Malaki ang Inggit ng Babae sa Kaibigan, Na-Konsensya Siya nang Malaman ang Ginawa Nito Para sa Kanya

Masayang iniligpit ni Maine ang mga folder sa ibabaw ng table niya. Isang taon palang siyang nagtatrabaho rito sa Makati pero tiyak niyang malaki ang chance niyang ma-promote. Katatapos lamang siyang ma-interview ng kanilang boss kanina.

Ang totoo niyan, wala sana siyang lakas ng loob mag-apply sa ganito kalaking kumpanya pero ang bestfriend niyang si Tracy ang kumumbinsi sa kanya. Dito rin kasi nagtatrabaho ang babae. Iyon nga lang, lingid sa kaalaman ni Tracy na katumbas ng malaking pasasalamat niya ay ang mas malaking inggit na itinatago niya rito.

Palagi nalang kasi siyang nalalamangan mula bata palang sila. Magka-klase sila at palagi itong top 1. Habang siya naman, top 2 lang. Ito rin ang unang napapansin ng mga binatang nagugustuhan niya. Nakakainis!

“Sis, how’s your interview?” nakangiting bungad ni Tracy sa kanya kaya nagising siya mula sa pag-iisip. Agad namang napalitan ng ngiti ang asar na ekspresyon sa kanyang mukha.

“Okay naman, I think they liked me,” proud na sabi niya.

“Wow! Ngayon pa lang proud na ako sa’yo. Lunch? Mamaya kasi baka hindi na kita masabayan sa meryenda, presentation ko na ng project ko eh. Alam mo na, iyong 2 weeks kong pinagpuyatan.” yaya nito.

Pero umiling si Maine, “Mauna kana sa canteen, susunod na lang ako. May tinatapos rin kasi ako eh,” sagot niya. Pero ang totoo, isang maitim na plano ang pumasok sa kanyang isipan. Tutal sinuswerte na rin siya ngayong araw, bakit hindi niya pa i-todo diba?

Tumango lang naman si Tracy at lumabas na. Nang masiguro ni Maine na wala nang ibang tao sa paligid ay pinakialaman niya ang laptop ng babae at binura ang mga documents nito.

Advertisement

“Tingnan ko lang kung may mai-present ka pa,” malditang sabi niya. Tapos ay sumunod na rin siya sa canteen upang di siya mapaghinalaan. Masayang sinalubong siya ni Tracy na walang kaalam-alam sa nag-aabang na problemang ginawa niya.

Ngiting-ngiti si Maine habang kumakain ng lunch, ito na yata ang pinakamasayang araw ng buhay niya. Una, mapo-promote siya, pangalawa ay naka-isa siya kay Tracy. Sa wakas, nahigitan niya rin ito.

Pagbalik nila sa kani-kaniyang table ay bigla na lamang nagsalita ang kanilang boss.

“Everyone, attention please,” sabi nito. Kaya nagsitigil sila sa mga ginagawa at tumingin sa gitna.

“Good news. Mabilis nag-decide ang panel natin. Marami kaming ikinonsider sa pagpili pero siya ang nag-stand out. Congratulations sa bago nating assistant manager, Maine Manalastas!” napuno ng palakpakan ang buong department at proud na tumayo si Maine.

Nang humupa na ang ingay ay muling nagsalita ang kanilang boss, “Hey Tracy, are you ready for the presentation? Dadating na ang client later, sunod ka na lang sa meeting room ha.” sabi nito at tumalikod na.

Niyakap muna siya ni Tracy, “Congratulations. I knew it. You deserve this,” sabi ng dalaga bago tiningnan ang laptop upang ihanda na ang ipe-present sa kliyente pero namutla ito nang makitang nawawala ang mga folder na isi-nave roon.

“Something wrong?” plastic na tanong ni Maine.

Advertisement

“N-Nawawala kasi ang..oh my God!” sabi lang nito at napaiyak na. Dahil sa komosyon ay ipinatawag ito ng kanilang boss sa opisina nito. Napangisi si Maine, tiyak na sinesermunan na ito dahil sa kapabayaan.

Gusto niya sanang mag-usisa pero pinigilan niya na ang sarili. Ayaw niyang mag-aksaya ng oras sa mga walang kwentang bagay. Ang mahalaga ay assistant manager na siya ngayon.

Masaya niyang binuksan ang cellphone at binuksan ang kanyang facebook. Nag-picture siya at ipinost iyon, na may caption pang New assistant manager #goals.

“Everyone, pasensya na kung marami akong sinasabi at naiistorbo kayo sa inyong mga trabaho pero this is really important.” gulat siyang napalingon, ang boss niya na naman ang nasa gitna. Nasa tabi nito si Tracy.

“Quiet everyone!” sigaw rin ni Maine, aba, assistant manager na siya kaya may karapatan na siyang manaway.

“I have an important story to tell. Kani-kanina lang in-announce ko kung sino na ang bagong assistant manager. Actually, si Tracy dapat iyon. Hindi na kailangan pang mag-interview dahil obvious naman na siya ang deserving pero alam nyo ba ang ginawa niya?

Tinanggihan niya ang position, at in-offer na ang kaibigan niyang si Maine nalang raw. Inangat niya ang kaibigan sa ikalawang pagkakataon dahil siya rin naman ang nagpasok kay Maine dito.

Kaya hindi ko lubos na maisip, na sa sobrang buting tao ni Tracy ay may makakaisip pang gawan siya ng masama. Na buburahin ang proyektong dalawang Linggo niyang pinaghirapan. Ang problema lang, nakalimutan ng salarin na may CCTV itong building natin.” pagkasabi noon ay tumingin ang boss ng matalim sa kanya.

Advertisement

Namutla si Maine, kasunod ay ang panginginig ng kanyang kalamnan.

“B-Boss-“

“Siguro ito na ang tamang pagkakataon, para piliin ko ang tamang tao. Sa pinakita mo kanina Maine, pinatunayan mo lamang na hindi ka karapat-dapat sa posisyon. Tracy, congratulations, you are the new assistant manager.”

Tulala si Maine at nang mahimasmasan ay tumakbo palayo sa lugar na iyon.

Labis niyang pinagsisihan ang nagawa, ngayon niya lang na-realize ang kanyang kamalian. Nawala na sa kanya ang pinakainasam na posisyon, nagkaroon pa ng lamat ang samahan nila ng kaibigan. Ilang buwan ang lumipas ay nagkaroon siya ng lakas ng loob na lapitan si Tracy at humingi ng tawad rito. Akala niya ay tatarayan siya ng babae at ipapahiya pero taliwas ang ipinakita nito. Niyakap siya ng dalaga.

“Na-miss kita,”

Masayang napabuntong hininga si Maine, napakabuti ng kanyang kaibigan.