Iniwan ng Binata ang Nobya sa Pag-aakalang may Iba Ito, Sa Huli ay Wasak ang Puso Niya nang Malaman ang Totoo

“Hindi ako nagtaksil sa iyo! Wala akong ibang lalaki! Anak mo ang dinadala ko!” Pagtatanggol ni Emily sa kaniyang sarili. Pinagbibintangan siya ng kaniyang nobyong si Mikael na nangangaliwa. Hindi niya alam kung saan napulot ng lalaki ang lahat ng binibintang nito sa kaniya. Naging tapat siya dito.

Si Mikael lang ang lalaki sa buhay niya. Mahal na mahal niya ito.

Alam ni Emily kung gaano kasakit ang lokohin ka ng taong minamahal dahil naloko na siya noon ng dati niyang nobyo. Alam niya ang pakiramdam na madurog ang puso sa kaalamang may kahati kang iba. Hinding-hindi niya kayang masikmura ang mamangka sa dalawang ilog. Hindi niya kayang saktan si Mikael sa ganoong pamamaraan.

“Hindi ko siya lalaki! Kapatid ko siya! Maniwala ka sa akin!” Hindi naniniwala si Mikael sa mga kasinungalingan ni Emily. Kitang-kita ng dalawang mata niya na may kalandian itong isang lalaki nung sinundo niya ito kanina sa ospital.

Sa pagkakaalam niya, si Emily ay anak sa pagkadalaga ng kaniyang ina na matagal nang pumanaw. Wala ito ni isang kapatid dahil hindi na nakapag-asawa ang ina nito kaya imposible ang sinasabi nitong kapatid nito ang taong kalandian kanina.

“Sinungaling ka! Manloloko! Maghiwalay na tayo! Sa kaniya mo ipaako ang anak mo! Hindi ako naniniwala na ako ang tatay ng dinadala mo!” Sigaw ni Mikael bago niya iwang mag-isa si Emily.

Isang nurse si Emily habang nagtatrabaho naman bilang isang call center agent sa umaga si Mikael. Dahil inaabot ng hatinggabi ang shift ng kaniyang nobya ay nag-aalala si Mikael tuwing uuwi ito ng mag-isa sa gabi. Para magawa niya itong maihatid ay nagpalipat siya sa graveyard shift. Ilang buwan ang lumipas bago naaprubahan ang kaniyang request. At sa unang gabi na nagawa niyang sunduin si Emily ay natagpuan niya ito malapit sa entrada ng ospital kasama ang kalaguyo.

Napakasakit para kay Mikael ang kaniyang nasaksihan. Mahal na mahal niya si Emily. Sa katunayan ay bago pa niya malaman na buntis ito ay matagal na niyang pinagplaplanuhan ang kaniyang proposal sa babae.

Advertisement

Balak niya sana itong yayain magpakasal sa kaarawan nito. Nakahanda na ang lahat. Hindi niya akalain na niloloko lang pala siya ng dalaga. Ang masakit sa lahat ay sa kaniya ipinapaako ni Emily ang ipinagbubuntis nito.

Limang taon na ang nakakalipas pero hindi pa rin makalimutan ni Mikael si Emily. Niloko na siya’t lahat pero ito pa rin ang babaeng nagmamay-ari ng kaniyang puso.

Sinubukan niyang umibig sa iba pero lagi lang niyang ikinukumpera ang mga ito kay Emily. Sa katunayan ay ilang beses na niyang naisipang balikan ang babae. Naisip na rin niyang akuin ang bata pero mas nangingibabaw pa rin ang pride niya.

Nakapila si Mikael sa counter ng isang cafe ng may isang bata na biglang yumakap sa kaniyang binti.

“Papa! Papa! Buti naman bumalik ka na! Miss na miss na kita!” Naistatwa si Mikael sa kaniyang kinatatayuan. Hindi niya alam kung ano ang kaniyang gagawin.

Sinubukan niyang luwagan ang pagkakakapit ng bata pero lalo lang humihigpit ang kapit nito sa kaniyang binti. Tatangkain na sana niyang iangat ang bata para makausap ito ng maayos ng may isang babae ang pumasok sa cafe at biglang nagsisigaw.

“Mikky! Diyos ko pong bata ka! Pinagod mo ko sa kakahabol sa iyo! Bakit bigla ka na lang nagtatakbo? Paano kung hindi kita nahabol? Pasensya na po-” Nahinto ang sasabihin ng babae ng magtagpo ang mata nila ng lalaking yakap-yakap ni Mikky sa binti. “Daddy ni Mikky.” wala sa sariling sambit ng babae.

Tahimik na naupo ang tatlo sa isang booth na cafe. Huminto na sa pag-iyak si Mikky, ang batang lalaki na yumakap sa binti ni Mikael. Ngayon ay masaya na itong kumakain ng pagkaing inorder ni Mikael.

Advertisement

Naguguluhan pa rin si Mikael sa mga pangyayari pero nung makita niya ang mukha ng bata ay walang duda na anak niya ito. Kamukhang kamukha niya ito nung siya ay bata pa. Ang tanong na lang ay kung sino ang ina nito.

Sumagi sa isip niya na baka anak ito ni Emily pero agad niya itong inalis sa kaniyang isipan. Maraming tanong ang naglalaro sa kaniyang utak at hindi siya matatahimik kung hindi masasagot ang mga ito ngayon.

“Hintayin na lang natin ang asawa kong si Marco. Mas masasagot niya ang mga tanong mo kaysa sa’kin. Tatlo lang ang masisiguro ko sa iyo. Hindi mo ko nabuntis. Hindi tayo magkakilala. Kahit Mommy ang tawag sa akin ni Mikky ay hindi ako ang tunay niyang ina. Three years old na si Mikky nung nakilala ko siya.” sagot ni Melanie, ang babaeng humabol kay Mikky kanina, sa mga nagtatanong niyang mga mata.

Maya-maya ay may isang lalaki ang lumapit sa kanilang booth. Namukaan niya agad ang lalaki. Hinding-hindi niya makakalimutan ang mukha nito. Ito ang dahilan kung bakit nadurog ang kaniyang puso. Ito ang lalaking kalandian ni Emily sa ospital.

Bumalik ang lahat ng sakit na kaniyang naramdaman. Pinilit niyang maging mahinahon kahit wala siyang ibang gustong gawin kung hindi basagin ang mukha ng lalaki. Ngunit ang sarili pala niyang mukha ang dapat niyang basagin dahil naging isa siyang tanga.

“Hindi ka niloko ni Emily. Magkapatid kaming dalawa. Ipinagbubuntis palang siya ni Mommy noon nung pinalayas siya ng mga magulang ni Daddy. Ayaw kay Mommy ng mga lolo at lola ko kaya nung namatay si Daddy sa isang aksidente ay pinalayas nila ito sa bahay.

Sapilitan din nila akong kinuha sa kaniya. Dinala nila ako sa Amerika. Hindi ako makalaban sa kanila noon dahil bata pa lamang ako. Nang pumanaw na sila ay bumalik ako ng Pilipinas para hanapin sila. Matagal ng wala si Mommy noon kaya nahirapan akong paniwalain si Emily na magkapatid kami nung nahanap ko siya. Nung gabing nakita mo kaming magkayakap, yun yung araw na lumabas na ang resulta ng DNA test na nagpapatunay na magkapatid kami.” Paliwanag ni Marco kay Mikael.

Walang ibang lalaki si Emily. Siya ang tatay ni Mikky. Ilang taon ang sinayang niya dahil lang sa maling akala. Kung sana ay naniwala siya sa kaniyang nobya, eh, di sana isang masayang pamilya na sila ngayon.

Advertisement

“Nasaan na si Emily? Gusto ko siyang makita! Gusto ko siyang makausap!” halos magmakaawang sabi niya.

Hindi lang ang puso ni Mikael ang nawasak kung hindi ang kaniyang buong pagkatao sa kaniyang nalaman.

Namatay si Emily sa panganganak. Matagal ng may sakit sa puso si Emily at hindi kinaya ng kaniyang puso ang hirap at sakit mailuwal lang ang kanilang anak. Bago ito yumao ay hiniling nito sa kaniyang kapatid na huwag ipagkait sa kaniyang anak na makilala nito ang tunay na ama.

“Kahit Daddy at Mommy ang tawag ni Mikky sa aming mag-asawa alam niyang hindi kami ang tunay niyang mga magulang. Itinabi ko yung mga pictures niyo ni Emily. Tuwing nagtatanong siya tungkol sa tunay niyang mga magulang ay ipinapakita ko yung mga pictures niyo at nilalahad ko sa kaniya yung mga ikinuwento niya sa akin tungkol sa inyong dalawa. Alam niyang wala na si Emily. Ang alam niya nagtatrabaho ka sa ibang bansa at babalikan mo siya.” Pahayag ni Marco sa kaniya.

Huli na ang lahat. Dahil hindi siya nagtiwala sa pagmamahal ni Emily sa kaniya ay nawala sa kaniya ang babaeng pinakamamahal niya. Hindi niya ito nasamahan sa panahong kailangan siya nito.

Hindi ipinagkait sa kaniya ni Marco ang kaniyang karapatan sa anak. Ibinuhos niya ang lahat ng kaniyang pagmamahal sa regalong iniwan sa kaniya ni Emily. Mas masaya sana kung buhay pa si Emily at kumpleto ang kanilang pamilya. Pero wala na siyang magagawa kung hindi habang buhay na magsisi sa kaniyang pagkakamali.