Katotohanan Sa Likod Ng Masayang Larawan

Napukaw ang atensyon ni Maya sa isang facebook post na nakita nya. Tungkol ito sa isang mag-kasintahan na nasa isang matagal ng relasyon at nasira lamang ng dahil sa third party.

“Bakit parang natulala ka, Hon?” pagtataka ni Oliver. “Kanina pa kasi kita tinitignan at sobra naman yata iyang nandyan sa cellphone mo at kanina ka pa tulala. Ano ba yan? Anong meron?” dagdag pa nito.

“Ah, wala lang, Hon. May nakita kasi akong post dito tungkol sa magkasintahan. Alam mo ang tagal na nila. Tapos yung lalaki kailangan niyang umalis para magtrabaho nang sa gayon ay makaipon para sa kasal nila.

Okay naman daw nung una kaso ilang buwan lang ipinagpalit na siya nung babae. Tapos ang dinadahilan kasi, wala daw yung boyfriend niya sa tabi nya nung mga panahong kailangan niya,” pahayag ni Maya.

“So, sa tingin mo mangyayari sa atin ang ganyan, Hon? Labing dalawang taon na tayong mag-kasintahan. Wala ng makapaghihiwalay pa sa atin,” paninigurado ni Oliver.

Ngunit hindi maitago ni Maya ang pangamba sa kanyang mga mata. Hindi nito maialis ang pag-iisip pagkat ilang buwan na lamang ay aalis na si Maya patungong Canada. Doon ay magtatrabaho siya bilang isang nurse sa isang local hospital at si Oliver naman ay patuloy ang trabaho sa mga bar sa Maynila bilang isang drummer.

Bilang isang drummer, alam ni Maya na nakalantad masyado ang kanyang kasintahan sa mga babae. Marami ang nagkakagusto dito dahil bukod sa talentado, hindi maitatanggi ang taglay nitong kagwapuhan.

High school crush ni Maya si Oliver. Siya ang first love at first boyfriend nito. Sa tagal na ng kanilang relasyon, talagang kasal na lamang ang kulang. Ngunit hindi pa sila maaring magpakasal dahil sa kani-kanilang mga obligasyon. Katuwang ng mga magulang niya si Maya sa pagpapaaral sa dalawa pa niyang kapatid na nasa kolehiyo. Si Oliver naman ang bread winner sa kanilang pamilya pagkat walang maasahang sustento mula sa kanyang ama.

Advertisement

“Hayaan mo konti nalang, Hon at makakaipon na rin tayo. Pasasaan ba at sa simbahan din ang tuloy natin,” paglalambing ni Oliver.

Dumating na ang araw ng pag-alis ni Maya patungong Canada. Bumaha ng luha sa Airport nang ihatid siya ng mga magulang at ni Oliver. Baon nya ang pagmamahal at pangako ng kasintahan, pati na ang pag-asa na maisaayos ang lahat sa kanilang buhay.

Tulad ng inaasahan, naging maayos pa rin ang relasyon nila Oliver at Maya. Madalas ang kanilang pag-video call at chat. Alam nila na ang lubusang importante sa kanilang relasyon ang komunikasyon lalo pa sa kanilang kalagayan ngayon.

Ngunit hindi naglaon, unti-unti ang panlalamig ni Oliver. Madalang na itong sumagot sa mga chat at tawag ni Maya. At kung sasagot man ito, kung hindi nagmamadali ay tipid na tipid ang mga sagot. Lagi siyang pagod daw at nais ng matulog.

Hindi maiwasan ni Maya ang mag-isip ng hindi maganda. Hindi kaya tama ang sinasasabi ng ilan na hindi nga kayang magtagal ng long distance relationship? Hindi kaya nakahanap na ng iba si Oliver sa Pilipinas?

“Hon, huwag kang magagalit ah…” bungad ni Maya. “Pero napansin ko ang malaki mong pagbabago. Datirati’y sagot ka agad sa mga tawag ko. Ngayon, parang binabalewala mo na ako. May problema ba tayo?” paglalabas ni Maya ng saloobin.

“Meron na bang iba? Hindi mo na ba ako mahal?” Hindi napigilan ni Maya ang lumuha. Hindi niya lubusang maisip na sa isang iglap ay mawawala na lamang ang relasyon na matagal na nilang iningatan.

“Hon, hindi… Hindi totoo yang sinasabi mo. Patawarin mo ako. Pero, sadyang pagod lamang talaga ako. Alam mo naman ‘di ba ang trabaho ko. Buong gabi ako gising at pagod. Malaki ang diperensya ng oras natin. Kaya pagpasensyahan mo na ako,” pagpapaliwanag naman ni Oliver sa kasintahan.

Advertisement

Pero hindi maialis ni Maya na paghinalaan ang kasintahan. Isang araw, habang nag pe-facebook ang dalaga, nakita niya ang isang litrato na naka-tag kay Oliver. Puno ng ligaya ang itsura nito kasama ang isang babae sa isang restawran. Kinabahan siya at walang kagatol-gatol na napahagulgol ng iyak. Lalong nagpasikip pa sa ang dibdib niya nang subukan niyang tawagan si Oliver para tanungin tungkol sa larawan, subalit hindi na ito ma-contact.

Dalawang araw na at wala man lang kahit isang paramdam si Oliver sa kanya. Hindi rin naman matanong ni Maya sa kanilang mga kamag-anak dahil ayaw nitong mag-alala pa ang mga ito sa kanila. Puno man ng lungkot at walang ganang magtrabaho si Maya, wala siyang magagawa kundi bumangon at pumasok sa ospital.

Muli ay tinignan ni Maya ang cellphone. Umaasa na magparamdam na sa kaniya si Oliver. Habang naglalakad siya ay naiisip niya ang mga masasayang sandali at mga pangako ng binata. Hindi na niya alam ang kanyang nararamdaman.

Pagbukas ng pinto ay nakita niya ang hindi inaasahan. Nasa tarangkahan ng kaniyang tinutuluyan, habang bakas ang ngiti at pagod sa mukha ng kanyang kasintahan. May dala itong bulaklak at mga maleta. Hindi napigilan ni Maya ang maluha. Tumakbo siya sa kasintahan at niyakap niya ito ng mahigpit na parang hindi niya ito nayayakap ng ilang taon.

“Akala ko tuluyan ka nang mawawala sa akin. Akala ko may iba ka na, Hon! Anong ginagawa mo dito?” pag hagulgol ni Maya.

“Nandito ako para samahan ka. Nandito ako para sa’yo!” walang gatol na sagot ni Oliver.

“Pero Hon, may nakita akong picture na naka-tag sayo. Nakita ko yung isang babae nasa restaurant kayo at sobrang saya ninyo. Hindi ko mapigilan ang sarili ko na magalit sayo at magselos!

Hindi ko maiwasan na mag-isip ng masama. Lalo pa’t palagi ka nalang walang panahon sa akin at madalang na tayo magkausap!” wala pa ring tigil sa pag-iyak si Maya habang nagbubulalas ng damdamin sa kasintahan.

Advertisement

“Hon, patawarin mo ako. Hindi ko sinabi sa iyo ito dahil gusto kitang surpresahin. Naisip ko kasi hindi ko din kaya na malayo sa iyo, kaya napagpasyahan ko na sumunod dito,” paliwanag ng binata.

“Pagkatapos ko sa trabaho sa bar, nag-aral ako ng vocational course. Naghanap ako ng pwede kong mapasukang trabaho dito. Yung konting naipon ko inilaan ko para sa pagsasaayos ng mga papeles papunta ko rito.

Yung babaeng nakita mo na kasama ko sa larawan, iyon yung personnel ng agency na nag-ayos ng pag-alis ko. Napakasaya ako ng araw na ‘yon ng sabihin niya sa aking ayos na ang lahat at makakaalis na ako!” mariing pagkukwento ni Oliver.

Walang mapaglagyan ang kanilang kasiyahan. Nagyakap sila at isang matamis na ang halik ang tumapos sa pangungulila ng bawat isa.

Magkasama silang nagtrabaho at namuhay sa Canada. At hindi naglaon, nagpakasal ang dalawa at natanggap ang kanilang petisyon para sa kanilang residency doon.