Isang Babae ang Nadisgrasya ng Lalaking may Asawa; Pinanindigan Pa Rin Niya ang Pagiging Kabit

Isang Babae ang Nadisgrasya ng Lalaking may Asawa; Pinanindigan Pa Rin Niya ang Pagiging Kabit

FamilyHeartbreakingStories

Sa muling pagtatagpo ng magkasintahang sina Bea at Tom sa kanilang date ay ipinaalam ng dalaga ang kaniyang kalagayan sa kasintahan.

“Babe, nagpatingin na ko sa doktor. Confirmed na buntis ako,” pahayag ni Bea.

Bahagyang nagulat si Tom sa ibinalita ni Bea ngunit bandang huli ay nginitian niya ang kasintahan.

Nung umpisa ay alagang-alaga pa si Bea ng kaniyang nobyo. Sinasamahan siya ni Tom sa bawat check up at binibilihan ng mga bitaminang hinahatol ng kaniyang doktor. Ngunit bandang huli ay unti-unti na siya nitong pinabayaan hanggang sa nadiskubre niyang pamilyado na pala ang kasintahan.

“I’m sorry, Bea. Hindi ko sinasadya. Hihiwalayan ko na talaga dapat ‘yung asawa ko, kaso nagkaproblema naman sa anak namin. Pangako, kukuha lang uli ako ng tamang tiyempo para mahiwalayan siya,” pahayag ni Tom.

Nanlumo si Bea sa kaniyang kinahinatnan. 

Alam niyang mali ang nangyari at ayaw niyang makasira ng pamilya. Ayaw niya ring maging kabit kaya sinubukan niyang hiwalayan si Tom. Ngunit hindi siya nakatagal sapagkat malalim na ang naging pagmamahal niya para rito at hindi ganun kadali para sa kaniya na basta na lang itong kalimutan lalo na at dinadala niya sa kaniyang sinapupunan ang kanilang anak.

Dahil dito at dahil sa ayaw niyang tanggalan ng karapatan na magka-ama ang kaniyang anak ay hindi niya tuluyang nagawang makipagkalas kay Tom. Nagpatuloy ang kanilang relasyon at nagsimula ang kalbaryo ni Bea bilang isang kabit.

Sa araw ng panganganak ni Bea sa kanilang anak ay hindi siya nagawang dalhin at samahan ni Tom sa ospital sapagkat hindi niya matakasan ang kaniyang unang pamilya. Kaya naman ang natawagan na lamang niya upang mahingan ng tulong ay ang matalik niyang kaibigan.

Nakalabas na sa ospital ang mag-ina nang madalaw sila ni Tom.

“Nagpakita ka pa! Pagkatapos mo kong lokohin, hindi mo man lang akong nagawang damayan sa ospital?!” sigaw ni Bea.

“Bea, sorry na. Pinilit ko naman talagang makapunta. Kaso alam mo naman ‘yung sitwasyon ko, ‘di ba?” ang sabi ni Tom.

Magagalit na sana ng tuluyan si Bea nang biglang napukaw ang atensiyon ni Tom sa kanilang anak.

“Siya na ba ‘ung baby natin?” tanong ni Tom.

‘Di niya na hinintay pa ang sagot ni Bea. Agad niyang kinarga ang sanggol at kinausap ito bilang ama nang buong galak.

Biglang natunaw ang galit sa puso ni Bea sa kaniyang nasaksihan. Muli siyang umasa na mabubuo pa ang kanilang pamilya.

Lumipas ang ilang taon ngunit wala pa ring nagbago sa kanilang lihim na relasyon. Nanatiling patago ang kanilang pagkikita at pati na rin ang pagpapasyal nila sa kanilang anak. Kahit na habang tumatagal ay mas naging madalang ang pagdalaw at pagtawag ni Tom sa kanila ay hindi pa rin sila maaaring maunang magpakita at tumawag sa kaniya.

Nang dahil dito ay parating nakaabang si Bea sa tawag ni Tom. Sa tuwing tutunog ang kaniyang selpon ay agad niyang itinitigil ang kaniyang ginagawa upang sagutin ang tawag ni Tom at sulitin ang kakarampot na oras na inilalaan sa kaniya ng kasintahan.

“Sa wakas! Buti nakatawag ka na. Sa tagal mong hindi tumatawag akala ko kung ano na ang nangyari sayo,” bungad ni Bea sa tawag ni Tom.

“Ayos lang naman ako. Naging busy lang,” tugon ni Tom.

“Parati na lang ba tayong ganito? Kung hindi ka pa tatawag, hindi ko pa malalaman kung okay ka pa ba o hindi,” ang sabi ni Bea bago manahimik ng bahagya at muling magsalita:

“Ano ba talagang plano mo sa’min ng anak mo? Hanggang kailan mo ba talaga kami pag-aantayin?”

“Alam mo namang hindi ganun kadali ‘yun,” sagot ni Tom.

“O sige na. Kailangan ko nang bumalik sa opisina,” dagdag pa niya bago tuluyang putulin ang tawag.

Ikinaasar ‘to ni Bea sapagkat alam niyang umiiwas lang uli sa usaping ito si Tom. Ngunit kahit na ganun ay pinili niyang muling magtiis sa kanilang sitwasyon para sa kanilang anak na minahal na rin ang kaniyang ama.

‘Di nagtagal ay hinahanap-hanap na rin ng kanilang anak na si Tim ang kaniyang ama. Ilang ulit siyang inasahang makasama ng anak sa iba’t-ibang mga okasyon gaya ng pasko, bagong taon, moving up ceremony sa eskwelahan at lalo na sa mismo niyang kaarawan ngunit hindi siya sinipot ni Tom. Sa dami ng beses na siya ay umasa ay paulit-ulit siyang binigo ng ama.

Labis na nasaktan si Bea sa tuwing nakikita niyang nabibigo at nasasaktan ang kaniyang anak nang dahil kay Tom. Akala niya ay magiging masaya ang kaniyang anak kung makikilala at paminsan-minsang makakasama nito ang kaniyang ama habang nag-aantay na mabuo ang kanilang pamilya. Ngunit nagkamali siya. Kagaya niya ay umasa lang ang anak niya at lalong nasaktan.

Nang dahil dito ay napagdesisyunan ni Bea na tuluyang kumalas kay Tom. Ito ay sinang-ayunan ni Tim. Sa sama ng loob niya para sa ama ay hindi niya na ginusto pang makita ito kaya tuluyang naputol ang ugnayan nila kay Tom.

‘Di nagtagal ay nabalitaan nila mula sa kanilang kakilala na mag-isa nang nabubuhay si Tom matapos siyang iwan ng kaniyang pamilya nang mahuli siya ng kaniyang misis na mayroong ibang babae. Matapang din siyang iniwan ng bago niyang babae kahit na may anak sila nang malamang siya ay pamilyado na pala.

Doon napatunayan ni Bea na tama ang naging desisyon nilang mag-ina na putulin ang kahit na anong ugnayan kay Tom dahil sadyang manloloko ito at pinapaasa lang sila noon pa man.

More Stories