Ang Mahigpit na Bilin ni Inay at Itay

Menopausal baby kung tawagin si Shane ng mga tao. Apatnapu’t walong taong gulang na kasi ang kanyang ina nang ipagbuntis siya nito. Halos labinlimang taon nga ang pagitan ng edad niya sa panganay niyang kapatid na si Cielo.

Ngayong ika-18 kaarawan ni Shane, matapos nilang kumain sa labas ay sinubukan niyang magpaalam sa kanyang nanay at tatay kung papayagan siyang lumabas ng gabi upang mag-party kasama ng mga kaibigan niya.

“Mommy, daddy! Pwede po ba akong umalis mamayang gabi? Birthday ko naman po e. Party lang po ako kasama ng friends ko,” nakangiti at naglalambing na sabi ng bunso.

“Nako! Ang ate mo, hindi naman pinayagan sa mga ganyan-ganyan noon. Delikado ‘yang mga ganyang alis. Lalo na’t puro pa kayo magagandang dalaga,” mabilis na sagot ng nanay niyang si Lourdes.

“Kung ako ang tatanungin, ayoko rin. Papayag lang ako kapag kasama kami ng mommy mo,” mariing sagot naman ng tatay niyang si Celso.

Inasahan na ni Shane ang ganoong sagot ng kanyang mga magulang. “Old-school” na nga raw kasi ang mga ito dahil may edad na, kaya’t hindi nila naiintindihan ang mga gustong gawin at puntahan ng mga kabataan ngayon ayon kay Shane.

Kaya naman hindi na siya umalma at nagreklamo pa sa sagot ng kanyang mga magulang. “Ah, sige po. Maaga na lang po akong matutulog mamaya,” aniya.

Hindi naman na nagtanong pa ang dalawang matanda dahil sanay silang masunurin ang dalawa nilang anak na si Cielo at Shane. Ngayon nga’y nakabukod at may sarili nang pamilya ang kanilang panganay, at may maganda nang buhay nang dahil sa pakikinig sa kanilang mga pangaral at payo.

Advertisement

Sumapit na ang alas otso ng gabi. Matapos sabay-sabay na kumain ng hapunan ay kaagad nagpaalam si Shane sa kanyang mommy at daddy na maaga siyang matutulog dahil masakit ang kanyang ulo.

“Masakit na naman ang ulo mo? Iyan kasing bangs mo! Palaging naka-samborga diyan sa mukha mo. Heto, isuot mo ‘to at ibaon mo palagi para hindi na humaharang sa mata at paningin mo ‘yang buhok mo,” ani Lourdes.

Nang makuha ang inabot na pin ng buhok ay agad na umakyat si Shane. Hindi para matulog, kundi para maghanda na sa pagtakas niya upang maka-party kasama ang mga barkada.

Makalipas ang dalawang oras na pagpapaganda, siniguro muna ng dalaga na mahimbing nang natutulog ang kanyang mga magulang bago ito dahan-dahang lumabas ng bahay at tuluyang sumama sa mga kaibigan.

“Wow naman! Ganda! Talagang pang 18th birthday ang outfit ha!” bati ng kaibigan nyang si Andrea. Matapos magtawanan ay dumiretso na sila sa isang club sa Tomas Morato sa Quezon City.

Dahil hindi sanay uminom ng alak, mabilis tinamaan ng pagkahilo itong si Shane. At dahil birthday niya, panay ang painom sa kanya ng mga barkada niya. Hindi niya na napansin na unti-unti na pala siyang nawawala sa kamalayan.

Nang idilat ni Shane ang kanyang mga tao, laking takot niya nang maramdaman ang mga kadenang nakapulupot sa kanyang kamay at paa. Kahit anong pumiglas niya ay ayaw nitong matanggal sa kanya. Nilagyan din ng busal ang bibig niya kaya kahit subukan niyang sumigaw ay walang nakakarinig sa kanya.

Nang mahimasmasan, narinig niya ang mga tinig sa harapan ng kotseng sinasakyan niya. Nakasilid na pala siya sa trunk ng isang sasakyan, at pakiwari niya’y ilang kalalakihan ang dumukot sa kanya.

Advertisement

Nagsimula nang bumuhos ng tahimik ang luha ng dalaga. Naisip niya na kung sana ay nakinig siya sa kanyang mga magulang ay hindi ito nangyari sa kanya.

Dahil doon, bigla na lamang niyang naalala ang pin ng buhok na inipit niya sa kanyang bangs upang hindi ito humarang sa mukha niya. Noong bata siya, tinuruan kasi siya ng kanyang ama na dating pulis kung paano magtanggal ng lock gamit ang pin na ito.

Naging kalmado at organisado ang pagkilos ni Shane. Alam niyang sa oras na tumigil ang sasakyan at makitang sinusubukan niyang tumakas ay tapos na ang oras niya sa mundo.

Inalala niya ang lahat ng turo ng kanyang ama matapos abutin ang pin sa kanyang ulo. Dahan-dahan, ngunit mahusay niyang natanggal ang pagkakakadena sa kanya. Sinubukan niyang kapain, at mabuti na lamang ay naisama ang kanyang bag sa loob ng trunk.

Unti-unti, kinuha niya ang kanyang cellphone upang humingi ng tulong… Nang bigla na lamang tumigil sa pagtakbo ang sasakyan. Halos manigas sa takot ang dalaga. Kahit natatakot, itinuloy niya pa rin ang pagtawag sa kanyang tatay.

Matapos ang ilang ring, sa wakas ay sumagot ito. Bago pa man siya makahingi ng tulong ay bigla na lamang bumukas ang pintuan ng trunk ng sasakyan! Bumulaga sa kanya ang mukha ng matatandang kalalakihan na kanina niya pa napapansing tingin nang tingin sa kanya sa bar na kanilang pinuntahan.

“Ano?! Tatakas ka? Loko ka! Wala ka nang kawala!” sigaw ng lalaki sabay hatak kay Shane. Nagpumiglas ang babae, at saktong nasipa niya sa ari ang isa sa mga lalaki.

Sinubukan niyang tumakbo papalayo, ngunit isa sa mga lalaki ang mabilis siyang nahatak.

Advertisement

“Sariwang-sariwa!” sigaw ng nakainom na lalaki habang inaamoy ang kanyang leeg.

Huhubarin na ng mga kalalakihan ang kanyang salawal, ngunit natigilan ang mga ito nang bigla na lamang isang malakas na putok ng baril ang kanilang naulinigan.

“P*ta! May mga pulis! Paano tayo natunton dito?! BILIS, SIBAT! TAKBO!” sigaw ng pinakamatanda sa mga lalaki.

Ngunit bago pa sila makatakas ay agad silang nahabol ng pitong kapulisan mula sa lugar na iyon. Matapos madakip ay agad nilang pinuntahan ang umiiyak na si Shane.

“Oh, hija, isuot mo itong jacket ko. Napaka-swerte mo at tinawagan kami ng tatay mo. Nakabukas pala ang GPS ng cellphone mo kaya mabilis niyang natunton ang kinaroroonan mo. Swerte rin na naglilibot kami rito sa ganitong oras dahil nga sikat ang lugar na ito sa mga ganitong krimen,” paliwanag ng kaisa-isang babae sa mga pulis.

“Dati naming Chief ang tatay mo sa pulisya. Napakarami niyang naituro at naitulong sa amin. Kaya nang tumawag siya ay dali-dali kaming umaksyon. Napakaswerte mo at wala pang nangyayaring masama sa’yo,” dagdag ng isa pang pulis.

Dinala sa pinakamalapit na ospital si Shane upang mabigyan ng paunang lunas mula sa mga sugat at gasgas na natamo. Maya-maya ay dumating na roon ang kanyang mga magulang kasama ang kanyang ate.

“Sorry po, mommy at daddy! Sorry po kung matigas ang ulo ko,” naghuhumiyaw na iyak ng dalaga. Niyakap naman ng tatlo si Shane at pinakalma.

Advertisement

“Basta anak, huwag ka nang uulit. Mabuti rin at naging matalino ka sa pagkilos. Masaya akong may naaalala ka pa pala sa mga naituro ko noong bata ka,” sagot ng kanyang ama.

Naging mabilis ang hustisya. Naipakulong ang mga salarin at habambuhay nang mabubulok sa kulungan.

Mula noon ay iniwasan na ni Shane na sumuway sa utos at bilin ng kanyang mga magulang.