Lisensya ng Pagpapatawad

Kasabay ng paglipad ng mga pulang lobo ay isinama na rin ni Juliet ang lahat ng kaniyang paghihinila at sama ng loob kay Dennis. Alam niya na bagong buhay na ang kanilang kakaharapin lalo na’t nagsumpaan na sila ngayon sa altar na magsasama sa hirap at ginhawa bilang mag-asawa.

“Congrats sa inyo ni Dennis! Alam kong tama ang naging desisyon mo, Juliet. Alam kong ikaw ang magiging gamot sa anak ko at sa lahi namin,” wika ni Aling Gina, ang nanay ng lalaki.

“Sa tingin niyo po ba hindi siya magiging kagaya ni papa? Sa tingin niyo po ba hindi ako magiging kagaya niyo?” tanong ng babae sa kaniyang biyenan.

“Walang mali kung maging kagaya mo ako dahil para sa akin ay ginawa ko lang kung ano ang dapat at kailangan para manatiling reyna sa bahay namin. Kung magiging kagaya mo man ako sana ganun din ang gawin mo,” sagot sa kaniya ng babae.

Hindi na sumagot pa si Juliet at nagtitigan na lamang sila ng kaniyang biyenan.

Halos sampung taon ng magkasintahan noon si Juliet at Dennis at sa panahon ding iyon ay hindi na mabilang pa ng babae kung ilang beses siyang niloko ni Dennis. Ilang babae ang sinugod niya at ilang luha rin ang kaniyang pinuhunan bago siya tuluyang yayain ng kasal nito. Kilalang babaero ang lalaki. Nagmana nga raw ito sa kaniyang ama na sobrang daming anak sa labas.

“Babe, I promise ikaw lang ang magiging misis ng buhay ko. Alam kong naging napakatarantado ko sa loob ng sampung taon pero hindi mo ako iniwan. Hindi mo ako sinukuan kaya hayaan mo naman ngayon na suklian ko ang lahat ng iyon. Mamahalin kita, ikaw lang at wala ng iba,” pahayag ni Dennis sa kaniya habang nagsasayaw sila sa unang pagkakataon bilang mag-asawa.

“Panghahawakan ko iyan, Dennis,” sagot ni Juliet sa lalaki at tsaka pumatak ang luha sa kaniyang mga mata. Luha ng kasiyahan at pag-ibig.

Advertisement

Mahal na mahal ni Juliet ang kaniyang asawa at kahit na ilang beses na siyang hinamak ng maraming tao dahil hindi naman daw siya seseryosohin nito ay idinaan na lamang niya sa panalangin ang lahat. Si Dennis kasi ang kaniyang first love at hindi na nga nagkaroon pa ng ibang lalaki sa kaniyang buhay.

Lumipas ang isang taon at naging maayos ang lahat sa kanila bilang mag-asawa. Unang taon na punong-puno ng saya, tawanan at puro pagmamahalan lamang.

“Sabi ko naman sa’yo magtitino iyang anak ko. Isa kang mabuting misis kaya naman biniyayaan ka na ngayon ng maayos na asawa,” saad ni Aling Gina sa kaniya habang naghahanda sila ng pagkain ngayong kaarawan ni Dennis.

“Sana nga, ma, magtuloy-tuloy na. Naniniwala akong malakas ako kay Lord,” nakangiting sagot ni Juliet sa kaniyang biyenan.

“Anak, mukhang sumasama ka na talaga sa liwanag, ah. Masarap bang magbagong buhay?” tanong ni Mang Delfin, ang tatay ni Dennis. “Alam mo, pa, nasa style lang iyan para hindi ka mahuli. Dapat kasi hindi ka nagkukulang sa kanila para hindi nila isipin na may babae ka,” sagot naman ng lalaki.

“P*tangina, may babae ka?” mahinang bulong ni Mang Delfin. “Aba siyempre naman. Nasa dugo natin ang maging habulin ng babae. Sa katunayan nga niyan ay pupunta siya dito mamaya. Makikita mo. Mas maganda pa siya kay Juliet at mas sariwa!” tumatawang sagot ng lalaki.

Hindi na sumagot pa ang kaniyang ama at sabay itong nagtawanan.

Dumating na nga ang bagong babae ni Dennis na si Amelia. Halos nasa 25 anyos lamang ito at dalaga pa. Napakaganda at pinagtitinginan nga ito ng mga bisita ni Dennis.

Advertisement

“Babe, this is Amelia, katrabaho ko. Amelia, siya nga pala si Juliet ang asawa ko,” pakilala ni Dennis sa dalawang babae.

Inabot naman ni Juliet ang kamay ng babae at nakipagbeso dito. May kung anong kabang naramdaman si Juliet sa presensya ng babae ngunit mas nanaig ang tiwala niya sa kaniyang asawa.

“Kung babae niya iyon hindi niya dadalhin dito. Manalig ka lang, Juliet. Walang babae ang asawa mo,” paulit-ulit na binubulong ng babae sa kaniyang sarili.

Nagkainan na ang mga bisita at nagkwekwentuhan. Inilibot niya ang kaniyang paningin tsaka niya napagtantong wala si Dennis at si Amelia. Mabilis na kumabog ang kaniyang puso. Inikot niya ang bahay. Hindi siya nagpahalata sa mga magulang ng kaniyang asawa.

At nakita na nga niya ang pinakamasakit na pwedeng makita ng isang misis sa mismong bahay niya. Naghahalikan si Dennis at si Amelia sa likod ng kanilang bahay.

“Wow, happy birthday sa’yo, mahal kong asawa!” wika niya sa dalawa.

Mabilis na tumakbo palayo si Amelia at naiwan si Dennis doon. Nakayuko at hinahawakan ang kaniyang batok. Hindi makatingin sa kaniyang misis na ngayon ay nanginginig na ang mga kamay sa galit.

“Sa bahay pa talaga natin! Talagang dito mo naisipang gawin ‘yung pambababae mo?” nanginginig ang boses ni Juliet ngunit pinipigilan niya ang kaniyang sarili.

Advertisement

“Sorry, babe. Inakit niya kasi ako. Alam mo naman na mahina ako sa mga ganung chicks, ‘di ba? Patawarin mo na ako birthday ko naman, e,” sagot ni Dennis sa kaniya.

“Kailan pa? Kailan mo pa ako niloloko?” tanong muli ng babae.

“Wala. Ngayon lang ‘yun. Halika na. Pumasok na tayo sa loob at kalimutan mo na iyon,” baling naman ni Dennis dito sabay haplos sa kaniyang asawa.

“Maghiwalay na tayo,” matigas na sabi ni Juliet dito.

“Parang t*nga ‘to. Nag-sorry na nga ako may ganyan ka pang drama. Para namang hindi ka na nasanay sa akin. Buti nga halikan lang ‘yung nahuli mo. Tsaka isa pa, hindi mo na kailangang mag-inarte ng ganyan dahil mag-asawa naman na tayo. Sa’yong-sa’yo lang ako kahit saan tignan,” wika ni Dennis sa kaniyang misis.

Mabilis na nasampal ni Juliet ang kaniyang mister. Sa ilang beses na panlolokong ginawa nito ay ngayon lamang siya nagkaroon ng lakas ng loob upang sampalin ng pagkalakas-lakas ang lalaki.

“Masakit!” sigaw ni Dennis.

“Mas masakit ‘yung nararamdaman ko! Mas masakit lahat ng ginawa mo at ginagawa mo! Ano bang tingin mo sa akin, display mo lang? Misis na hindi magagalit kahit na nahuli ko sa akto ‘yung asawa ko mismo na kumakalantari ng iba? Wow, Dennis, iba ka!”

Advertisement

“Ano ba sa tingin mo ‘yung sorry mo? Lisensya? Para paulit-ulit mo akong lokohin tapos dapat tangapin kita ulit. Akala ko ba ako lang?” at tuluyang bumagsak ang luha ni Juliet.

“Akala ko ba nagbago ka na! Akala ko ba kaya tayo nagpakasal dahil gusto mo ng lumagay sa tahimik! Pero bakit ganito? Bakit sa bahay pa natin mismo?” dagdag pa ng babae.

“Alam mo galit ka lang. Lilipas din ‘yan bukas. Tara na sa kwarto,” yaya ng lalaki.

“Tama na! Tama na ‘yung labing isang taon ko sa’yo. Itigil na natin ito,” wika pa ni Juliet sa kaniyang mister.

“Ano ba yan? Ang drama mo naman. ‘Yung mama ko nga tiniis si papa para lang buo pa rin ang pamilya tapos ikaw may ganyan-ganyan. Nakakaumay ka!” sabat ni Dennis at umalis ito.

Doon nahimasmasan si Juliet. Na napakababa na pala ng tingin sa kaniya ng asawa. Hindi nito akalain na ganung klaseng babae pala ang inaasahan nitong pinakasalan, ‘yung babaeng pwede niyang lokohin ng paulit-ulit.

Dumaan ang linggo at ilang buwan. Hindi na muling nagpakita si Juliet sa kaniyang asawa. Umalis ito at bumalik sa kaniyang mga magulang.

“Anak, kausapin mo na si Juliet. Halos tatlong buwan na rin kayong hindi nagkakaayos,” pahayag ni Aling Gina.

Advertisement

“Naku, uuwi iyon dito kapag humupa na ang galit niya sa akin. Hindi ko siya kailangang amuhin dahil alam naman niyang babaero ako una pa lang,” sagot naman ni Dennis.

“Oo nga, e, babaero ka pero pinakasalan pa rin kita at iyon na yata ang pinakamalaking pagkakamali na ginawa ko sa buong buhay ko. ‘Yung sinayang ko ‘yung pagkatao ko sa’yo,” wika ni Juliet na kakapasok lamang sa kanilang bahay.

“Tignan mo! Nandito na ang maganda kong asawa. For sure hindi na ito galit. ‘Di ba, babe?” sabi ni Dennis sa kaniyang misis at aakma pa sana siyang yakapin ito ngunit sinampal agad ni Juliet ang lalaki.

“Kulang pa iyan para sa lahat ng sakit na pinadanas mo sa akin. Huwag kang mag-alala. Hindi ka na matatali ngayon dahil nag-file na ako ng annulment. Pirmahan mo nang lumaya ka na at makapangbabae pa!” madiing pahayag ni Juliet dito.

Hindi naman nakasabat ang kaniyang biyenan na nakatitig lamang sa kanilang dalawa.

“Gusto mo ng hiwalayan? Ibibigay ko sa’yo! Ikaw naman itong nagkandarapa sa akin dati pa at kaya lang din naman kita pinakasalan dahil alam kong p*tay na p*tay ka sa’kin,” sagot naman ng lalaki at mabilis na pinirmahan ang papeles.

“Ma, pasensya ka na. Hindi ko kayang maging katulad mo dahil walang babaeng ginawa ang Diyos para saktan at babuyin lamang ng kanilang mga asawa. Walang sino man ang may gustong niloloko sila,” baling ni Juliet sa kaniyang biyenan at tsaka ito umalis.

Napaluha na lamang ang ale at umiyak sa sulok. Namuhay ng mag-isa si Juliet. Ngayon ay nag-aaral siyang muli para sa kaniyang masteral. Balak niyang maging propesor at kung may darating mang lalaki na magmamahal sa kaniya ay sisiguraduhin niyang hindi na siya sasaktan.

Advertisement

Sa kabilang banda naman ay nabalitaang nagkaroon ng malubhang sakit si Dennis ng dahil sa pakikipagsiping kung kani-kanino. Ngayon ay pinagsisisihan na niya ang lahat ng maling nagawa.