Dahil Nagpapakakuba sa Pagtatrabaho ay Ganun na Lamang Bastusin ng Lalaki ang mga Magulang, Nagsisi Siya nang Makita Niyang Muli ang mga Ito

Mag-iisang taon na ang nakalipas mula nang naka-graduate si Simon sa kursong Information Technology. Dahil magaling naman ang binata ay mabilis siyang natanggap sa trabaho sa isang opisina sa Pasay. Nasa probinsya ang kanyang mga magulang, siya naman ay nagre-renta na lamang ng apartment at nagpapadala.

Dahil bago pa lamang sa trabaho at nais niyang ma-promote agad ay talagang masigasig siya, araw araw kung mag-overtime siya, ni hindi na sya nakakauwi sa kanila tuwing Sabado at Linggo kahit na walang pasok. Ginugugol niya na lamang ang oras sa pagwo-work from home. Gusto nyang maging maganda ang feedback ng kanyang boss.

Hinihimas niya ang sentido nang biglang mag ring ang kanyang cellphone, sinagot niya iyon.

“Hello? I will send the files in a few minutes-“

“Nak?”

Napangiti naman si Simon, akala niya ay ka-opisina niya na naman, tatay niya pala. Palibhasa ay di niya na tinignan ang pangalan at basta niya na lamang sinagot.

“Tay, kumusta ho?”

“Akala ko hindi mo na kami sasagutin eh. Dalawang linggo ka nang hindi nakakadalaw, aba’y nabulok na ang manggang inani ko para sayo. Nagluto pa naman ng masarap na bagoong ang nanay mo, kumusta ka ba?”

Advertisement

“Okay lang ho tay, medyo abala sa trabaho.” magkukwento pa sana siya nang mapasulyap siya sa laptop, nag-chat na ang boss niya.

“I-text mo kami ha kung uuwi ka at nang makapagluto ang nanay mo.Sobrang trabaho kana yata-“

“Sige ho tay, tawagan ko kayo mamaya. Hinahanap na ng boss ko itong kailangan kong ipasa sa kanya eh. Love you po, pasabi sa nanay.” di niya na hinintay pang sumagot ang matanda at ibinaba na ang telepono. Hindi niya naman natupad ang pangako niya rito dahil hindi na siya nakatawag pa, tadtad kasi ang gawain niya.

Mabilis lumipas ang mga araw at lalo pang naging abala si Simon, ni hindi niya na nga sinasagot ang tawag ng dalawa dahil tiyak niyang kukulitin lamang siya ng mga itong umuwi.

“Guys, may mahalaga tayong project. Mahalagang milestone ito para ma-enhance ang skills nyo. Dito ko rin makikita kung sino ba ang malaki ang potential na maging susunod na team lead. Who knows, baka promotion na ang kasunod,” nakangiting sabi ng boss nila.

Lalong nataranta si Simon, ito na ang pagkakataon niya. Napasulyap pa siya sa ka-opisinang si Kenneth, ito ang mahigpit niyang kalaban sa promotion. Magaling rin ito at masigasig, kaya upang hindi siya matalo ay mas lalo niyang pinagbutihan.

Ring nanaman ng ring ang cellphone niya, napasimangot siya nang makitang tatay niya iyon. Bukas ay tapos na ang project, baka i-announce na rin kung sino ang na-promote, hindi pwedeng ngayon pa sya pumalya.

“Anak-“

Advertisement

“Tay! Hindi ba kayo nakakahalata ho? Ilang araw ko na kayong hindi sinasagot ibig sabihin ayokong makipag usap sa inyo! I am too busy, hindi ako uuwi at pag hindi kayo tumigil kakakulit sa akin hindi na talaga ako babalik kahit kailan!” sigaw niya sa telepono bago iyon ibaba.

Makalipas ang ilang minuto ay nahimasmasan siya, napabuntong hininga at sinubukan tumawag ulit para humingi ng sorry pero nakapatay ang cellphone ng ama. Baka nagtatampo.

Di bale, matapos lang ang project na ito at makuha niya ang promotion ay magva-vacation leave siya at ibo-bonding ang mga magulang. Bukas niya na tatawagan ang mga ito.

Kinabukasan ay malakas na palakpakan sa opisina ang sumalubong kay Simon, sinalubong siya ng boss niyang nakangiti rin.

“Congratulations, kitang kita naman na ikaw ang pinaka-hardworking sa lahat. You deserve to be a team lead!” sabi nito at kinamayan pa siya, walang pagsidlan ang kasiyahan ni Simon, sobrang excited niyang tinawagan ang kanyang mga magulang para ibahagi ang magandang balita pero hanggang ngayon ay nakapatay pa rin ang cellphone.

Napabuntong hininga sya, masama pa rin siguro ang loob. Nakaisip siya ng magandang ideya, sigurado niyang huhupa ang tampo ng mga ito kapag sinorpresa niya at bigla na lamang siyang darating doon.

Pagkatapos ng trabaho ay dumaan lang sya saglit sa apartment upang kumuha ng mga gamit, tapos ay nag-drive na siya papunta sa probinsya.

Nagulat pa sya nang may madaanang burol sa kapilya bago makarating sa bahay nila. Pero lalong nanlaki ang mata niya nang makitang wala ang kubo nila, may ilang kahoy na sunog lamang sa paligid.

Advertisement

Naglakad lakad siya, wala naman silang masyadong kapitbahay. Bumalik siya sa kapilya dahil naroon ang mga tao.

Agad siyang nilapitan ng isang ale, tila ba naiiyak ito. Wala namang kaide-ideya si Simon sa nangyayari.

“Si nanay at tatay ho? Anak ako ni Hernan Molino,” pagpapakilala nya.

Hindi alam ng ginang kung ano ang isasagot, tumingin lamang ito sa dalawang ataul. Litong sinundan ito ni Simon at ganoon na lamang ang panlulumo niya nang makita kung sino ang naroon.

Ang mga magulang nya.

“H-hindi! Ano hong..paanong..” hindi nya maaarok ang mga salita.

“May kasiyahan sa bayan kahapon kaya naroon lahat ng tao, walang naiwan dito, magulang mo lang. Hindi nila napansin ang katol sabi ng pulisya, kaya nasunugan sila iho. Wala namang may alam sa mga kapitbahay namin sa kinaroroonan mo..”

Napahawak sa dibdib si Simon, kahapon pala ang huling pagkakataon na maririnig niya sana ang boses ng mga magulang pero binabaan niya pa. Kung nakinig lang siya, sana ay buhay pa ang mga ito.

Advertisement

Nawalan ng saysay lahat ng paghihirap niya sa trabaho.

Nakuha niya nga ang promotion at maraming pera, pero nawala naman na ang dalawang taong lubos na nagmamahal sa kanya.