Kung Kailang Nagtino na ang Babaerong Lalaki ay Saka Naman Kukunin sa Kanya ang Dalagang Minamahal

Nakukuha ni Jenson lahat ng babae na gusto niya. Hindi naman imposibleng mangyari ito dahil mayaman siya at higit sa lahat, gwapo pa.

Second year college noon si Jenson nang unang magtagpo ang landas nila ni Cindy.

Sa unang pagkikita ay alam na agad ni Jenson na iba si Cindy, iba sa lahat ng babaeng nakilala niya. Hindi dahil sa sobrang ganda nito, kundi dahil hindi siya yung tipo ng babae na bibigyan ng pangalawang tingin.

Pero nakuha niya ang atensyon ni Jenson, hindi lang pala kay Jenson, kundi ng buong campus, dahil tinapunan siya ng spaghetti at harina ng pinakasikat na barkadahan sa unibersidad.

Pinagtawanan siya ng maraming tao, kasama si Jenson, dahil kaibigan niya ang mga taong nagtapon ng pagkain kay Cindy.

Bad boy si Jenson. Siya yung tipo ng estudyante na papasok ng late at natutulog lang sa klase. Siya yung tipo ng lalaki na parang walang pangarap sa buhay.

Kahit mga propesor ay hindi umuubra sa tigas ng ulo niya. Madali naman siyang nakakalusot dahil nga mayaman siya. At kahit na ganoon, madami pa ring babae ang nagkakagusto sa kanya, dahil nga mayaman at gwapo siya.

Si Cindy naman ay yung tipo ng babae na kahit na insultuhin at gawan ng masama ay hindi pa rin magagawang lumaban.

Advertisement

Hindi naman na nakakapagtaka na ganoon ang ugali ni Cindy, alam naman na din ng karamihan na galing siya sa isang konserbatibo at Kristiyanong pamilya.

Hindi naman na din nakakapagtaka, dahil laging laman si Cindy ng simbahan at mga outreach activity na tumutulong sa mga bata at naghahatid ng Magandang balita ng Bibliya. Sobrang bait niya at simple lamang, maaring isang dahilan kaya hindi siya pansinin.

Araw ng Lunes noon at kasagsagan ng bagyo. Signal no. 2 kaya nag suspinde ng klase ang unibersidad upang pauwiin ang mga estudyante.

Lumabas si Jenson upang umuwi, ngunit matindi ang ulan kasabay ng malalakas na ihip ng hangin. Wala siyang dalang payong at coding naman ang kanyang sasakyan.

Nakatayo lamang siya sa may labas ng campus nag-iintay ng humina ang ulan, ngunit nagulat siya nang marinig ang isang mahinhing tinig.

“Gusto mong sumabay?” Nakangiting bati ng babaeng pamilyar na pamilyar sa kanya.

“Ako?” Tanong ni Jenson habang nakaturo sa sarili.

“Oo, ikaw!” Natatawang sagot ni Cindy.

Advertisement

“Tssss.” Tinawanan at inirapan lamang niya ang dalaga.

Napansin niyang unti-unti nang tumataas ang tubig at lalo pang lumalakas ang ulan. Kung hindi pa siya aalis, ay malamang aabutin siya ng baha sa kalye.

“H-halika ka na!” Pag-aya niya sa dalaga.

Kinuha niya ang payong sa kamay nito, idinikit ang dalaga sa kanya at tsaka umalis.

Konti na lamang at makakalabas sila ng campus nang biglang umihip ang malakas na hangin, dahilan para masira ang payong na hawak niya.

Wala naman silang ibang nagawa kundi ang sumilong sa pinakamalapit na establisimento sa kanila.

Nagpapagpag sila ng basang damit nang makita ni Jenson kung saan sila sumilong, sa Chapel ng paaralan.

“Pag sinusuwerte ka nga naman o.” Wika ni Jenson habang nagpapagpag ng basang braso.

Advertisement

“Natatakot ka bang masunog?” Mahinhing biro ng dalaga.

At sa unang pagkakataon natawa si Jenson sa birong iyon.

“Alam mo ba kung paano ginagawa ang mga stained glass na ito?” Pagturo ni Cindy sa makukulay na salamin sa loob ng Chapel.

“H-Hindi eh.”

“Nakita ko kung paano gumawa ng isa sa mga yan. Magandang produkto, pero matagal na proseso. Kailangan ng maintiding tiyaga upang makatapos.” Kwento pa ng dalaga.

Nakaramdaman naman ng konting pagkailang ang binata, nahihiya siya kay Cindy sapagkat ang barkadahan nila ang madalas na mang-insulto rito.

Pero parang wala lang kay Cindy ang lahat. Naisip niyang, mabait nga pala ito at baka hindi nagtatanim ng sama ng loob.

Lumipas ang mga oras at patuloy pa rin sa pagkukwento ang dalaga, hindi maipalawanag ng binata, ngunit aliw na aliw siya sa mga kwento nito. Hindi alintana ang bagyo sa labas sa dami ng kanilang pinagkukwentuhan.

Advertisement

Tumigil ang ulan at napagtanto na lamang ni Jenson na naglalakad kasama si Cindy. Inihatid niya ang dalaga pauwi sa kanilang bahay.

Inihatid na niya ang dalaga dahil tuwang-tuwa talaga siya sa mga kwento nito. Gustong-gusto niyang marinig ang boses ni Cindy, yung boses na sobrang lambing, yung mga tawa niyang nakakahawa, at ang mga inosenteng mata sa tuwing ito ay nagkukuwento.

Hindi namamalayan ni Jenson na napapahalakhak na rin siya sa mga nakakatuwang bagay na kanyang naririnig. Wala siyang ibang nararamdaman kundi galak at kasiyahan lamang.

At pagkakataon at panahong iyon pala ang simula ng lahat-lahat para sa kanila.

Hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Jenson. Napagdesisyunan niyang ligawan ang dalaga.

Binago ni Jenson ang lahat-lahat sa kanya. Nung una’y alam niyang hindi siya aprubado ng mga magulang ni Cindy, ngunit ginawa niya ang lahat upang maging karapat dapat sa pagmamahal ng dalaga.

Lumipas pa ang ilang buwan at nakamit ni Jenson ang matamis na ‘oo.’

“Tayo na? Tayo na talaga?” Di makapaniwalang tanong ng binata.

Advertisement

“Oo nga po. Hahaha.” Natatawang tugon naman ng binata.

Tuluyan ngang nagbago si Jenson. Naging maganda ang takbo ng relasyon nila, na umabot sa punto na parang perpekto na ang lahat.

Umabot na sa isang taon at kalahati na ang kanilang relasyon. Magkasama ang magkasintahan ngayon upang ipagdiwang ang 18th Monthsary nila.

Tahimik si Cindy at tila pa balisa ito.

“May problema ba?” Pang-uusisa ni Jenson.

“Meron sana akong ipagtatapat sa’yo Jenson.” Mahinang sagot ni Cindy.

“Na ano? Na Mahal na mahal mo ako? Alam ko na yun!” Biro naman ng lalaki.

“M-may sakit kasi ako Jenson…” Nanginginig ang boses ng dalaga habang sinasabi ang mga ito.

Advertisement

“Love sick?” Biro muli ng lalaki.

Umiling lang ang dalaga na ngayo’y nangingilid na ang luha.

“Sakit sa puso.”

“Nagbibiro ka lang di ba? Biro lang lahat yan di ba?” Nag-aalalang tanong ng binata.

“I’m sorry… I’m sorry Jenson. Dapat pala sinabi ko sa’yo ng mas maaga.”

Inihatid ni Jenson ang kasintahan pauwi sa kanila. Hinalikan ito sa noo at nagpaalam na din upang umuwi.

Hindi pa rin siya makapaniwala sa nalaman niya ngayon araw.

“Totoo ba lahat nang ‘to?” Tanong niya sa sarili.

Advertisement

Pinagdugtong-dugtong naman niya ang mga pangyayari. Kaya siguro ganoon na lamang ang pasenya ni Cindy sa tuwing iniinsulto siya ay dahil bawal itong magalit.

Kaya siguro sa tuwing gumagala silang magkasintahan ay napapansin niyang parang laging kinakapos ng hininga ang dalaga.

Napaupo siya sa kanyang kama at napaiyak.

“Bakit ganun? Bakit kung sino pa yung hindi masasama, sila pa yung nagkakaroon ng malubhang sakit?” Malakas na tanong niya habang tumutulo ang mga luha.

Saglit siyang natulala at nag isip kung ano ang dapat na gawin at isa lamang ang pumasok sa isipan niya. Muli siyang tumayo at nagtungo sa bahay nina Cindy,

Ngayon siya higit na kailangan ng nobya at magpapakatatag siya para rito.Pero ganoon na lamang ang panlalaki ng bata niya nang madatnan niyang natataranta ang mommy ni Cindy, kasunod nood ay ang mga paramedic na isinakay ang walang malay na dalaga sa ambulansya.

Dinala si Cindy sa malapit na ospital at doon ay binigyan ng paunang lunas.

Ilang minute lamang ang lumipas pero sa sobrang kaba ay parang taon ang hinintay ni Jenson, nagkamalay na rin ang nobya.

Advertisement

“O namiss mo ako?” Mahinang biro ni Cindy na nakasuot ng oxygen mask ngayon.

“Sobra. Kaya bilisan mo nang magpagaling diyan, para makagala na ulit tayo.”

Umupo sa tabi ng hospital bed ni Jenson at kinuha ang kamay ni Cindy. Pinipilit niyang pigilin ang luhang kanina pa gustong kumawala.

“Sorry…” Seryosong sambit ni Cindy habang nakatingin sa kanya.

“Wala ka naman kasalanan. Basta magpalakas ka ha?” At sa pagkakataong ito, pumatak ang luha ni Jenson.

“Nasasaktan ka ngayon dahil sakin…” Malungkot na sabi ng dalaga.

Huminga ng malalim si Jenson at kinuha ang kamay nito.

“Wala ito kumpara sa sayang na naibigay mo sa’kin. Hindi ko lang siguro matanggap na nangyayari lahat ng ‘to.” Hindi na mapigilan ang pagbuhos ng luha sa kanyang mga mata.

Advertisement

“Ayoko Cindy… ayoko… Hindi ko kaya.” Bulong niya habang patuloy na umiiyak.

Niyakap siya ni Cindy ng mas mahigpit at ngayo’y umiiyak na rin.

“Bago tayo magkakilala, tinaningan na ng doctor ang buhay ko ng six months. Araw-araw akong nasa simbahan para humingi ng milagro, hanggang sa dumating ka. Yung anim na buwang taning ng doctor sakin ay lumagpas pa ng isang taon.”

“N-Natanggap ko yung milagrong ipinagdasal ko, at ikaw yun.” Ngumiti ang dalaga sa kasintahan at tsaka hinalikan ang pisngi nito.“Mahal na mahal kita.” Lumuluhang sambit ni Cindy.

“Mahal na mahal din kita.” Tugon naman ni Jenson.

Maghapong magkasama ang magkasintahan. Siniguro nilang sulit ang bawat segundo at oras na sila’y magkasama.

Pagktapos ng visiting hours ay dumeretso sa school Chapel si Jansen, ang lugar kung saan sila nagpatila ng ulan at lugar saan sila unang nagkausap.

Lumuhod siya doon, at sa unang pagkakataon natutunan niyang magdasal.

Advertisement

“Panginoon… Kung nakikinig Ka nga ngayon. Ako naman ang hihingi Sa’yo ng himala. Ako naman ang may kailangan nun. Hayaan Mong ako naman yung makaranas ng sinasabi nilang himala Mo. Kahit saglit na panahon pa… hayaan mo lang makasama pa namin siya… Please…”

At hindi naman siya binigo ng Diyos. Binigyan pa sila ng kaunting panahon upang makasama si Cindy.

Nagkaroon pa siya ng konting lakas upang lumaban sa karamdaman.

Ngayon, nakaupo si Jenson sa tabi ni Cindy. Ngumiti siya. Ang dami na pala nilang pinagdaanan. Pero nakayanan pa rin niya lahat.

“Akala ko hindi ko na malalagpasan lahat ng ito eh.” Mahinang sambit niya.

“Buti na lang natutunan kong magdasal. Natutunan kong makilala ang Diyos dahil sa’yo, kasi kung hindi rin dahil sa’yo, hindi ko malalaman na mayroon pa lang himala.”

“Ayos lamang kahit wag kang sumagot. Alam ko naman gusto mo rin ako kausapin, pero hindi na pwede. Hindi na kasi pwede.”

Hinaplos niya ang makinis na bato sa nakalubog sa lupa na may nakalagay na pangalang “Cindy Rivera.”

Advertisement

“Happy First Birthday sa Heaven, Cindy.” Bati ni Jenson habang nakatingin sa marmol na lapida. Ngayon ay unang taon ng kamatayan ni Cindy.

“Nakakalungkot… Ang dami ko kasing gusto sabihin sa’yo, ang dami ko pa rin gustong ikwento sa’yo, pero wala ka na para tumawa kasama ko.

Minsan dumarating ako sa puntong lungkot na lungkot ako. Kaso wala naman akong ibang matakbuhan, wala akong masandalan. Ang daya mo kasi eh.”

Pero alam ko naman na masaya ka na dyan. Tahimik ka na diyan at ginagabayan mo kami. Darating din yung panahon na magkakasama tayo diyan. Hintayin mo lang ako ha?” Muling tumulo ang kanyang luha.

“Yung mga pangarap na binuo natin, tutuparin ko lahat. Para sa’yo. Supervisor na ako ngayon sa isang malaking kompanya, o di ba sabi ko sayo natupad ko? Di man kita kasama ng pisikal, pero sa puso ko, kung saan ka nandoon, alam ko kasama kita. Sa puso ko mananatiling buhay ka.

Miss na miss na kita Cindy.” Napatingin siya sa kalangitan na ngayon ay nagsisimula nang dumilim.

“O mukhang babagsak na naman ang ulan. Dadalawin kita ulit soon ha? I love you so much!” At sa isang pagkakataon, hinaplos mulit nito ang lapida.

Maiksi man ang panahong nagkasama si Cindy at Jenson, pero panghabang buhay na alala at aral ang iniwan sa kanya ng yumaong kasintahan.

Advertisement

Sa bawat oras na nalulungkot o nahaharap siya sa pagsubok, nagdarasal na siya at inaalala ang masasayang ngiti ng dating kasintahan. Si Cindy ang nagbigay sa kanya ng pag-asa, at patuloy siyang lalaban hanggang sa araw na muli silang magtagpo.