Duda ang Mag-asawa sa Nobya ng Anak Kahit Ubod Ito ng Bait; Sa Bandang Huli ay Pinatunayan ng Babae na Karapat-dapat Siya sa Mag-ama

Nabalitaan ng mag-asawang Lorenzo at Zenaida na may nobya na ang kanilang anak mula sa kanilang apo. At dahil nag-aalala ang dalawa na baka nagbabalat-kayo lang ang babae ay agad na lumuwas ng probinsiya ang dalawa para kilalanin nila ang babaeng nagpapa-ikot ngayon sa ulo ng kanilang anak at apo.

“Ano pa ba ang mga sinabi sa’yo ni Gelo tungkol sa babae ng tatay niya?” Tanong ni Lorenzo sa asawa.

“Puro papuri ang apo natin sa nanay-nanayan niya. Pero hindi tayo pwedeng magtiwala sa sinasabi niya. Baka mamaya ay tinatakot lang ng babae ang apo natin para mabilog din niya tayo. Bibihira lang ang babaeng tinatanggap ang anak ng kasintahan nila sa ibang babae,” sagot ni Zenaida.

Nung dumating ang mag-asawa sa condo na tinitirahan ng kanilang anak ay tsaka lang nila nalaman na matagal na pa lang magkasintahan ang dalawa at nagsasama na ang mga ito sa iisang bubong. Mas lalo silang nabahala kaya nagdesisyon silang manatili muna ng ilang araw sa condo ng kanilang anak.

“Pero paano iyan? Dalawa lang ang kwarto sa condo mo, Angelo?” Tanong ng babae sa kaniyang nobyo.

“Hindi pwedeng magkasama kayo sa iisang kwarto. Hindi pa kayo kasal,” paalala ni Zenaida sa anak.

“Doon na sila papa at mama sa kwarto ko. Tabi na lang kayo ni Gelo sa kwarto niya. Sa sala na lang ako matutulog,” suswestiyon ng lalaki.

“Hindi pwede. Ako na lang ang matutulog sa sala. Masyadong maliit ang sofa para sa iyo. Tsaka alam mo namang hindi nakakatulog si Gelo kung hindi kayo magkatabi, eh.”

Advertisement

Kahit tutol si Angelo sa suwestiyon ni Dahlia ay wala siyang nagawa kung hindi sundin ang kaniyang nobya.

Kinabukasan ay maagang gumising si Zenaida para maghanda ng agahan. Pagpasok niya sa kusina ay nadatnan niya doon ang nobya ng anak na abalang-abala sa pagluluto.

“Ang aga mo atang gumising ngayon,” bati ni Zenaida kay Dahlia.

“Nakasanayan ko na po. Sa probinsiya po kasi ako ang naghahanda ng umagahan at baon ng tatay ko bago siya pumalaot para mangisda,” paliwanag ni Dahlia.

Nung nakatapos ng magluto si Dahlia ay napansin ni Zenaida na kaunti lang ang niluto nitong pagkain pero maraming klase.

“Bakit magkakaiba pang pagkain ang niluto mo? Pwede namang dalawang putahe lang pero sapat para sa ating lahat,” tanong ng babae.

“Pag umagahan po kasi mabigat ang gustong kainin ni Angelo kaya tapsilog ang niluto ko para sa kaniya. Ang gusto naman po ni Gelo ay tinapay at prutas kaya nag-bake ako ng apple pie. Nasabi po sa akin ni Angelo na mainit na lugaw ang hilig niyong kainin nina Tito Lorenzo ‘pag umaga kaya iyon po ang hinanda ko.”

Nabanggit ni Dahlia ang lahat ng taong nasa bahay maliban sa kaniyang sarili kaya tinanong siya ni Zenaida kung ano ang kakainin niya. “Hindi po ako kumakain ng umagahan,” sagot ng babae.

Advertisement

Sa ilang araw na pamamalagi ng mag-asawa sa condo ni Angelo ay puro magagandang kaugalian lang ang nakikita nila kay Dahlia. Marunong sa gawaing bahay, mapagpasensya sa kanilang apo, maaruga, masipag, magalang at mabait. Kahit abala ito sa kaniyang trabaho ay hindi nito napapabayaan ang mag-ama.

“Hindi pa rin ako kumbinsido. Baka nagpapakitang tao lang siya dahil alam niyang binabantayan natin ang bawat galaw niya,” tugon ni Zenaida nung hingan siya ng opinyon ng asawa tungkol sa nobya ng anak.

Araw ng Linggo, naisip ni Angelo mamasyal silang lahat kaya pagkatapos nilang magsimba ay dumiretso sila sa mall para maglibot.

“Daddy, doon na lang po tayo sa Timezone. Pwedeng umupo muna po sina lolo at lola sa mga massage chairs nila doon habang naglalaro ako o kaya mag-videoke para hindi po sila mainip,” pakiusap ni Gelo sa ama.

Matapos magsawa sa palaruan ay napagdesisyunan nilang kumain na lang sa food court para mas maraming pagpipilian. Si Angelo na ang pumila para bumili ng mga pagkain nila habang ang apat ay umupo na lang sa napili nilang pwesto. Habang naghihintay ay nagpaalam si Gelo na pupunta muna siya ng banyo.

“Samahan na kita, apo,” alok ni Lorenzo.

“Huwag na po, lolo. Big boy na ko. Kaya ko na pong mag-isa,” pagmamalaki ni Gelo.

Nag-alala si Dahlia nung natagalang bumalik si Gelo kaya sinundan niya ito.

Advertisement

Nung nakabalik na si Angelo ay wala pa rin ang dalawa kaya nagpresinta na si Lorenzo na hanapin sila. Sumama sa kaniya ang kaniyang asawa. Nagdahilan si Zenaida na naiihi pero ang totoo ay gusto niyang malaman kung bakit hindi pa nakakabalik ang dalawa.

“Siguro ay magandang pagkakataon ito para malaman natin kung paano talaga tratuhin ni Dahlia ang ating apo pag walang nakatingin sa kaniya,” sambit ni Zenaida sa asawa nung nakalayo na sila sa anak.

Hindi pa nakakalapit ang mag-asawa sa CR ay natanaw na nila ang apo nila na basa-basa ang damit at umiiyak habang ang nobya ng anak ay nakikipagtalo sa isang babae.

“Gelo, anong nangyari? Bakit basang-basa ang damit mo?” nag-aalalang tanong ni Zenaida.

“Hindi ko naman po sinasadya na mabungo ‘yung babae, eh. Natapon po ‘yung dalang niyang juice. Nag-sorry naman po ako sa kaniya pero nagalit pa rin siya. Binuhos niya po sa’kin ‘yung juice ng kaibigan niya. Nakita po ni Mommy Dahlia kaya inaaway niya ‘yung babae,” paliwanag ni Gelo.

Maya-maya ay nakarinig sila ng isang malakas na tili ng babae. Inagaw pala ni Dahlia ang inuming dala ng isang nakikiusyoso sa nangyayari at binuhos lahat sa babaeng inaaway niya.

“Pasalamat ka binuhusan lang kita ng soft drink! Pwede kitang idemanda sa ginawa mo!” pagkatapos ay nilapitan ni Dahlia ‘yung taong inagawan niya at nag-abot ng pera dito.

“Pasensya na po. Bumili na lang kayo ng bago,” bago umalis ang apat ay nilingon ulit ni Dahlia ang babae.

Advertisement

“Kung sakaling gusto niyong magsampa ng reklamo, Dahlia Crisostomo ang pangalan ko, Atty. Dahlia Crisostomo. Hindi kayo mahihirapan sa paghahanap sa akin dahil ako ang nanguna sa bar exam nung isang taon. I-Google niyo na lang.”

Dahil sa kanilang nasaksihan ang naging panatag na ang loob nina Lorenzo at Zenaida. Napagtanto nila na nasa mabuting kamay ang mag-ama. Mula noon naging malapit na sila sa nobya ng kanilang anak. Sa katunayan ay sila pa nga ang nagtutulak sa kanilang anak na pakasalan na si Dahlia nang sa ganoon ay hindi na ito masulot pa ng iba.