Abo Mula sa Japan

Palagi na lamang ikinukumpara si Myrna ng kanyang ina sa tatlo pa niyang kapatid na OFW. Dalawa kasi sa mga ito ay nurse at ang isa naman ay inhinyero. Pawang malalaki ang kinikita ng mga ito at malaki rin kung magbigay sa kanilang ina.

Related image

“Ayan ang sinasabi ko sa iyo, Myrna! Tingnan mo ang mga kapatid mo. Maayos ang buhay. Ikaw? Isa ka lamang saleslady. Kung hindi mo kasi sinayang ang pinangpaaral sa iyo noon at nag-aral ka ng mabuti, malamang ay nurse ka na rin ngayon at nasa ibang bansa na!” panunumbat na wika ni Aling Sima, nanay ni Myrna.

HIndi naman itinatanggi ni Myrna ang katotohanan na siya ay nagloko noong kolehiyo. Nasa ikalawang taon na siya noon nang umibig at tuluyang sumama sa kanyang kasintahan. Sinundo lamang siya ng mga magulang at tuluyan na silang pinaghiwalay.

Pilit na itinatama ni Myrna ang kanyang buhay kahit sa loob niya ay minamahal pa rin ang dating kasintahan. Wala namang ginawa ang kanyang ina kundi isumbat iyon sa kanya. Wala ring araw na hindi siya pinilit nitong mangibang bansa.

“Wala kang kinabukasan dito, sinasabi ko sa iyo! Marapat pa na ikaw ay mangibang bansa at hanapin mo ang swerte mo. Imbis kasi na nakakatulong ka sa amin ay nagiging pasanin ka pa. Magkano lamang iyang kinikita mo, hindi pa sumasapat sa iyo!” tuloy na panenermon ni Aling Sima.

“Inay, ginagawa ko naman po ang lahat. Naghahanap na rin naman ako ng ibang trabaho. Kahit paano naman po ay nagbibigay bigay din ako dito sa bahay. Hayaan ninyo po at dodoblehin ko ang kayod para lumaki laki ang kita ko. Maghahanap ako ng ibang mapapasukan,” tugon ni Myrna.

“Kahit kailan ay hindi sasapat ang iyong kikitain kung ikaw ay narito lamang. Kung sana ba ay nakapagtapos ka ng pag-aaral mo ay mas magandang trabaho ang naghihintay sa iyo. Pero ano ang iyong ginawa? Pinag-aaral ka, mas pinili mo ang landi,” masakit na pahayag ng ina.

Dahil na rin sa pamimilit na ito at upang hindi na rin siya palaging dinadakdakan ng ina ay minarapat ni Myrna na humanap ng trabaho sa ibang bansa. Narinig niya sa isang kaibigan na marami raw kababaihan ang kailangan ng kanilang ahensiya para paliparin papuntang Japan upang maging entertainer doon.

Advertisement

Hindi na nagdalawang isip si Myrna at kaagad niyang sinunggaban ang alok ng kaibigan. Hindi nagtagal at umalis na siya patungong Japan, baon ang pag-asang baka sakaling mabigyan na niya ng kaligayahan ang kanyang ina. At hindi naman siya dito nagkamali. Sa tuwing magpapadala siya sa ginang ay lubusan itong natutuwa.

“Hindi ba sinabi ko sa iyo na mas gaganda ang buhay mo riyan. Mas malaki ang kita mo. Mas makakaipon ka at mas makakapagbigay ka sa bahay. Ngayon ay hindi ko na alalahanin pa ang iyong kinabukasan,” ika ng ginang.

Naging maayos naman ang pagtatrabaho ni Myrna sa ibang bansa. Kahit paano ay nakapundar na rin siya sa Pilipinas. Dahil na rin sa taglay niyang kagandahan ay maraming hapon ang naliligaw sa kaniya. Nabalitaan ni Aling Sima mula sa kaibigan ni Myrna na may isang mayamang hapon daw na interesado sa dalaga. Nang umuwi si Myrna ng Pilipinas ay sermon agad ang ibinungad ng ina sa kanya.

“Hay nako, Myrna! Baka naman kung sino lamang ang maging asawa mo doon sa Japan ha? Pumili ka ng mayaman! Balita ko ay may isang mayamang hapon ang nagkakainteres sayo. Bakit hindi mo iyon sagutin? Tingnan mo yang mga kapatid mo, mga nagsipag-asawa ng mga taga-ibang bansa maayos na lahat ang kalagayan!” sambit ng ina.

“Pilitin mong makapangasawa doon ng hapon nang sa gayon ay doon ka na manirahan. Aba! napakaganda ng bansang Japan at ako naman ay magiging isang ina na lilibot libot na lamang sa mga bansa kung nasaan ang aking mga anak,” dagdag pa nito.

Alam ni Myrna na kahit ano pa ang kanyang sabihin ay hindi magiging tama sa pandinig ng ginang. Hindi niya masabi na hanggang ngayon ay naiisip pa rin niya ang dating kasintahan. Ang hindi alam ng ina ay may lihim pa rin silang komunikasyon. Hiling niya lang na sa pagkakataon ito, hindi na pigilan ng babae ang kanilang relasyon.

Hindi naglaon ay nalaman nga ni Aling Sima ang pakikipagusap muli ni Myrna sa dati nitong kasintahan.

“Hindi ba sinabi ko na sa iyo na wala kang mapapala sa lalaking iyan? Tignan mo siya ngayon, tricycle driver! Anong buhay ang mahihita mo sa kanya? Marahil ay kaya ka lamang niyan nilalapitan ay gusto niyang makuha ang iyong pera. At pagkatapos, ano? Iiwanan ka!” galit na galit na wika ni Aling Sima.

Advertisement

“Sinabihan ka lamang na hindi ka makalimutan at ikaw pa rin ang mahal, naniniwala ka naman agad. Mahina talaga ang ulo mo!” dagdag pa nito.

Dahil dito ay hindi na napigilan ni Myrna ang sumagot sa kanyang ina.

“Tumigil na kayo, nay! Sige na, nay! Kayo na naman ang tama, kayo na naman ang msusunod. Kayo naman parati, eh. Wala naman akong itinama sa inyo. Wala naman magaling sa inyo kundi ang aking mga kapatid. Kailangan ko bang pagbayaran ng buong buhay ko ang maliit na pagkakamali na nagawa ko noon? Pilit kong itinutuwid ang aking buhay ngunit hindi kayo naniniwala sa ko kaya sige, inay! Panalo na kayo. Kayo na po ang susundin ko,” pagtatapos ni Myrna.

Hindi na muli pang nagparamdam si Myrna sa dati niyang kasintahan bagkus ay tinanggap na lamang nito ang alok ng mayamang hapon na pakasalan siya.

Ang hindi nito alam na ang mayamang hapon pala na ito ay kabilang sa grupong YAKUZA. Wala itong ginawa kay Myrna kundi saktan at pahirapan kung hindi makukuha ang gusto. Walang araw na hindi siya pinagmalupitan ng lalaki.

Naging alipin ng malupit na asawa si Myrna. Naisin man wakasan ang kanilang pagsasama ay makapangyarihan ang lalaki. Dahil sa pagtatangka niya na tumakas at magsumbong ay ikinulong ng hapon si Myrna at patuloy siyang sinaktan. Walang nakakaalam sa panahon na iyon kung nasaan na si Myrna at ano na ang nangyayari rito.

Isang araw isang tawag ang natanggap ng dating kasamahan ni Myrna sa trabaho sa Japan. Pinapupunta sila ng pulis sa tahanan nito. Nang puntahan nila ang tinutuluyan nito ay laking gulat nila ng tumambad sa kanila ang wala ng buhay na si Myrna.

Ang sabi-sabi ng mga nakatira roon ay mag-isa raw umalis noong isang araw ang asawa nito at magpahanggang ngayon ay hindi pa bumabalik. At nitong umaga ay may masamang amoy na nanggaling sa kanilang bahay kaya humingi ng tulong sa awtoridad ang mga ito upang siyasatin ang tahanan.

Advertisement

Dahil sa sinapit nito minabuti na lamang nila na sunugin ang kanyang mga labi. Nalaman ito ng pamilya ni Myrna sa Pilipinas at lubusan ang hinagpis ng mga ito. Sinalubong ng ina ang abo ng anak. Nang kanya itong mahawakan ay halos manikuluhod ito sa paghingi ng tawad kay Myrna. Kung hindi niya kasi sinulsulan ang anak sa mangibang bansa at tanggapin ang pag-ibig ng mayamang hapon na iyon ay hindi ito mangyayari sa anak.

Ngunit kahit gaano man katagal magsisi si Aling Sima, hindi na nito maibabalik ang buhay ni Myrna.