Kahit na Tutol ang Ina ay Pinakasalan Pa Rin ng Binata ang Kasintahan, Labis ang Pagsisisi Niya Nang Hindi Siya Nakinig Dito

Isang matagumpay na abogado si James. Sa unang tingin, aakalain mong babaero, maloko sa mga kababaihan, at mayabang dahil sa gandang lalaki na taglay nito. Matangkad, may magandang pangangatawan, at pananamit na nagsasabing isa siyang kagalang-galang na abogado. Ngunit para sa kanyang pamilya, isang napaka-buting anak, malapit sa Diyos, magalang sa mga kababaihan, at mapagkumbaba sa kabila ng lahat ng tagumpay niya sa buhay.

Sa edad na 33 ay marami nang naipundar ang binata. Nakabili na ito ng isang mansyon para sa kaniyang pamilya, isang condo unit para sa kanyang sarili, at isang beach house na kanilang pinupuntahan kapag magbabakasyon. Bukod dito, malaki na rin ang naiipon niya para sa kanyang sarili.

Pauwi sa kanyang condo si James habang minamaneho ang bagong sasakyan na kanyang nabili matapos niyang maipanalo ang isang malaking kaso, nang makatanggap siya ng tawag mula sa kanyang ina.

“James! Kumusta na, anak? 40th wedding anniversary namin ng daddy mo bukas. Sana makapunta ka. Alam kong abala ka, pero bukas aasahan ka namin. Miss na miss na kita, anak!”

“Ano ka ba, Ma? Pwede bang hindi ako pumunta? Kahit pa gaano karami ang gawain ko, ‘di ako mawawalan ng oras para sa inyo.”

Kinabukasan, dumiretso na agad si James sa isang sikat na hotel para sa 40th Wedding Anniversary ng kanyang mga magulang. Napakaraming bisita, mga kaibigan at kamag-anak ng kanilang pamilya. Ngunit wala siyang ibang narinig kung hindi ang mga tanong tungkol sa kaniyang pag-aasawa.

“O, James! Wala ka pa ring asawa?”

“James! Kailan mo bibigyan ng apo ang mommy at daddy mo?”

Advertisement

“Hijo, kailan ka may ipapakilalang babae sa’min? Wag puro trabaho!”

Kaya napaisip din siya na baka nga panahon nang magsimula ng sariling pamilya.

Dumating ang isang araw na nakilala niya si Therese. Ipinakilala ito sa kanya ni Phillip, ang kanyang matalik na kaibigan noong siya ay bata pa lamang. Isang napakagandang babae na kasamahan ni Phillip sa insurance company na kanyang pinagtatrabahuhan. Unang pag-uusap pa lamang, nabighani na agad si James sa magandang dalaga. At dahil sa natural na karisma ni James, napahulog niya agad ang loob ni Therese.

Wala pang isang taong magkasintahan ang dalawa, agad na nilang napagdesisyunang magpakasal.

Pumunta si James sa kanilang mansyon upang magsabi sa kanyang mga magulang na siya ay magpapakasal na. Nagulat siya sa reaksyon ng kanyang ina.

“Ha? Nahihibang ka na ba? Isang taon pa lang James. Anak, kilala mo na bang lubos ang babaeng iyon? Hindi palagay ang loob ko sa kaniya. Sigurado ka na ba d’yan? Baka naman akala mo ay minamadali ka namin?”

“Mommy? Magtiwala ka sa akin. Mahal namin ang isa’t-isa.”

“Anak, sa totoo lang ay hindi ako boto sa nobya mo. Alam mo ba na ang kutob ng mga ina ay madalas na tama? Pero dahil mahal kita, gusto kong maging masaya ka. Kaya sige, pumapayag na ako. Basta ‘wag na ‘wag mong pababayaan ang sarili mo.”

Advertisement

Tumango lamang si James, sabay ngiti at yakap sa ina.

“Salamat, mommy. I love you!”

Dumating na ang araw ng kasal. Alinsunod sa hiling ni Therese, ito ay isang engrande at malaking kasal sa tabing-dagat.

Habang nagbibihis si James at naghahanda para sa kanyang kasal, biglang pumasok ng kuwarto si Phillip na may dalang mga papeles.

“Tol! Congrats! Eto na ‘yon! Kumusta? Kinakabahan ka ba?” sabi ni Phillip habang nakangiti at niyakap si James.

“Salamat! Buti nakarating ka, ang sabi sa akin na-ospital daw ang Mama mo?” tanong ni James.

“Binabantayan naman siya ni papa dun. At isa pa, pwede bang mawala ang Best Man sa kasal? Siyempre hindi! Nga pala, eto na ang regalo ko sa’yo.” wika ni Phillip at saka iniabot kay James ang mga papeles na kanyang hawak.

“Insurance ‘yan. Bayad na ‘yan. Kung sakali lang tol, na may mangyaring masama sa kung sino man sa inyong dalawa ni Therese, malaking pera ang makukuha ninyo. Pero siyempre ‘wag naman sana,” sabi ni Phillip kay James habang inaabot ang ballpen na gagamitin sa pagpirma.

Advertisement

“Salamat tol! Pero siyempre sana hindi namin ito magamit,” sagot ng tumatawang si James habang pinipirmahan ang insurance form.

Natapos ang seremonya at opisyal nang mag-asawa si James at Therese. Nag-uwian na ang mga bisita, at ang ilang mga kamag-anak at kaibigan ng kani-kanilang pamilya ay nagcheck-in na sa kani-kanilang kuwarto upang makapagpahinga. Lumapit ang ina ni James sa kaniya at bumulong.

“James, gusto ko sana lalaking apo ha!” sabay tawa at yakap sa kanyang anak, nang biglang napatigil nang makita ang naka-ngising mukha ni Therese. Binalewala ito ng ina ni James at nagpaalam na. Walang ideya ang ina ni James sa mga pangyayaring gigimbal sa kanila kinabukasan.

“Mommy! Si James po nawawala! Sabi niya sakin kaninang umaga lalangoy lang daw siya sa dagat. Pero ‘di pa po siya bumabalik simula kaninang umaga,” aambit ni Therese na tila may pagpapanggap sa boses.

Natulala ang ina ni James, sa takot na baka kung ano na ang nangyari sa kanyang anak. Nang marinig ito ng pamilya ni James, agad silang nagreport sa pulis. At nagsimula ang paghahanap kay James.

Ilang linggo ang dumaan, ngunit bigo ang pulisya sa paghahanap sa lalaki. Nag-uusap-usap ang lahat nang biglang nagsalita si Therese, na walang bakas ng lungkot sa mukha, at tila nakangiti pa.

“Patay na si James! Nakita raw ng mga pulis ang pitaka niya at shorts sa laot! Sa tingin nila, nalunod daw si James habang lumalangoy.”

Napaupo ang ina ni James sa lungkot at hinagpis. Hindi siya makapaniwala sa sinasabi ng mga pulis. Dahil kung patay na ang anak niya, nasaan ang mga labi nito upang mabigyan ng maayos na libing? Walang nakapagbigay ng sagot sa kanya.

Advertisement

Lumipas ang isang taon, at naisipang pumunta ng ina ni James sa condo unit ng kanyang anak. Habang pasakay ng kanyang sasakyan, ay biglang may lalaking humatak sa kanya at niyakap siya ng mahigpit. Sa una ay halos himatayin ang matanda sa nerbyos, ngunit nang maramdaman niya ang init ng yakap ng lalaki ay tila nawala ang lahat ng hinagpis na nadama niya nang mawala ang anak.

“Mommy! Buhay pa ako. Matagal akong nagtago dahil pinagplanuhan ko muna kung paano aayusin lahat ng ito. Si Therese… at si Phillip. Pinagkaisahan nila ako. Niyaya ako ni Therese noong umagang nawala ako para lumangoy sa dagat. Dinala niya ako sa liblib at tagong parte ng dagat sa pag-aakalang may surpresa siya sa akin. Ngunit pagdating ko doon, nandoon din si Phillip. May hawak na baril. Bago pa man ako makapagtanong sa kung ano ang nangyayari, binaril niya ako sa ulo. At sa pag-aakala nilang patay na ako, hinila nila akong dalawa papunta sa dagat upang lumubog at mawalan ng ebidensiya. Pinigilan kong gumalaw, mommy. Buti at dumaplis ang bala at hindi dumiretso sa ulo ko…” nakagigimbal na kwento ni James sa kanyang ina.

“Anak, ang mahalaga nandito ka na ulit. Gagawin natin ang lahat para makuha ang hustisya sa ginawa nila sa’yo!” nagyakapan ang mag-ina.

Sa isang taon na nawala si James, ginamit niya ang pagiging abogado niya at ang mga koneksyon niya upang malaman ang katotohanan. Matagal na palang magkasintahan si Therese at Phillip, at napag-isipang linlangin si James upang makuha ang P100,000,000.00 na insurance money pag naisagawa lahat ng plano.

Mapayapang kumakain sa isang 5-star hotel si Therese at Phillip nang biglang pumasok ang mga pulis. Agad silang nilagyan ng posas at pinakitaan ng Warrant of Arrest para sa salang Frustrated Murder at Insurance Fraud. Kinabukasan, dinala agad ang dalawa sa korte. Pagpasok nila, namutla ang kanilang mga mukha nang makita si James na nakangiti at nakatitig sa kanilang dalawa. Halos mabaliw ang dalawa sa pag-iisip kung tunay ba o hindi ang nakikita nila. Natapos ang araw na hinatulan silang guilty sa lahat ng paratang sa kanila, at hinatulan ng panghabambuhay na pagkakabilanggo.

Naisip ni James na kaunting daplis lang pala ng bala ni Phillip noon ay di sana siya nabigyan ng pangalawang pagkakataon at pangalawang buhay. Kaya’t ngayon, ipinangako na niya sa kanyang sarili at sa kanyang ina na kikilalanin muna ng maigi ang susunod niyang magiging kasintahan.

At habang nabubulok ang dalawa sa kulungan, ipagpapatuloy ni James ang kanyang matagumpay na buhay na may bagong pananaw sa buhay.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

Advertisement

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!