Patapon na ang Buhay ng Lalaki, Hanggang sa Makarating Siya sa Isang Lugar na Babago sa Kanyang Buhay

Kilala si Jayme sa kanilang barangay na gumagamit ng bawal na gamot, sugarol at basagulero. Sa edad na dalawapu’t isa ay tila wala nang patutunguhan ang kanyang buhay.

Laman siya ng mga kalsada kung saan may inuman at sugalan. Aalis siya sa bahay na matino at uuwi na puro pasa ang mukha.

Halos nawawalan na ng pag-asa ang kanyang ina at kapatid na siya’y magbabago pa. Wala na siyang pinapakinggan at wala na din kinatatakutan sapagkat lumaki siya ng walang amang gumagabay.

Isang gabi ay pinatawag ang ina ni Jayme sa presinto upang humarap sa kanyang ginawa. Lutang na lutang at kitang-kita na luto ang utak ng anak sa bawal na gamot. Lumabas daw ng hubo’t hubad si Jayme at doon sa kalsada nagsimula ng gulo.

Kung sinu-sinong babae ang hinaharang niya at binabastos. Kadalasan ay inuupakan siya ng suntok ng kasintahan o kapatid na lalaki ng kanyang mga binastos. Minabuti muna ng pulisya na ikulong muna si Jayme sa loob ng bente kwatro oras sa bumalik siya sa katinuan.

Pagkatapos makalabas ng presinto, ay bumalik na naman siya sa dating gawi. Kasama siya ng iba pang mga tamabay na lumaklak ng alak sa isang sulok ng kalsada.

Mabuting na lamang at bago pa siya tuluyang mawala sa ulirat ay agad siyang natagpuan ng kanyang ina at kuya upang maiuwi sa kanilang tahanan.

“Wala ka na ba talagang ibang alam kundi sunugin iyang atay mo, Jayme?” Galit na tanong ng kuya niya. “Ano magsisira ka na lang ba ng buhay mo ha?”

Advertisement

Nakatingin lamang si Jayme na tila ba ay hindi naiintindihan ang mga sinasabi nito.

“Laman ka ng sugalan, araw-araw ka pang nasa inuman, at gumagamit ka pa ng ipinagbabawal na gamot! Wala na nga tayong ama, gusto mo pa ba na sumunod ang nanay natin dahil sa problemang ibinibigay mo!?” Galit na galit na ang kanyang kuya at tila ba ay sasabog na ng tuluyan.

“Tama na yan Mateo. Bukas mo na kausapin ang kapatid pag nahimasmasan na.” Malumanay na pakiusap ng kanilang ina.

“O eh bakit ba? Buhay ko ito. Anong pakialam ninyo?” Pagsabat naman ni Jayme.

“Hindi ka na ba talaga natatakot sa batas, Jayme? Hindi ka na ba natatakot sa Diyos?” Muling tanong ng kuya niya na ngayon ay nauubusan na ng pasensya.

“Diyos? Anong Diyos ang sinasabi mo? Kung may Diyos eh di sana hindi tayo naghihirap ng ganito, di ba? Eh di sana hindi niya kinuha ang tatay natin ng sobrang aga. Wala iyang Diyos niyo. Wala siyang alam kundi ang magpahirap!” Papangtuwiran nito sa kanyang kuya.

Namumula na sa galit ngayon si Mateo sa kanyang mga narinig. Hinila nito ang kapatid sa kwelyo at tsaka sinigawan, “Kilabutan ka sa mga sinasabi mo Jayme! Wala kang direksyon dahil wala ang Diyos sa puso mo!”

“Wala kang kwenta! Katulad ng Diyos na sinasabi mo!” tinanggal niya ang pagkakakapit ng kanyang kuya at pagalit na pumasok sa kanilang kwarto.

Advertisement

Kinaumagahan ay nagising si Jayme sa ingay ng mga tao sa paligid niya. Iniikot niya ang kanyang mata at tila ba naguluhan sa nakikita. Palibhasa ay lasing na lasing siya kaya hindi niya na namalayan kung saan siya nakarating.

Kinusot niya ang kanyang at upang makasiguro na siya’y hindi naaalimpungatan. Ang alam niya ay natulog sa kanyang kwarto, ngunit bakit pagkagising niya ay nasa loob siya ng simbahan?

“Maupo ka na kuya. Magsisimula na po tayo maya-maya lamang.” Bati sa kanyang ng balingkinitang babae.

“Anong ginagawa ko dito? Bakit ako nandito?” Naguguluhang tanong niya.

“Araw ng Linggo po ngayon, araw ng pagsamba kaya naririto po kayo ngayon.” Nakangiting tugon naman sa kanya ng dalaga.

Tinignan niya ang kanyang kasuotan, nakapambahay lamang siya. Hindi niya malaman kung saan ba siya mahihiya, sa kanyang suot o sa magandang babae na nasa harap niya?

Akmang aalis na siya ng marinig niya ang boses ng isang lalaki na nanggaling sa speaker.

“Kapatid, magsisimula pa lamang tayo, aalis ka na kaagad?” Bati ng nakangiting lalaki na nakatayo ngayon sa harapan.

Advertisement

“Masusunog ako dito. Di ako bagay dito.” Seryosong sagot naman niya.

“Nandito ka dahil may plano ang Diyos sa buhay mo. Halika! Maupo ka dito at makinig kay pastor.” Muling pag-aaya ng lalaking may hawak ng mikropono.

Lalong nakaramdam ng hiya si Jayme dahil pinagtitinginan na siya ngayon ng mga tao. May kung anong nagtulak sa kanya upang umupo sa isang sulok at makinig. Napagtanto niya na ang lalaking tumawag sa kanyang atensyon ay ang Pastor pala ng bahay sambahang kinabibilangan niya ngayon.

Napalingon siya sa gawing kanan at doon niya natanaw ang kanyang Kuya Mateo na nakasuot ng polong asul at itim na slacks. Ngayon ay may ideya na siya kung paano siya nakarating sa simbahan.

“Wala naman akong natututunan dito. Boring.” Bulong niya sa kanyang sarili.

“Buksan mo lang ang iyong puso, hayaan mong tumagos dyan sa puso mo ang bawat salitang iyong maririnig.” Tugon muli ng dalaga na sa kanya pala’y kanina pa nakikinig. “Ako nga pala si Precilla. Anak ng pastor na nagtuturo ngayon.” Umupo naman ang dalaga sa bakanteng upuan sa kanyang tabi.

Tila naman umurong ang dila ni Jayme sa hiyang nararamdaman.

“Minsan hinahayaan ng Diyos na maligaw tayo ng landas, upang muli natin Siyang hanapin.” Salita ng pastor na pumukaw sa kanyang atensyon.

Advertisement

“Lahat ng nagnanais ng direksyon sa buhay ay kailangang magsimula sa Diyos na lumikha ng langit at lupa. Patuloy tayong magiging isang tupang ligaw kung wala ang Kanyang presensya sa ating buhay.” Tila ba patalim na tumusok ito sa kanyang puso.

Hindi niya malaman kung bakit ngunit siya’y tinatamaan sa mga naririnig. May kung anong pwersa ang nang=engganyo sa kanya at manatili at makinig sa kinauupuan.

Bago matapos ang masayang Sunday service ay isang verse mula sa Bibliya ang sa kanya’y tumatak.

“Kayo’y tunay na lalaya lamang kapag pinalaya kayo ng Anak. – Juan 8:36”

Bago umuwi ay muli siyang hinarang na Precilla at inabutan ng maliit na sulat. May kung anung kiliti ang kanyang naramdaman sa kanyang puso.

“Basahin mo na lang mamaya pag-uwi ha? Magkita-kita ulit tayo sa susunod na Linggo!” Nakangiting pagpapaalam ni Precilla sa kanya.

Paglabas ng simbahan ay agad siyang nilapitan ng kanyang kuya.

“May natutunan ka ba?” Nakangiting tanong nito sa nakababatang kapatid. Ngumiti lamang si Jayme at hindi na sumagot pa.

Advertisement

Habang naglalakas pauwi ay binuksan niya ang maliit na sulat galing kay Precilla,

“Kaya nga, hindi na hahatulang maparusahan ang mga taong nakipag-isa na kay Cristo Jesus. Wala na ako sa kapangyarihan ng kasalanan at kamatayan sapagkat pinalaya na ako ng Espiritung nagbibigay buhay sa pamamagitan ni Cristo Jesus. – Mga taga Roma 8:1-2”

Hindi pa niya natatapos ang binabasa nang siyang matapat sa mga tambay na nag-iinuman malapit sa bahay nila.

“Jayme, halika ka na tagay na!” Sigaw ng isa sa mga nasa inuman.

Ngunit tinignan muli ni Jayme ang sulat na ngayo’y nasa palad niya.

“Ginawa ng Diyos ang hindi kayang gawin ng Kautusan dahil sa likas na kahinaan ng tao. Isinugo niya ang kanyang sariling Anak sa anyo ng taong makasalanan upang pawiin ang kasalanan. Sa gayon, hinatulan na niya ang kasalanang umaalipin sa tao. Ginawa ito ng Diyos upang ang panuntunan ng Kautusan ay matupad na sa atin na namumuhay ayon sa Espiritu at hindi ng ayon sa hilig ng laman. Mga Taga-Roma 8:3-4.”

At sa unang pagkakataon, tumanggi si Jayme sa tukso ng alak.

“Pass na muna ako.” Nakangiting sagot nito na agad naman ikinagulat ng mga dating kainuman.

Advertisement

Hindi nakaramdam ng panghihinayang si Jayme sa pagkakataong makalibre ng inom, bagkus tila ba napakagaan ng kanyang pakiramdam, na parang siya ba ay malaya na.

Lumipas ang Lunes hanggang Sabado ngunit walang Jayme sa kalsada na nag-iinom o nagwawala. Hindi makapaniwala ang ina niya sa pagbabagong ito.

Ang walang respetong Jayme at basagulero ay unti-unting nababago. Pinagupitan niya ang kanyang humahaba nang buhok at inahit ang balbas at bigote.

Araw na muli ng Linggo. Nagisnan ni Mateo at ng kanilang ina na nakahanda na ang umagahan. Isang nakangiting Jayme ang sumalubong sa kanilang umaga.

Pinagmasdan siya ni Mateo at napangiti din sa hitsura ng kapatid.

“Hindi kita makilala ah.” Biro nito kay Jayme.

“Hiniram ko muna yung polo shirt mo kuya ah?” Natatawang tugon naman nito. Naka-polo shirt na puti si Jayme, itim na maong na pantalon at sapatos.

“Teka may regalo pala ako sa’yo.” Iniabot ng kuya niya ang isang paper bag. “Sana magustuhan mo.”

Advertisement

Isang malaking ngiti ang kumurba sa mga labi ni Jayme. “Bibliya. Salamat kuya.” Niyakap niya ito ng mahigpit.

“O kumain na tayo at baka mahuli tayo sa simba.” Pag-aalok ni Jayme ng mga pagkain sa lamesa.

Naluluha ang kanilang ina sa kanyang nakikita. Ang pangarap niya noon ay tila binigyan ng kasagutan.

Sama-samang nagtungo ang buong pamilya sa simbahan.

Agad naman silang sinalubong ni Precilla.

“Hindi kita nakilala ah?” Biro nito kay Jayme.

“Mas gumwapo ba?” Natatawang tugon naman nito. “Siya nga pala, salamat sa sulat na ibinigay mo sa akin nung nakaraan linggo.”

Tumango lamang ang dalaga at binigyan siya ng matamis na ngiti.

Advertisement

Inimbitahan ng pastor ang mga miyembro na magpatotoo sa mga hiwaga at milagrong kanilang tinanggap mula sa Poong Maykapal.

Walang pag-aalinlangan namang tumayo si Jayme at pumunta sa unahan upang ibahagi ang kanyang karanasan.

“Ako po si Jayme, at ako po ay dating sugarol, lasinggero at adik. Dinala lamang po ako ng kuya ko dito habang mahimbing na natutulog sa kalasingan, pero ang pangyayaring iyon po pala ang tuluyang babago sa aking buhay at sa aking pagkatao.” Ngayo’y tila ba may init siya nararamdaman sa kanyang dibdib. Ang kanyang puso ay nag-aalab sa galak na nadarama.

“Lumaki po ako na walang patnubay ng ama, at medyo may katagalan bago ko po naramdaman na mahal na mahal pala ako ng aking kapatid at ina. Ang dating lumalabas po ng hubo’t hubad ay nakadamit na ng maayos ngayon at nakatayo sa inyo harapan upang ibihagi ang karanasan kung paano ako nabago.”

Unti-unti nang tumutulo ang kanyang mga luha, ngunit hindi niya ikinakahiya ito. Nakita niyang umiiyak na rin ang kanyang ina, kapatid at ilan sa mga miyembrong naroroon.

“Natutunan ko pong magdasal, magpasalamat at tumanggap ng pagkakamali. Nahanap ko ang direksyon ko sa pagkakataong hindi ko inaasahan. Mama at kuya…”

Kanyang tinignan ang kanyang ina at kapatid. “Mapatawad niyo po sana ako sa mga kamalian ko. Hayaan niyong makabawi ako sa lahat ng kabutihan ninyo sa akin. At sa harapan ninyo po at harapan ng ating Diyos, ako’y nangangako na tatahikin ko ang daan na patungo sa Kanyang plano at kabutihan para sa atin.”

Ngayon lamang naramdaman ni Jayme ang ganitong klaseng pakiramdam. Siya ay malaya na at tunay nang pinalaya.

Advertisement

Bumalik siya sa pag-aaral at nagtapos ng kursong Psychology. Nagsumikap siya upang makabawi sa magulang at kapatid. Itinuwid niya ang kanyang buhay at ginamit niyang motibasyon ang kanyang mga karanasan maging mas mabuting tao.

Hiningi niya ang kamay ng anak ng kanilang Pastor na si Precilla, siya ang isa sa tulay kung bakit muling nagkaroon ng direksyon ang kanyang buhay. Kung hindi dahil sa sulat ni ibinigay nito, malamang ay laman pa rin ng inuman si Jayme.

Nagkaroon sila ng tatlong supling, isang babae at dalawang lalaki. Ngayon ay pastor na rin si Jayme at nagbabahagi ng ng salita ng Diyos sa kanilang sariling simbahan sa isang barangay sa Rizal.

Maaring isang tupang ligaw siya noon, ngunit nahanap niya ang kanyang Pastol at muling nabigyan direksyon ang kanyang buhay.