Pagkaligaw sa Kakahuyan

Papalubog na ang araw at nagsisimula nang magdilim ang noo’y napakasiglang paligid sa gubat. Walang kaide-ideya si Sam kung saan siya naroroon at ang tanging nararamdaman niya lamang ay takot at pangambang hindi na siya makakauwi kahit kailan.

Nakarinig ang dalaga ng mahinang pag-alulong ng hayop – palakas ito nang palakas. Sinubukan niyang ilinga-linga ang kaniyang ulo at hanapin kung saan ang pinagmumulan ng tunog ngunit pakiwari niya’y nanggagaling ang ingay sa lahat ng direksyon. Nagsitayuan ang mga balahibo ni Sam nang makarinig siya ng tinig na animo’y tumatawag sa kaniyang pangalan.

“Sinong nariyan? H-hindi magandang biro itong ginagawa mo ha?! Pakiusap, gusto ko nang umuwi!” sigaw niya sa napakalawak na kakahuyan. Ngunit palakas nang palakas ang boses papalapit sa kaniyang direksiyon.

Walang nagawa ang dalaga kung hindi tumakbo – kumaripas ito na para bang wala nang bukas. Walang sinayang na sandali si Sam na para bang buhay ang kapalit kung hindi siya magmamadali. Walang ibang iniisip ang dalaga kung hindi makaalis sa kaniyang kinalalagyan – takot na takot itong nagpapatuloy sa pagtakbo hanggang sa nakaramdam siya ng paglamig ng simoy ng hangin. Kasabay ng pagbagal ng pagtakbo ng dalaga ay ang pakiramdam ng basang paligid – noon lamang niya napagtanto na siya’y nakatayo sa isang sapa.

“Ayoko na…” waring napayuko si Sam mula sa kaniyang kinatatayuan. Hingal na hingal ito mula sa kaniyang pagkakatakbo. Papaalis na sana ang dalaga sa sapa nang marinig muli nito ang boses na tumatawag sa kaniyang pangalan.

“Sam… pakinggan mo ako, Sam…” sambit ng boses na may kasamang pangungumbinsi. Humarap ang babae sa pinanggagalingan ng boses at laking gulat nito nang makita ang pagragasa ng tubig papunta sa kaniyang direksiyon. Sinubukan ni Sam na tumakbo papalayo mula sa sapa, ngunit huli na nang kaniyang mapagtanto na hindi sapa ang kaniyang kinatatayuan, kundi isang mababaw na ilog. Nag umpisang rumagasa ang tubig sa kaniyang direksyon at saka bumuhos ang malakas na ulan.

Humawak ang babae sa may batuhan malapit sa pampang ngunit nang makakaahon na sana ito ay tuluyan na siyang tinangay ng agos ng ilog. Maya’t maya ang pagkawag ng katawan ng babae at pagsinghap nito ng hangin sa tuwing magkakaroon ng pagkakataong makaahon mula sa malalim at rumaragasang tubig. Takot ang siyang nararamdaman ng babae sa dahilang hindi niya alam kung makakaligtas pa siya sa sitwasyong kaniyang kinakaharap – tanging nasa isip lamang ni Sam ay puro katanungnan at panalangin. Bakit ako naririto? Paano ko natunton ang lugar na ‘to? Diyos ko, iligtas niyo po ako sa kapahamakan. Paulit-ulit ang pagtawag ni Sam sa Diyos na siyang nakikiusap para sa pagsasalba ng kaniyang buhay at kasiguraduhan ng kaniyang kaligtasan. Ang tangi niyang hiling ay makaalis siya sa kakahuyan at makauwi nang ligtas.

Unti-unti nang napapagod sa pagkampay si Sam at halos nauubusan na ito ng hangin dahil sa paulit-ulit na pagkakalubog nito sa tubig. Inihanda na niya ang sarili sa kahahantungan ng kaniyang buhay – alam niyang hindi magtatagal ay hindi na niya kakayanin ang hirap na kaniyang dinaranas. Sa muling pagsinghap ni Sam ng hangin mula sa ibabaw ng tubig ay may biglang humila sa kaniyang kamay mula sa pampang ng ilog – ang kaklase niyang si Melody. Hindi niya alam kung saan ito nanggaling at kung paanong ang unti-unti niyang pag gaod sa ilalim ng tubig ay dinala siya malapit sa pampang. Gayunpaman ay laking pasasalamat ni Sam sa tulong na dumating noong siya’y nawawalan na ng pag asa. Nang mahila siya ng kaklase sa pampang ay marahang napapikit si Sam.

Advertisement

“Sam… sam… gising…” sambit ng tinig ni Melody. Bagamat nakapikit ay nakikilala ni Sam ang boses ng kaniyang kaklase. “Sam, gumising ka na, pakiusap…” dagdag pa nito habang marahang niyuyugyog ang katawan ng kaniyang kaklase.

“Sam!” napabalikwas ng bangon ang babae sa kaniyang higaan. “Ano ka bang bata ka ha? Kanina pa kita ginigising! Tingnan mo, pinasok na tayo ng baha. Bumangon ka diyan at tulungan mo kong magtaas ng maisasalba pa nating gamit.”

Kahit gulung-gulo pa rin ay tumayo na si Sam at agad na tumulong sa kaniyang nanay.

Sinubukan nilang isalba ang lahat ng gamit sa abot ng kanilang makakaya ngunit sa kasamaang palad ay naging mabilis ang pagtaas ng tubig baha. Lingid sa kanilang kaalaman ay nasira ang breakwater sa kalapit nilang ilog. Nanlumo ang mag-ina dahil sa dami ng gamit na nasayang dahil sa biglaang buhos ng malakas na ulan.

Sila lamang dalawa ang magkasama sa kanilang maliit na bahay dahil lumuwas lang sila sa siyudad para sa pag-aaral ni Sam at nasa probinsya ang iba nilang kamag-anak. Mga gamit sa eskwela ni Sam, cellphone, kaunting damit at pera lamang ang natira sa kanila.

Iminungkahi naman ng kanilang barangay sa kanila at sa iba pang nasalanta ng kalamidad na tumuloy muna sa evacuation center pansamantala hangga’t hindi pa maayos ang kanilang mga tirahan. Sumunod ang mag-ina at napagpasyahan nila na doon muna matulog. Kinabukasan ay kinansela na rin ang klase dahil karamihan ng mga estudyante ay nasalanta rin ng kalamidad.

Nagpaalam naman ang nanay ni Sam na uuwi muna ito upang tingnan ang mga nabasang gamit sa kanilang bahay at kung ano pa ang pwedeng pakinabangan. Sinabihan siya na manatili nalang sa evacuation center para magbantay ng kanilang gamit.

Nilibang na lang ni Sam ang sarili sa paglalaro sa kaniyang cellphone nang may biglang tumawag. Ito ang kaklase niyang si Melody. Agad niyang sinagot ang cellphone.

Advertisement

“Kumusta kayo diyan, Sam? Nasira daw ang breakwater d’yan sa inyo ah. Ayos lang ba kayo?” at kinwento nga ni Sam sa kaniyang kaibigan ang naranasan nila ng kaniyang nanay kagabi.

“Gusto niyo bang dito muna kayo tumuloy sa amin hangga’t hindi pa naaayos ang bahay niyo?” sambit ni Melody mula sa kabilang linya.

Nahihiyang tumanggi si Sam ngunit naging mapilit ang kaniyang kaibigan at sinabing ang kaniyang ina ang nagmungkahi sa kaniya na patuluyin sila sa kanilang bahay. Pumayag na rin siya at sinabing susundin sila ng mga ito pagdating ng tanghali.

Dumating na rin ang kaniyang ina pagkalipas ng isang oras at natutuwang sinabi niya rito ang magandang balita. Ilang araw ding tumuloy sina Sam sa bahay ni Melody bago sila bumalik muli sa kanilang tirahan. Tulad ng napanaginipan ni Sam ay nakaranas sila ng unos sa kanilang buhay ngunit dumating ang kaniyang kabigan at tinulungan siyang umahon. Laking pasasalamat nila rito dahil ang mga ito ay may mabubuting puso na handang tumulong sa kapwa kahit anong oras nang walang hinihinging kapalit.