Babae sa Bundok Banahaw

Nakaugalian na ng magkakaibigan na sina Fredo, James at Lucas na umakyat ng bundok sa tuwing wala silang pinagkakaabalahan.

Marami nang bundok ang kanilang naakyat kabilang na ang Mount Makiling, Mount Maculot, Pico de Loro at marami pang iba. Ngunit may isang bundok na tila kinakatakutan ng karamihan na nais nilang akyatin, ito ang Bundok ng Banahaw.

Ika nga ng iba, mayroon daw doong nagpapakitang babae na tila gumagawa ng paraan para hindi na makababa sa bundok ang mga kalalakihan. Madalas nagpapakita ito sa mga lalaking manghang-mangha sa ganda ng bundok. Kaya naman nagdadalawang isip na ang isa sa tatlong magkakaibigan kung tutuloy ba siya sa pag-akyat.

“Naku James, sa dinami ng inakyat natin na bundok may nakita ka ba? Nawala ka ba? Hindi naman diba? Halos lahat ng bundok p’re may hiwagang kinakalat ang mga tao para puntahan lalo syempre para kumita sila.” pagbibigay lakas loob ni Fredo habang nagsasaliksik sa sinasabing bundok.

“Nasisiraan ka na ba? Natatakot nga ang mga tao eh, paano sila kikita don? Saka kung itutuloy niyo yan, hindi ako sasama sa inyo. Gusto ko pang magpakasal sa nobya ko.” ika ni James, bakas sa mukha niya ang pangamba.

“Ito na naman si Ginoong Wagdu, napakahina talaga ng loob mo! Kalalaki mong tao!” galit na ika ni Fredo, padabog na sinara ang kanyang laptop.

“Oo nga James! Kapag hindi ka sumama magkalimutan na tayo. Lagi kana lang ganyan sa tuwing aakyat tayo ng bundok.” sabat naman ni Lucas, medyo naiinis na rin siya sa kaibigan.

“O sige na, sige na, sasama na. Basta kapag nawala ako doon, hindi ko kayo papatulugin kahit kailan.” pagsang-ayon na lang ni James, halatang napipilitan na lamang siya.

Advertisement

Nagpunta nga ang magkakaibigan sa itinakda nilang araw sa Bundok ng Banahaw. Pagkarating pa lamang nila roon, agad na silang binalaan ng mga residenteng nakatira sa paanan ng bundok, sila rin ang tumatayong tour guide.

“Mga iho, ang tanging kailangan niyo lang iwasan ay ang pagtingin sa mata ng mga hindi niyo kilala, maliwanag ba? Dahil marami ang mga umaakyat sa bundok na ito at hindi lahat ng iyon ay totoong tao, ang karamihan, mga engkanto at sila ang nagsasabi sa babaeng nasa pusod ng bundok kung sino ang kukunin nito.” babala ng isang matandang lalaki, “Kung maaari lamang huwag na kayong makipag-usap sa ibang tao.” dagdag pa nito, halos manginig naman ang tuhod ni Jmaes nang marinig ang babalang iyon habang sina Fredo at Lucas, tatawa-tawa lamang sa gilid.

Dumako na ang magkakaibigan sa nasabing lugar kung saan naghihintay ang mga aakyat ng bundok. Doon nakita nila ang sandamakmak na taong naghihintay, kaya naman tuwang-tuwa sina Fredo at Lucas, baka daw doon nila matagpuan ang kanilang mamahalin. Palingun-lingon ang dalawa, sipat dito, sipat doon.

“Hoy pinagsabihan na tayo na huwag titingin sa mga mata ng tao, tapos kayo todo sipat sa mga magagandang dalaga dyan.” nakatungong ika ni James.

“Ano ka ba James, hindi totoo yon! Yung babae nga sa bandang kaliwa ko kanina pa rin nakatitig sakin.” patawa-tawang ika ni Fredo.

Dumating na ang oras para umakyat. Sakto namang ang babaeng kanina pa nakatingin kay Fredo ay nakasabay nila. Noong una ay bahagya pa itong lumalayo sa kanya, pero noong nasa kalagitnaan na sila ay bigla na itong lumingkis sa kanya.

Tuwang-tuwa naman ang lalaki dahil sa nararamdaman niya ang malambot na dibidib nito. Ngunit hindi kalaunan ang malambot na dibdib ay napalitan ng tusok-tusok na bubog dahilan para magkanda sugat-sugat siya. Pilit man niyang ihinihiwalay ang sarili sa dalaga, ayaw na siyang pakawalan nito.

Sigaw na siya nang sigaw ngunit wala na siyang makitang tao sa paligid bukod sa mga kulay itim na puno at baging. Maya-maya pa, nararamdaman niyang bumabalot na sa katawan niya ang mga baging at kitang-kita niya kung paano ito pagalawin ng babaeng bumingwit sa kanya.

Advertisement

Naiiyak na siya sa takot at sinabing, “P-parang awa mo na, n-naniniwala na ako sayo, hindi na kita pagtatawanan, pakawalan mo lang ako.”

Pagtapos niyang sabihin ang mga salitang iyon, bigla niyang narinig ang boses ng mga kaibigan. Bigla ring nagliwanag ang buong paligid, nawala ang mga baging na nakapulupot sa kanya at naglahong parang bula ang napakagandang dalaga.

“P’re, kanina ka pa nakatayo dyan at tulala. Andon na kami sa sakayan kanina pa, binalikan ka lang namin.” ika ni James.

“James, nakita ko yung babaeng tinutukoy nila.” seryosong ika ni Fredo, pawisan ito at takot na takot.

“Nasisiraan kana talaga! Nasa Maynila pa lang tayo p’re! Tumingin ka sa dinadaanan mo baka mabangga ka ng jeep! Mamaya kana managinip ng gising.” tawang-tawang ika naman ni Lucas.

Simula nang pangyayaring iyon kay Fredo, pinagtuunan niya ng pansin ang bawat babalang ibinibigay sa kanila. Sa kabutihang palad naman natunghayan nila ang gandang tinatago ng Bundok Banahaw nang walang nawala o nasaktan sa kanilang magkakaibigan.

Bawat lugar ay totoong may itinatagong hiwaga. Kung hindi kayang sundin ang mga babala, i-respeto man lang sana.