Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Buhay sa Labas ng Rehas na Bakal - Inday Trending

Buhay sa Labas ng Rehas na Bakal

Matapos ang anim na taon na pagkakakulong sa salang pananakit ng kapwa sa wakas ay laya na si Samuel. Ilang taon siyang nagtiis sa pangungulila sa kaniyang pamilya, kumikilos habang may nakamasid sa kanyang bawat galaw at araw-araw na mangamba para sa kaligtasan ng kaniyang buhay.

Sa kaniyang paglaya ay panibagong hamon naman ang kaniyang haharapin. Ang mabuhay sa labas na may permanenteng tatak sa iyong likuran; nanggaling akong bilangguan, isa akong kriminal. Balewala sa ibang tao kahit na nabayaran mo na ang iyong mga kasalanan. Basta’t nahatulan ka at nakulong, isa kang kriminal sa kanilang mga mata.

“Samuel, sa wakas ay mabubuo na ulit ang ating pamilya. Hindi na natin kailangang magtiis sa mga pahiram na sandali. Ngayon ay araw-araw at gabi-gabi na tayong magkakasama ng anak mo,” masayang bati ni Mila, asawa ni Samuel.

“Namiss ko kayo, sobra!” Mahigpit na niyakap ng lalaki ang kaniya asawa pagkatapos ay pinugpog niya ng halik ang kaniyang anak.

“Halika na. May inihandang maliit na salu-salo si nanay para sa paglaya mo.”

Ang unang inatupag ni Samuel ay ang paghahanap ng trabaho. Ngayon na nakalaya na siya hindi na niya hahayaan na akuin ng kaniyang asawa ang responsibilidad ng pagiging haligi ng tahanan. Kailangan niyang kumayod para may makain ang kaniyang pamilya.

Pero tulad ng inaasahan ay walang gustong tumanggap sa kaniya dahil nanggaling siya sa piitan. “Subukan mo na lang sa iba. Ayaw ng may-ari na tumanggap ng may criminal record. Problema lang daw ang magiging dala niyan sa kompanya.”

Kahit contractual o part time na trabaho ay sinubukang applyan ng lalaki pero lagi siyang umuuwi ng biguan. Sa bandang huli ay nauwi siya sa pagkakalkal ng mga basura. Naisip niyang gamitin ang mga natutunan niyang livelihood skills sa kulungan para kumita ng pera at dahil wala siyang perang pampuhunan ang mga nakalkal niyang mga recyclable materials ang gagamitin niya para makabuo ng mga magagandang bagay na maaari niyang ibenta.

“Salamat, Aling Siling, at pinayagan mo kong magbenta sa tindahan mo. Malaking tulong ito para sa aming pamilya. Kahit papaano ay may pagkakataon na akong makapagambag sa mga gastusin namin,” buong pusong pasasalamat ni Samuel sa kaibigan ng kaniyang asawa.

“Naku, wala ‘yun. Malaki ang utang na loob ko sa asawa mo. Siya ang naging karamay ko nung namatay ang asawa ko. Kulang pa itong kabayaran sa lahat ng mga naitulong niya sa akin.”

Dahil sa mga kakaiba at makukulay na tinda ni Samuel ay marami ang nagkaroon ng interes sa kaniyang mga ibinebenta. Bagama’t hindi ganoong kalaki ang kita kahit papaano ay nakakapag-ipon siya paunti-unti ng pandagdag puhunan para sa paggawa ng kaniya mga tinda.

Isang araw ay pinatawag sila ng kaniyang asawa sa eskwelahan ng kanilang anak. Nakipag-away ito sa kaniyang mga kaklase.

“Kasi, tay, ayaw nila akong tigilan. Isang buwan na po nila akong inaasar na masamang tao daw ang tatay ko dahil nakulong ito sa bilangguan. Napikon na ko sa kanila kaya binuhusan ko sila ng tubig na galing sa kanal,” sumbong ng anak ni Samuel.

“Pero mali pa rin ang ginawa mo. Dapat sinumbong mo na lang sila sa titser mo.”

Napansin ni Mila na tila iniinda ng anak ang kaniyang braso kaya sinuri niya ito. “Anong nangyari sa’yo? Bakit pilipit ang braso mo?” Nag-aalalang tanong ng ina sa kaniyang anak.

“Nakita po kasi ng tatay nung isang binuhusan ko ang nangyari. Pinilipit niya ang braso ko.”

Dito na hindi napigilan ni Samuel ang kaniyang galit kaya sinigawan niya ang tatay ng kaklase ng kaniyang anak.

“Mabuti nga iyan para magtanda nang sa ganoon ay hindi matulad sa tatay niyang kriminal!” sigaw ng kasagutan ni Samuel.

Hindi mapapayagan ng lalaki na saktan ninuman ang kaniyang pamilya dahil sa ginawa niya anim na taon na ang nakakaraan kaya tinawagan niya ang mga taong sa tingin niya ay makakatulong sa kaniya.

Maya-maya ay dumating ang mga pulis para dakpin ang tatay ng kaklase ng kaniyang anak.

“Bakit niyo ko inaaresto! Hindi ako kriminal! ‘Iyang lalaki na iyan ang damputin niyo!” Sigaw ng lalaki.

“Ngayon mararanasan mo ang naranasan ko, ang makulong sa bilangguan dahil sa pananakit ng iyong kapwa! Ang pagkakaiba lang natin, ako, tinaga ko ‘yung taong nagtangkang gahasin ang asawa ko. Ikaw makukulong ka dahil sinaktan mo ang anak ko.

Ako pinagtanggol ko ang pamilya ko. Ikaw pinairal mo ang kakitiran ng utak mo nung pumatol ka sa away ng mga bata. Hindi lahat ng nakakulong sa bilangguan ay kriminal. Marami sa mga preso ay biktima lang ng pagkakataon!”

Isang araw ay isang alok ang natanggap ni Samuel na hindi niya mapaniwalaan. “Sigurado po kayong kukunin niyo kong empleyado sa kompanya. Baka masira lang ang reputasyon ng kompanya niyo pag nalaman nilang tumanggap kayo ng isang kriminal. Isa pa kaunti lang ang alam ko sa pagdidisenyo ng mga kasangkapan,” paninigurado ni Samuel.

“Magaling ang mata mo pagdating sa pagsisipat kung ano ang maganda. Mula sa mga basura ay nakagawa ka ng maraming magagandang kasangkapan. Kung meron kang hindi alam pwede mo namang pag-aralan. At ang sabi mo sa’kin ay pinagtanggol mo lang ang asawa mo kaya hindi ka isang kriminal. Kung ako ang nasa lugar mo ay ganoon din ang gagawin ko,” sagot ng negosyante.

Alam ni Samuel na hindi na niya mabubura sa kaniyang pagkatao na dati siyang preso sa bilangguan. At dahil sa kaniyang nakaraan ay aminado siyang maraming hirap na pagdadaan ang kaniyang pamilya. Pero hindi niya ito hahayaang maging hadlang para makapamuhay sila ng tahimik at marangal.

Lalo pa ngayong nagsisimula pa lang magkaroon muli ng liwanag ang direksyon ng kaniyang buhay dahil may isang negosyanteng kumuha sa kaniya para magtrabaho sa home design and furniture company nito. Hindi niya sasayangin ang pagkakataong ito. Ang pagkakataong magkaroon ng magandang buhay sa labas ng rehas na bakal.


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.