Ikinadismaya ng Ama na Natututo na ang Kanyang Anak Kung Paano Mangutang, Natunaw ang Kanyang Puso nang Malaman Kung Para Saan ang Pera

Na-promote bilang operations manager si Bong sa isang malaking kumpanya, dalawang buwan na ang nakararaan. Dahil dito ay mas naging busy siya sa trabaho, kahit Linggo ay kailangan nilang umalis ng bahay. Hiwalay siya sa asawa at tanging kasambahay lang ang nag aalaga sa 8 taong gulang na anak niyang si Lawrence. Minsan ay naiiwan ito sa mga lola at tita.

Maswerteng nakauwi ng maaga ngayon si Bong at gusto niya talagang matulog hanggang gabi. Masyadong bugbog sa trabaho ang katawan niya. Papikit na siya nang may naramdamang maliliit na yabag na papalapit sa kama.Pagdilat niya nang mata ay naroon si Lawrence, may hawak hawak na isang maliit na garapon.

“Papa, pwede magtanong?” magalang na tanong ng bata.

“Hmm?” sagot naman ni Bong na muling ipinikit ang mga mata.

“Magkano po ang sweldo mo araw araw?” usisa muli ng bata na nagpadilat kay Bong. Ano naman ang alam nito sa ganoon? Baka tinuturuan ng kasambahay. Napabuntung hininga siya sa inis.

“500 pesos isang araw, bakit?” sagot niya na lang. Ang totoo ay mas malaki ang sahod niya roon ngunit hindi niya na sinabi.

Kita niya ang lungkot na bumalatay sa mukha ng anak. Pero muli itong nagsalita.

“Pa, pwede bang mangutang ako ng 20 pesos?”

Advertisement

“Ano? Kaya mo ba tinatanong ang sweldo ko kasi mangungutang ka sa akin? Sino bang nagtuturo sayo niyan? Ang dami dami mo nang laruan Lawrence you are so selfish.” panenermon ni Bong sa anak.

Walang imik naman ang bata at dumiretso na sa kwarto nito. Matapos ang ilang minuto ay hindi makatulog si Bong dahil inuusig siya ng konsensiya, siguro ay sumobra naman yata siya sa mga sinabi sa anak. Ito ay isang bata lang, bakit nga ba binuhos niya rito ang pagod niya.

Pumasok siya sa kwarto ng bata at naabutan itong nakahiga.

“Lor.. sorry kanina baby. Pagod lang kasi si Papa.. ito na ang 20 mo, aanhin mo ba kasi?” malambing na sabi ni Bong sabay himas sa ulo ng nakatalikod na anak.

Agad bumalikwas ang bata na may ngiti.

“Thank you papa!” sabay kuha nito sa bente pesos, kinuha muli ang maliit na garapon at ibinuhos ang laman noon.

Medyo nainis ulit si Bong dahil nakita niyang may mga perang papel sa loob ng garapon, bente, isang daan at sikwenta pesos.

“Bakit ka pa nanghingi sa akin kung mayroon kana palang pera Lor?” tanong ni Bong sa anak.

Advertisement

Inosenteng sumagot naman ang bata,

“Dahil hindi po sapat ang perang naipon ko, pero ngayon po sakto na Papa. Meron na po akong 500 pesos. Pwede ko po bang bayaran ang isang araw mo bukas para makasama at makalaro man lang kita mag hapon? Gusto po kita maka laro…”

Natulala ang saglit si Bong, tumulo ang luha at niyakap ng mahigpit ang bata. Humingi ng tawad sa lahat, lalo sa kawalan niya ng oras para sa anak.