Sinara ng Babae ang Kaniyang Selpon Dahil sa Paulit-ulit na Pagtawag ng Kaniyang Ina; ‘Di Niya Akalain na sa Bandang Huli ay Hahanap-hanapin Niya ang Presensya Nito

Hindi pa sumisikat ang araw ay abala na si Valencia sa pagluluto ng agahan at paghahanda ng mga pangangailangan ng anak niyang si Magda. Kahit bente singko anyos na ang nag-iisa niyang anak ay hindi pa rin siya nagsasawa na pagsilbihan ito. Sayang nga lang dahil ang pakiramdam ng babae ay unti-unti nang lumalayo ang loob ng kaniyang anak simula noong na-promote ito bilang manager sa pinagtatrabahuang sikat na IT company. Naiintindihan naman niya na abala ang kaniyang anak sa trabaho pero hindi pa rin niya maiwasan na hanap-hanapin ang mga panahon kung kailan madalas silang mag-bonding ng kaniyang anak.

“Anak, available ka ba sa Sabado? Baka pwedeng lumabas naman tayo? Matagal na rin simula nung huling pamamasyal natin,” tanong ng babae nang makita niyang nagmamadali ang anak habang tumitipa sa selpon nito. “Kung hindi tayo makakalabas, imbitahan mo na lang ang mga katrabaho mo para makilala ko sila. Imbitahin din natin ang mga dati mong kaklase. Ipagluluto ko kayo ng mga paborito niyong putahe.” Tuluy-tuloy lang si Valencia sa pagsasalita pero ang bawat letrang lumalabas sa kaniyang bibig ay nililipad lang ng hangin.  

“Tuyo at champorado? Wala na bang iba?” biglang singit ni Magda. “Pero hindi ba paborito mo iyan?” nagtatakang tanong ni Valencia sa anak. “’Dadaan na lang ako sa Starbucks para mag-takeout ng agahan. Ayaw na ng sikmura ko ang ganiyang pagkain,” tugon ng dalaga habang kinukuha ang kaniyang bag at nagmamadaling lumabas ng bahay. “Sandali lang, anak. Nakalimutan mo iyong baon mo. At saka itong ipepresenta mo para sa meeting mo mamaya naihanda ko na,” pahabol ng babae. “Sa restawran na lang akong manananghalian. Mas masarap ang pagkain doon. Hindi ko na rin kailangan niyan. Mas maganda iyong ginawa ng tauhan ko,” sigaw pabalik ni Magda.

Sira na naman ang araw ni Magda. Inis na inis ang babae dahil sa sobrang kakulitan at papansin ng kaniyang ina. Alam naman nitong busy siya sa trabaho pero sa tuwing makikita siya nito ay wala itong ibang ginawa kung hindi ang magkuwento na mga walang katuturang mga bagay at magtanong kung kailan ang araw na libre siya. Dinadaan na lang ng babae sa pagtetengang kawali pero talagang manhid ang kaniyang ina. Hindi nito maunawaan na wala siyang panahon para dito. Ang pinakakinagagalit ng babae ay ang pagiging pakialamera nito. Ilang mga mamahaling kagamitan na niya ang nasira dahil sa pangingialam nito. Ayaw naman niyang maging bastos sa kaniyang ina pero minsan talaga ay hindi na niya napipigilan ang kaniyang sarili kaya nasisigawan na niya ito.  

At kapag minamalas nga naman ang babae ang araw na napili ng kaniyang ina para bulabugin siya nang sobra-sobra ay ang araw kung kailan mag-iinspeksyon ang presidente ng kompanya sa opisina. Ilang beses na itong nagtetext. Kapag hindi siya nakapagreply ay tinatawagan siya nito. Napilitan na nga si Magda na i-silent na lang ang kaniyang selpon huwag lang siyang maistorbo sa trabaho. Ang problema, dahil hindi niya nasasagot ang tawag ng ina ay sa telepono naman ng opisina ito tumatawag.

“’Ma naman. Oras ng trabaho. Kanina niyo pa ako iniistorbo. Baka sibakin ako nito sa puwesto dahil sa inyo,” reklamo ni Magda nang muli na namang tumawag ang kaniyang ina sa opisina. “Last na ito, anak. Anong klaseng keyk at flavor ng ice cream ang gusto mo?” tanong ni Valencia. “Pati ba naman iyan sa akin niyo pa itatanong? Kanina mga pagkain at inumin. Tapos pati kulay ng mantel at kurtina ako pa ang tatanungin. Hindi ba pwedeng kayo na ang magdesisyon tungkol sa mga bagay na iyan? Huwag niyo na akong tatawagan ulit. Istorbo!” inis na tugon ng dalaga. “Pero, anak…” Hindi na natapos ang pagtatanong ni Valencia dahil binabaan na siya ng telepono ng anak. Pin*tay din ng dalaga ang selpon nito.

Bagama’t napilitang mag-overtime, malaki ang pasasalamat ni Magda dahil natapos niya ang lahat kaniyang trabaho. Hindi muna umuwi ng bahay ang dalaga. Kumain muna siya sa paborito niyang restawran para magpalipas ng oras dahil hindi pa rin napapawi ang inis niya sa kaniyang ina. Hindi pa rin niya binubuksan ang kaniyang selpon. Nang dumating siya sa kanilang bahay ay labis na takot ang kaniyang nadama nang madatnan niya na may mga pulis na naghihintay sa labas ng kanilang bahay.

“Magandang gabi po. Dito po ba nakatira si Mrs. Valencia Torres?” tanong ng isang pulis. “Dito nga. Anong kailangan niyo sa mama ko?” balik tanong ni Magda. “Kayo po ba si Magda. Iyong huling tinawagan ni Mrs. Torres?” Dahan-dahan na tumango ang dalaga. Lalong bumibilis ang pagtibok ng kaniyang puso sa bawat minutong lumilipas.

Advertisement

Tuluyang nahulog ang puso ng dalaga mula sa kaniyang katawan nang malaman niya ang pakay ng mga pulis sa kaniya. “Ma’am, kanina pa namin kayo sinusubukang kontakin. Ikinalulungkot po naming ipaalam sa inyo na kasama ang inyong nanay sa bilang ng mga taong nasawi sa naganap na nakawan sa isang tindahan ng alahas kanina.”

Mahigit isang taon na ang nakakalipas mula nang pumanaw ang ina ni Magda ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin makapaniwala ang dalaga. Araw-araw niyang hinahanap ang pangangalaga ng kaniyang ina. Palagi niyang hinihiling na sana ay naririnig pa rin niya ang mga walang kwentang kwento nito. Labis siyang nangungulila sa pagmamahal nito.

Muling binasa ng dalaga ang huling text na pinadala sa kaniya ng kaniyang ina. “Happy birthday, mahal kong Magda. Niluto ko ang mga paborito mong pagkain. Sana ay masarapan ka. Iyong keyk at ice cream mukhang hindi mo na matitikman. Binili nga pala kita ng regalo. Sana ay magustuhan mo. Tinangka nilang agawin sa akin ang regalo mo pero hindi sila nagtagumpay. Anak, lagi mong tatandaan na kahit hindi mo na ako kapiling ay hindi pa rin ako mawawala sa tabi mo. Kahit kailan ay hindi ka mag-iisa. Mahal na mahal kita, anak. Mag-iingat ka palagi.”

Kinapa ni Magda ang suot-suot niyang kwintas na may hugis puso na pendant kung saan nakatago ang litrato nila ng kaniyang ina. Ito ang huling regalong natanggap niya mula dito. Binuwis ni Valencia ang kaniyang buhay huwag lang makuha ng mga magnanakaw ang regalo niya para sa kaniyang anak. Binigay ito ng mga pulis sa dalaga noong araw mismo kung kailan pumanaw ang babae at ayon sa kanila ay nahirapan silang tanggalin ito muli sa mahigpit na pagkakahawak ng kamay nito.

“Miss na miss na kita, Mama. Sana ay mapatawad mo ako sa mga kasalanan ko sa iyo. Mahal na mahal din kita, Mama,” bulong ni Magda sa hangin.