Labis ang Lungkot ng Babae nang Hindi Makuha ang Inaasam na Promosyon, Isang Bata Pala ang Babago ng Kanyang Pananaw sa Buhay

Sobrang sama ng loob ni Glenda nang araw na iyon dahil ang pinakaaasam-asam na promosyon ay hindi niya nakuha. Mag pipitong taon na rin siya sa kumpanya ngunit ang posisyon na gustong-gusto niya ay ibinigay sa bagong empleyado lamang.

Maaga siyang umalis ng opisina sa sobrang lungkot na nadarama. Nagtungo muna siya sa Rizal Park upang doon ay mapag-isa at makapagisip-isip sandali. Umupo siya sa isang bangkuan malapit sa damuhan.

“Buwisit na buhay ito. Nung nagpasabog ang Diyos ng kamalasan, ako yata ang sumalo lahat. Sawi na nga sa pag-ibig, malas pa sa promosyon,” mahinang bulong niya sa sarili.

Ilang saglit pa ay may lumapit sa kanyang batang babae.

“Gusto po ba ninyo ng bulaklak? Mabango po ito at saka ako po mismo ang pumitas para sa inyo,” saad ng bata.

Tinignan lamang ni Glenda ang bata at ang mga bulaklak na hawak nito. Napansin niyang lanta at tuyo na ang mga bulaklak. Binigyan na lamang niya ang bata ng isang napipilitang ngiti upang umalis na.

Ayaw niyang paistorbo kaya hindi na lamang din niya pinapansin ang bata ngunit makulit ito ang umupo pa sa kanyang tabi mismo.

“Ate, bakit hindi ninyo subukang amuyin itong mga bulaklak na dala ko, sigurado ako na magugustuhan ninyo ito. Mabango po ito at pinitas ko talaga para lang sa iyo,” muling saad ng bata.

Advertisement

“Mas okay siguro kung sa iba mo na lamang ibigay ang mga bulaklak na iyan kasi hindi naman ako mahilig talaga sa mga bulaklak,” wika ni Glenda.

“Madami naman tao ngayon dito sa parke, kaya marami kang pwedeng pagbigyan niyan.”

“Pero ate, sa’yo ko po mismo gustong ibigay ito, para sa’yo po talaga ang bulaklak na ito, subukan niyo lang pong amuyin, magugustuhan ninyo po ito,” pangungulit pa ng bata.

Gustong-gusto na ni Glenda na mapag-isa kaya napagdesisyunan niyang kunin na lamang ang bulaklak sa bata para umalis na ito.

“Sige na, kukunin ko na, tapos iwanan mo na ako dito pagkatapos ha?” mataray na sabi ni Glenda.

Ngumiti naman ang batang babae nang marinig ito. Itinaas nito ang kanyang kamay at saka inabot ang tuyong bulaklak, ngunit imbis na sa kamay ni Glenda iabot ay sa kabilang direksyon ito inaabot ng bata.

Hindi maintindihan ni Glenda kung bakit ganoon hanggang sa mapagtanto niyang bulag at walang paningin ang batang babae.

“Hindi ka ba nakakakita?” malumanay na tanong ng babae.

Advertisement

Ngumiti lamang ang bata at sumagot.

“Hindi po ate. Matagal na po akong bulag.”

Labis naman ang awa na naramdaman ni Glenda nang malaman ang kundisyon ng bata ngunit mas naawa din siya sa sarili dahil sa mga reyalisasyon niya sa mga bagay na nangyari kailan lang.

Napaluha ang babae at sobrang nahabag sa bata pero higit na kahabagan ang nadarama niya para sa sarili. Ang kanyang inis kanina ay napalitan ng mga patak ng luha.

Bulag ang batang nasa harap niya, pero kahit na ganoon ay nakakagawa ito ng bagay upang mapasaya ang isang taong nalulungkot samantalang siya ay may paningin naman ngunit bulag siya sa mga magagandang bagay na mayroon siya.

Matagal na pala niyang hindi napapansin ang mga biyaya na kaloob sa kanya, gaya ng matinong trabaho, mga kaibigang maaasahan at mapagmahal na pamilya. Naging bulag siya dahil nakatuon lamang ang atensyon niya sa mga bagay na wala siya, na siyang nagiging sanhi ng kalungkutan niya.

Sa pagkakataong ito, unti-unting nagkakaroon ng linaw ang mga mata ni Glenda. Sa tulong ng musmos na nagbigay ng bulaklak ay nagkaroon ng kaliwanagan ang nanlalabo niyang pag-iisip.

Tinignan niya ang bulaklak na hawak ng bulag na batang babae, hinawakan niya at saka ito kinuha sa maliliit na kamay ng bata. Maaaring tuyo at lanta na ito ngunit para sa kanya ay wala nang papantay pa sa ganda nito.

Advertisement

Naisip niya na ang mga bulaklak ay galing sa isang bata na hindi nakakakita pero bukas ang puso para makakita sa pangangailangan at pinagdadaanan ng iba.

“Alam mo nene,” pagtawag niya sa bata.

“Tunay ngang napakaganda at napakabango ng bulaklak na ibinigay mo. Mayroon kang magandang puso kaya salamat at napagaan mo ang kalooban ko.”

“Wala pong anuman ate, pero sana po ay huwag na kayong malungkot, sayang naman po ang ganda ninyo. Maraming tao pa po ang makakakita sa gandang taglay ninyo,” wika ng bata.

Nagpaalam ito sa kanya at saka umalis sa kinauupuan. Nang makaalis ang batang babae, ay tinignan ni Glenda ang bulaklak at muling itong inamoy.

Sinundan niya ng tingin ang bata at napangiti siya dahil may nilapitan itong bagong tao sa di kalayuan. Isang buhay na naman ang mababago ng isang bulag na musmos na may kakayahang makakita ng mga bagay na hindi kayang makita ng dalawang mata lamang. Tulad ng kalungkutan na dinadala ni Glenda.

Dahil sa tuyong bulaklak ay nakita niya ang ganda ng mundo at ganda ng buhay na meron siya. Dahil sa bata ay natutunan niyang maging mapagpasalamat sa lahat ng biyayang dumating at darating pa sa kanya.