Pilit Kinukuha ng Babaeng Ito ang Loob ng Isang Bata sa Orphanage, Nadurog ang Puso Niya nang Malaman Kung Bakit Ayaw Nitong Mapalapit sa Kanya

Sa tao, pangkaraniwan lamang isipin na ang pagtulong sa kapwa ay isang magandang gawain. Na ito ay para sa kapakanan ng mga tinutulungan natin. Ngunit may isang tagong katotohanan tayong hindi nalalaman ukol sa pagtulong natin sa ating kapwa.

Isa ang karanasan ni Josephine, o mas kilala sa tawag na Ping, na magpapatunay na ang pagtulong sa kapwa kung minsan, imbes na maganda ang idulot sa iba ay kabaligtaran pa.

Si Ping ay isang 4th year student na napagdesisyunang sumali sa isang volunteer activity bilang isang proyekto ng kanilang eskwelan bago sila magtapos sa pag-aaral.

Nagtungo sila ng Benguet kung saan maraming mamamayang mahihirap at batang naiiwan sa orphanage. Isang orphanage center ang napili nilang puntahan. Nagdala sila ng mga pagkain, gamot, damit at ilang libro na makakatulong sa mga batang ulila o iniwan ng mga magulang.

Doon ay nakita niya ang isang batang nagngangalang Jiro, anim na taong gulang. Mahiyain ito at tila hindi mahilig makihalubilo sa iba. Sinubukan niya itong kausapin pero nabigo siya noong una. Hanggang sa makakita siya ng isang laruang robot at ito’y binigay sa bata, “Gusto mo?”

Nahihiyang tinanggap iyon ng batang lalaki. Napangiti siya. Dahil sa kuryosidad kung bakit tahimik si Jiro ay pinilit niyang mapalapit ang loob dito. Binasahan niya ng mga istorya at tinuruan ng pagsusulat si Jiro kasama ng ibang bata.

Sabay-sabay rin silang nagdasal at kumain.

Pagkatapos ay muli silang nakipaglaro sa mga bata. Ngunit pagsapit ng dapit-hapon ay kinailangan na nilang umalis. Nagpaalam sila sa mga bata ngunit nagtaka si Ping dahil wala doon si Jiro. Advertisement

Nakita niya ito sa labas at tila malungkot, “Jiro alis na kami.”

Hindi ito sumagot kaya naman tinapik niya ang balikat nito bago umalis, “Ingat kayo dito.”

Ilang segundo matapos niyang tumalikod at maglakad ay may narinig siyang maliliit na yabag, hanggang sa may kumapit at yumapos na sa kanyang paanan. Tinignan niya kung sino ito, “Jiro?”

Nakita niyang umiiyak ang bata, “Huwag kang umalis, parang-awa mo na huwag mo kong iiwan.”

Iyak ng iyak ito. Kaya pala malungkot ito ay dahil sa pag-alis niya, hinarap niya ito at niyakap, “Babalik din kami, huwag kang mag-alala.”

Umiling ang bata, “Hindi totoo ‘yan. Hindi ka na babalik. Hindi na kayo babalik. Lahat sila nag-promise din pero lahat walang bumalik.”

Napaluha ang dalaga. Kaya siguro sinubukan ni Jiro kanina na huwag mapalapit ang loob sa kanilang mga volunteers ay dahil nadala na ito sa mga pangakong hindi natutupad. Marahil ay ayaw niyang umasa ulit. Nasaktan siya sa kaalamang isang batang may murang-edad na nararanasan na ang ganito.

Niyakap niya ng mahigpit ang bata, “Pangako, babalikan ko kayo, babalikan kita, Jiro.” Advertisement

Isang taon ang lumipas, naka-graduate at nagkaroon ng sariling trabaho si Ping. Tinupad niya ang pangako sa batang naiwan niya sa orphanage. Binalikan niya si Jiro, kasama ng ibang bata sa orphanage. Ngayong may sarili na siyang trabaho ay kaya niya nang tustusan ang palagiang pagdalaw sa mga ito.

Doon ay natutunan niya ang isang aral sa buhay. Huwag mong gawin ang isang bagay na hindi mo kayang panindigan nang pangmatagalan.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!