Ang Pagiging Mabait ay May Gantimpala

Sa araw araw na ginawa ng Diyos ay si Jenny na lamang palagi ang nag-aasikaso sa bahay. Bilang panganay sa mga naulilang magkakapatid, batid nitong tungkulin niyang alagaan at pakainin ang mga bata, buhayin ang mga ito mula sa kaniyang sariling dugo’t pawis.

Simula nang pumanaw ang mga magulang nina Jenny ay kinupkop at pinatira sila ng kaniyang tiyahin sa lugar nito. Noong una’y sobra sobra ang pasasalamat ng dalaga dahil nagmalasakit ang kaniyang Tiya Ebeng, ngunit habang tumatagal ay nais na lamang ng babae na makaalis silang magkakapatid sa poder nito. Tila impyerno ang kinahantungan ng kaniyang buhay mula nang dito sila tumuloy.

Nagta-trabaho sa isang sikat fast food chain si Jenny ng walong oras sa isang araw at kumikita lamang ng sasapat para sa pang-araw-araw na pangangailangan nilang magkakapatid. May kalayuan ang nilalakad ni Jenny bago makarating sa trabaho kung kayat madalas ay gabing gabi na ito kung umuwi. Binibilinan niya si Denver, 12 years old, sumunod sa panganay, na pakainin at asikasuhin ang mga nakababatang kapatid na sina RJ at Lesley bago pumasok ang mga ito sa eskwela.

Si Denver ay first year high school, si RJ na siyam na taong gulang ay nasa ikaapat na baitang, at ang bunsong si Lesley naman na pitong taong gulang ay nasa unang baitang. Ang kanilang tiya naman na kapatid ng kanilang yumaong ina ay umaasa rin lamang sa perang iniaabot ni Jenny na siyang ipinangsusugal nito, kung kaya’t madalas ay nagtatalo silang mag tiya. Dati ay nagtitinda ito ng isda sa palengke upang makaraos sa araw araw, ngunit nang dumating ang mga bata ay tumigil na ito.

Isang gabing pauwi galing sa trabaho si Jenny ay may nakasalubong itong matandang lalaki. Maayos ang suot nitong damit, malinis, ngunit kapansin pansing hirap ito sa paglalakad. Agad tumalima sa isip ni Jenny ang ama. Alam niyang kung nabubuhay pa ito ay sasabihin nitong tulungan ang matanda, dahil ang palaging sinasabi nito sa kanilang magkakapatid ay kung ano ang ginawa mo sa kapwa mo ay siya mo ring ginagawa sa Diyos. Pinalaking may takot sa Panginoon ang magkakapatid kung kaya’t nagpasya ang dalaga na lapitan ang tulungan ang matanda.

“Tay, ayos lang ho ba kayo?” tanong ng dalaga habang marahang tinapik ang balikat ng matanda. Hindi ito nagsalita ngunit umiling ito bilang tugon na siyang naging dahilan ng pag aalala ni Jenny.

“Bakit ho? May masakit ho ba sa inyo? May nangyari ho ba?” tanong ng dalaga habang ineeksamin ang katawan ng matandang lalaki. Napatigil ito nang biglang magsalita ang matanda.

“Anak, may pagkain ka ba riyan? Kanina pa kasi ako naririto, subalit wala man lamang tumulong sa akin. Ako’y gutom na gutom at uhaw na uhaw na,” nanghihinang sambit nito.

Advertisement

Walang anu-ano’y binuksan ng babae ang kaniyang bag at iniabot ang isang hamburger na sana’y iuuwi nito sa kaniyang mga kapatid. Naglabas din ito ng bote ng tubig para sa maiinom ng matanda. Pinaupo niya ito sa may gilid ng sidewalk at saka niya iniabot ang hamburger at tubig. Kinuha ito ng matanda, ngunit sa halip na kainin ay inilapag niya ito sa kaniyang tabi at saka nito hinawakan ang dalawang kamay ng dalaga.

“Iha, ako’y nag iisa na lamang sa buhay. Unico hijo ako ng aking mga magulang na siyang nagpamana sa akin ng limpak limpak na salapi. Hindi totoong ako’y gutom o uhaw sapagkat naririyan lamang ang tahanan ko sa kabilang kanto ng lugar na ito. Ako’y hindi na nakapangasawa sa kadahilanang ako’y naging abala sa aming azukarera sa probinsiya na siyang nagibibigay ng karangyaan sa aming pamilya. Ngayong ako’y matanda na, batid kong hindi na hahaba pa ang aking buhay,” paliwanag ng matanda na siyang ikinalito ni Jenny. “kaya ako naririto ay upang maghintay ng karapat-dapat na tagapagmana,” dagdag pa nito na siyang ikinalaki ng mata ng dalaga.

“Ho? Tay, hindi ko ho maintindihan. A-ang ibig sabihin ho ba nito—“ natigilan ang babae nang tumango ang matanda.

“Ikaw ang aking napili, bagamat hindi pa kita lubos na kilala ay alam kong mapangangalagaan mong mabuti ang yaman ng aking pamilya, at nasisiguro kong hindi mo ito wawaldasin sa maling paraan. Halika’t isasama kita sa aking bahay, naghihintay ang aking mga katulong roon,” sambit nito habang pinapara ang isang kulay puting kotse.

Tumigil ito sa kanilang harapan at agad binuksan ng matanda ang pinto nito at sumenyas na sumakay na ang dalaga.

“Ay, ano. Hindi ko ako maaaring sumama, paumanhin po. Kung totoo man ho ang sinasabi ninyo, salamat ho pero hinihintay po ako ng mga kapatid ko. Kailangan ko na ho umuwi. Mag iingat ho kayo,” ani Jenny saka ito naglakad papalayo sa matanda.

Sa isip nito ay imposibleng mangyari ang sinasabi ng matanda dahil walang tao ang nasa matinong pag iisip na mamimigay na lamang ng kayamanan. Baka nga nililinlang lamang siya nito para siya ma-kidnap. Kinilabutan ang dalaga sa kaniyang mga naiisip ngunit natigilan siya nang bumusina ang sasakyan at dumungaw mula rito ang matanda.

“Hija, alam kong natatakot ka. Dahil sino ba naman ang matinong tao na ipapamana sa iba ang lahat ng karangyaangpinaghirapan ng kaniyang pamilya? Ngunit makasisiguro kang ako’y nagsasabi ng katotohanan. Maaari mong isama ang iyong mga kapatid kung iyong nais, ngayon din ay isasama ko kayo sa aking mansion,” pangungulit ng matanda ngunit patuloy lamang sa paglalakad si Jenny hanggang sa makarating ito sa may eskinita na patungo sa kanilang tinitirhan. Mabilis na naglakad ang babae para mailigaw ang matanda ngunit laking gulat niya nang masundan pa rin siya nito hanggang sa kanilang tinitirhan.

Advertisement

“Tay, pakiusap hindi ho ako interesado, mawalang galang na ho pero natatakot na ho ako sa ginagawa ninyo,” pakiusap ng dalaga.

“Maniwala ka, naiintindihan kita. Ngunit lalo ko lamang gustong tulungan kayong magkakapatid ngayong nakita ko na ang inyong kalalagayan. Pakiusap huwag kang matakot, sumama na kayo sa akin. Ipinapangako kong Malaya kayong makaaalis kung hindi ninyo magustuhan ang manirahan sa aking tahanan.” Pangungumbinsi ng matandang lalaki.

“Sige ho para ho tumigil na kayo, kami nalang po ang pupunta sa inyo. Kung gusto nyo ho eh bukas na bukas. Pwede ho bang ituro nyo nalang kung paano kami makakarating? Hindi ho kais dapat malaman ng tiya ko, saka ko nalang ho ipapaliwanag,” aniya. Tumango-tango naman ang matanda at saka itinuro sa dalaga kung paano makakarating ang magkakapatid sa bahay nito.

“Aasahan ko bukas ang inyong pagdating, hija.”

Matapos sabihin ito ng matanda ay umalis na ito.

Saka lamang nakahinga nang maluwag si Jenny. Pumasok na ito sa kanilang bahay at nadatnan nito ang kapatid na si Lesley na umiiyak. Agad nitong nilapitan ang bunsong kapatid at tinanong kung anong dahilan at ito’y umiiyak. Ikinwento ng bunsong kapatid na siya’y pinagbuhatan na naman ng kamay ng kanilang tiyahin dahil lang natalo ito sa sugal. Inalo ni Jenny ang kapatid at saka nito tinawag si Denver at RJ.

Bigla na lamang nabuo ang loob ni Jenny na lumayas sa pamamahay ng kaniyang tiya Ebeng dahil sa nangyari kung kaya’t ikinuwento nya ito sa kaniyang mga kapatid. Taliwas sa kaniyang naging reaksyon nang makaharap ang matanda ay halatang sabik at masaya ang mga ito sa binalita ni Jenny. Nung gabi ring iyon ay nag empake na ang magkakapatid. Napag usapan nilang sa umaga aalis kapag tulog na ang kanilang Tiya Ebeng na manggagaling sa inuman.

Kinabukasan ay nag-asikaso na ang magkakapatid na parang isang normal na araw lamang ito. Mga ilang minuto pa ay dumating na nga ang kanilang Tiya Ebeng na lasing na lasing. Naupo ito sa harap ng hapag at saka tumungo at nakatulog. Hudyat naman ito ng mga magkakapatid para isa isa nang lumabas at tumakas.

Advertisement

Pinangunahan ni Jenny ang mga kapatid at siya itong nagtungo sa lugar kung saan nito nakilala ang matanda. Mula roon ay ipinagtanong tanong nila ang Camia St. kung saan naroroon ang bahay ng matanda. May isang sidecar driver na nag-alok sa kanilang ihahatid sa kanilang patutunguhan.

Dahil may ekstrang pera pa naman si Jenny ay pumayag ito at saka niya pinaunang pasakayin ang kaniyang mga kapatid. Nang makarating sila ay nagbayad at nagpasalamat si Jenny sa drayber. Mula sa bungad ng Camia Street ay kailangan nilang maglakad ng kaunti upang matunton ang malaking berdeng bahay na sinasabi ng matanda. Ilang minuto lamang naglakad ang apat nang bumungad sa kanila ang gate ng nag-iisang puting bahay na may kayumangging bubong doon.

Napa-buntong hininga si Jenny at saka pinindot ang doorbell. Agad namang may lumabas na babaeng naka unipormeng pang kasambahay at pinagbuksan sila ng gate. Pumasok ang magkakapatid, at sa bawat hakbang ay namangha ang mga ito sa lawak at ganda ng lugar. Nang makapasok sa loob ng bahay ay lalong namangha ang magkakapatid sa gara nito.

Sinalubong sila ng matanda at isang alalay nito at saka isinama sa may hapag. Sa ibabaw ng lamesa ay maraming nakahandang pagkain na animo’y fiesta. Pinaupo sila ng matanda at niyayang kumain. Sabik na naupo angmga bata at agad na sinunggaban ang mga pagkaing nakahatag sa mesa, habang si Jenny naman ay naupo na rin ngunit sabik man kumain ay nagdadalawang isip ito. Nangmakita ito ng matanda ay agad itong may iniabot na mga papel kay Jenny.

“Titulo ito nitong lupang kinatitirikan ng bahay.”

Pagpapakita ng matanda ng isang animo’y sertipiko.

“Ito naman ang kasulatang nagsasabing ikaw ang magmamana ng azukarerang pagmamay-ari ng aming pamilya. Hinihintay na lamang ng mga papeles na iyan ang iyong pangalan at pirma,” dagdag pa nito.

Binasa ni Jenny ang mga papeles na iniabot sa kaniya ng matanda. Hindi makapaniwala magpahanggang ngayon ang dalaga sa kaniyang swerteng natatamasa nang dahil lamang sa simpleng pagtulong sa nangangailangan. Pinirmahan nito ang mga papeles at ito’y nagpasalamat sa matanda saka sila sabay-sabay na kumain ng almusal.