Lulong sa Alak ang Lalaki, Kakaiba ang Diskarte ng Misis Niya para Mapatino Siya

Pumapasok sa isang opisina sa Makati si Lamberto. Mayroon siyang dalawang anak, apat na taong gulang ang panganay na si Jaden at dalawang taong gulang naman ang bunso, si Kara. Ang misis niyang si Jean ang nagbabantay sa mga ito.

Maayos naman ang samahan ng mag-asawa, nagkaroon lang ng problema nang magsimulang malulong si Lamberto sa alak. Noong una, pa-oka-okasyon lang. Hanggang naging madalas na, hanggang naaapektuhan na ang pagsasama nila dahil nagagalit ito kapag hindi niya pinapayagan.

Lahat na yata ng bar sa Makati ay naikot na ni Lamberto. Minsan nga, dumarayo pa siya sa malayo para lang makainom.

Ang dating haligi ng tahanan na maagang umuwi dahil excited makalaro ang mga anak, inaabot na ng madaling araw ngayon. Halos lupaypay na kapag inihatid ng barkada sa pinto ng bahay nila. Walang magawa ang misis niya, hinahabaan ng babae ang pasensya alang alang sa mga anak.

“Mars! Hik! Mareng Jean, tao..yoohoo!” kalampag ni Randolph, kumpare ng mag-asawa.

Pupungas-pungas na bumangon si Jean, pagtingin niya sa orasan sa dingding ay mag-aalas tres na ng madaling araw.

“Ano ba ang epekto? Kung meron kang depekto? Wala..Wala namang..” naririnig niyang nagkakantahan pa ang lasing na magkumpare.

Pagbukas niya ng pinto ay tumambad ang mister niyang gulo-gulo ang damit, marumi ang polo nito na suot pa sa opisina at nakakalat ang laman ng bag.

Advertisement

“Hi mommy,” nakangiting sabi nito, lasing. Iirap sana siya pero nanlaki ang mata niya nang makita ang pasa sa gilid ng labi nito.

“Diyos ko Ambet! Napaano ka?!” nag-aalalang tanong niya.

“Wala to mommy. Hik! Napa-trouble lhang..” sinubukan nitong tumayo pero natumba ulit.

“Ano ka ba naman! Bakit naman kayo pumasok sa gulo, Diyos ko naman Ambet-“

“Hayaan mo na, ito naman s-si khumare. Maliit lhang hik! Maliit lang yhan..malayo sa bituka!”

Inalalayan nila ang mister hanggang makarating ito sa salas, kung saan sumuka ito ng pagkarami-rami at mag isa niyang nilinis.

“Sobra kana Lamberto, nasasayang ang buhay mo. Akala mo may mangyayari kapag ganito ka?” sermon ni Jean.

Kinabukasan ay hindi pa rin nadala si Lamberto, palibhasa ay hindi naman nagagalit ang misis niya. Pagsasabihan lang siya nito tapos ay wala na. Kaya nang yayain siya ng kumpare na mag-inom, go kaagad siya!

Advertisement

“Pare, kuha tayong chicks.” sabi ni Randolph.

“Pass ako dyan pre, alak lang ang trip ko. Pag chicks na, si misis lang. Walang iba!” lasing nang sabi niya. Mabilis umandar ang oras at di niya namamalayang alas onse na ng hatinggabi.

Sa tingin ni Lamberto ay kaya niya pa naman kaya hindi na siya nagpahatid pa sa kaibigan. Nag-drive na siyang mag isa pauwi. Dahil sa kalasingan ay sa kabilang linya siya ng kalsada nagmaneho, kung saan nakasalubong niya ang isa pang kotse.

Sumunod noon ay ang malakas na galabog, salpukan ng dalawang sasakyan.

Dahan-dahang idinilat ni Lamberto ang kanyang mga mata, nasilaw pa siya sa sobrang liwanag. Tinignan niya ang mga swerong nakakabit sa kamay, noon niya lang naalala na nabangga nga pala siya.

Walang nagbabantay sa kanya, kaya pinindot niya ang button sa gilid upang tumawag ng nurse. Ilang sandali pa ay isang lalaking nurse ang pumasok sa kanyang silid.

“Gising na po kayo!” gulat na gulat na sabi nito.

“O-Oo nurse. Pwede mo bang..pakitawagan ang misis ko. Pakisabi mo na narito ako, hinihintay ako noong umuwi eh.” kinapa niya ang cellphone sa bulsa pero wala roon. “Nasaan ang phone ko?”

Advertisement

Malungkot na nakatitig ang nurse sa kanya.

“Ano ba ang nangyayari? Nanakawan ako? Anak ng putakte, hindi naman latest ang model ng phone ko,nanakawin pa! Sige, eto nalang ang number namin sa bahay paki-abisuhan mo ang asawa ko.”

“S-Sir, tumigil na po sa pagdalaw ang misis ninyo 5 years ago,”

“Ha? Anong 5 years ago? Ano’ng pinagsasabi mo?!” gulat na gulat na wika niya. Kagabi lang siya nabangga!

“8 years na po ang nakalipas nang mabangga po kayo, na-comatose kayo sir. Ako po ang personal nurse na kinuha ng kapatid ninyo sa States, mula nang hindi na dumalaw ang misis ninyo.”

“B-bakit? Bakit hindi na siya dumalaw?” biglang bumalatay ang sakit sa kanyang mukha, iniwan na siya ni Jean? Sumuko na ito..

“Ang rinig ko po sa kapatid ninyo, nakakilala na raw po ng iba. Responsible raw po at hindi naglalasing. Ang alam ko rin po, isinama niya na yung mga anak ninyo sa Amerika.”

Hindi siya makasagot, ang sakit-sakit. Kasalanan niya.

Advertisement

“A-Ang magulang ko? Ang mommy at daddy?”

“Wala na po sila Sir..” nakatungong sabi nito.

“Oh my God no! Ang pamilya ko! No! Diyos ko patawarin mo ako, patawarin mo ako sa lahat lahat..” palahaw niya ng iyak. Kung hindi lang siya naging pabaya, kung hindi siya nalulong sa alak sana ay nakasama niya pa ang mga ito. Ngayon ay ano pa ang silbi ng buhay niya?

Hindi niya masisisi si Jean kung nagsawa na ito sa kanya. Karapatan din naman nitong lumigaya sa piling ng ibang lalaki, masakit man para sa kanya, hindi siya naging mabuting asawa rito. Sinamantala niya ang kabaitan ng misis.

Hilam na hilam siya ng luha nang biglang bumukas ang pinto. Halos mapasigaw siya.

Naroon ang buong pamilya niya! Ang nanay at tatay niya, si Jean at ang dalawa niyang anak! At hindi lumaki ang mga ito, apat na taon pa rin si Jaden, dalawang taon pa rin si Kara.

“Salamat,” nakangiting sabi ni Jean sa nurse. Tumango naman ang lalaki at lumabas na.

Humarap sa kanya si Jean, “Sana na-realize mo. Pasensya kana kung kinailangan pa naming magsinungaling, wala na akong maisip na paraan para matauhan ka. B-buti ay hindi ka napuruhan kagabi, kundi paano na kaming lahat? Naisip mo ba iyon?” lumuluhang sabi nito nang makalapit sa kanya.

Advertisement

Hindi siya galit, sa halip ay nagpapasalamat siya dahil tila inuntog siya ng misis sa katotohanan. Niyakap niya ito.

Pinakiusapan lang ni Jean ang nurse na magsinungaling. Hindi talaga totoong na-comatose siya, kagabi lang ang pagkabangga niya. Gusto lang nito na maisip niya ang pakiramdam pag nawala na ang pamilya niya dahil sa pagsasayang niya ng buhay sa alak.

“Salamat, at patawad sa lahat. Magbabago na ako.”

Pinanindigan iyon ni Lamberto, kahit na anong yaya ng kaibigan ay di na siya sumasama pa. Palaging nakatatak sa isip niya kung ano ang mahalaga at kung ano ang uunahin- ang kanyang pamilya.

Ayos lang naman uminom paminsan-minsan. Pero laging tandaan na lahat ng sobra ay masama.