. Sumang-ayon naman ang kanyang tiyahin.

Matapos ang limang minuto ay dumating na rin ang tindera, agad silang bumili ng kanyang tiya pero bago pa i-plastic iyon ay nag-request si Aurora.

“Aunt, can you take my picture? Ipo-post ko lang na I’m here sa wet market in the Philippines,” sabi niya at hinawakan ang isang alimango.

Bagamat nahihiya ang kanyang tiyahin sa ipinapagawa niya ay pinagbigyan siya nito.

“O ayan, mag-pose ka hija,” sabi nito. Hindi pa nakuntento si Aurora, kinuha ang gunting ng tindera at tinanggal ang tali sa sipit ng malaking alimango, para may thrill.

Advertisement

“Hija, delikado iyan. Baka masipit ka,” sabi ng tiya niya.

“No, mabilis lang to tita, come on.” sabi niya at iniangat ang kamay na hawak hawak ang alimango.

Di niya naman aakalaing gagalaw iyon, naihagis niya tuloy ito sa matandang nagtitinda ng gulay sa gilid habang nagtititili siya.

“Oh my God catch that fish, catch it!” sigaw niya, nagkamali-mali na ang english sa sobrang taranta. Dinampot naman ito ng matanda, pero dahil mabagal na kumilos ang ale ay nahagip ito ng matalim na sipit ng alimango.

“Aray ko po!” sabi ng ale. Humingi sila ng tawad at umuwi na, bumili na lang sila ng bagong alimango dahil hindi na nila nahuli ang isa pa, sumuot ito sa ilalim ng batong pinaglalagyan ng mga paninda, ang tindera na ang bahalang kumuha roon.

Mabilis lumipas ang isang taon at bakasyon na naman ni Aurora sa Pilipinas, sumakay na lamang sila ng pinsan niyang sumundo sa kanya sa tricycle papunta sa bahay ng kanyang tiya. Ang mga bagahe niya ay nasa isa pang tricycle na siyang bantay naman ng isa pa niyang pinsan.

“Kuya Charlie, sino’ng patay diyan?” tanong ng pinsan niya, malayo pa lang kasi ay natanaw na nila ang lona sa tapat ng isang bahay na madaraanan nila.

“Ah, si Aling Tessie, yung nagtitinda ng gulay sa palengke. May katandaan na rin,” sabi ng tricycle driver.

Advertisement

Nang mapadaan sila sa bahay na may lona ay laking gulat ni Aurora nang makita ang mukha sa tarpaulin, may RIP na nakalagay. Iyon ang matandang tindera ng gulay na nagsabi sa kanilang hintayin na ang tindera ng alimango noong isang taon, iyon din yung aleng nasipit.

“Ay oo namumukhaan ko na, kaya pala hindi na siya nagtitinda sa palengke,” sabi ulit ng pinsan niya.

“Matagal nang hindi nagtitinda iyan, noong isang taon pa. Kawawa nga yan eh, naratay raw. Nagsimula noong isang taon daw may babaeng maarte na nagpicture-picture sa alimango ni Mameng, basta parang ganoon ang kwento. Nasipit raw iyan si Aling Tessie, hindi alam na may diabetes ang matanda at bawal magkasugat. Ayun, dun sya nagsimulang manghina hanggang nagka-komplikasyon.. tapos ayan pumanaw na.” sabi ng driver.

“Grabe naman, napakaarte naman ng babaeng iyon. Kawawa ang matanda tuloy,” komento ng pinsan niya. Walang ideya na si Aurora ang babae sa kwento.

Hindi nakaimik ang dalaga, nangilabot siya at nawala lahat ng kaartehan sa katawan. Umuwi siyang tulala nang araw na iyon.

Ano ang masasabi mo sa kwentong ito? Ibahagi sa amin ang inyong sagot sa comments section sa ibaba. Para sa mas maraming sagot, i-like lamang ang aming Facebook page.