Nalaman ng Lalaki na May Nakakahawang Sakit Pala ang Nobya, Ngunit Buong Puso Pa Rin Niya Itong Minahal at Tinanggap

Isang maulan na gabi noon nang mangyari ang trahedyang babago sa buhay ni Ashari. Nasa byahe sila pauwi sana sa probinsya ilang araw bago ang Pasko, nang ang kanilang sasakyan, na minamaneho ng ama ay mawalan ng preno at bumangga sa isang malaking poste.

Binawian ng buhay ang kanyang ina sa mismong pinangyarihan ng aksidente, at hindi naman na umabot ng buhay ang kanyang ama pagdating sa ospital. Tanging si Ashari lamang ang nakaligtas sa aksidente.

Kinupkop si Ashari ng tiyahin niyang si Berna, na isang matandang dalaga na nakatira sa probsinya, kung saan sana tutungo ang pamilya. Ito na ang kumalinga sa kanya magmula ng siya ay maulila. Minahal siya nito ng sobra at itinuring na parang isang tunay na anak.

Isang araw sa eskwela ay naatasan ang bawat bata na magsalita tungkol sa kanilang sarili at mga magulang.

“Ako po si Ashari, pitong taong gulang. Ang tiya Berna ko po ang nag-aalaga sa akin, kasi yung mama at papa ko po ay bumalik na sa stars,” masayang pagpapahayag ng bata na nakasuot ng pulang panglamig, ngunit nagtawanan lamang ang mga kaklase.

“Ano ka alien?” sigaw naman ng isang kaklase, at saka muli nagtawanan ang mga bata.

“O tama na yan mga bata,” pagsuway ng kanilang guro, “Ashari, makakaupo ka na ha? Salamat!” nakangiting tugon naman sa kanya ng guro.

Pagkatapos ng klase ay lumapit kay Ashari ang isang lalaking kaklase.

Advertisement

“Totoo bang nasa stars ang mama at papa mo?” inosenteng tanong ng bata.

“Oo, yun ang sabi ng tita ko. Kaya daw sila umiilaw, kasi tinatanglawan nila yung daan natin pag madilim,” pagmamalaki pa ng bata.

“Naniniwala ako sayo,” ngiti ng batang lalaki. “Ako pala si Christian, mahilig din ako sa mga bituin.”

“Ashari pangalan ko, kakalipat ko lang dito,” buong ngiting pagpapakilala ng batang babae.

Isang araw habang naglalaro, ay bumuhos naman ang malakas na ulan, hindi na nagawa ng dalawang bata na makatakbo pa pauwi, kaya sumilong muna sila sa tapat ng saradong tindahan.

Napansin ni Ashari na basa ang kaibigan, kaya hinubad niya ang laging suot na pulang panglamig at ibinigay sa kaibigan.

“Bakit ka pala lagi nakasuot nito, Ashari?” tanong ni Christian habang nakatingin sa pulang panglamig.

“Proteksyon ko daw yan, sabi ni tita. Para daw di muna agad ako kunin ng stars,” tugon naman ni Ashari.

Advertisement

Lumapit pa sa kanya ang batang lalaki at saka ipinatong sa babae ang kalahating bahagi ng pulang panglamig. “Para hindi ka muna kunin ng stars,” at saka ngumiti si Christian.

Ipinatong naman ni Ashari ang kanyang ulo sa balikat ng kaibigan, na nagbigay ngiti naman sa mga labi ng lalaki. Doon nila naramdaman ang unang pagsulyap ng pag-ibig sa kanilang mga puso.

Natapos ang isang taon sa eskwela, ngunit may malungkot na balita naman na hatid si Christian. Kailangan nilang lisanin ang probinsya upang tumira sa Maynila, dahil doon na nagtatrabaho ang kanyang ama.

“Babalik ako, Ashari, pangako yan,” pagsiguro ng batang lalaki.

“Kailan ka babalik?” naluluhang tanong ni Ashari.

“Hindi ko pa alam, pero wag ka muna hahanap ng ibang lalaking kaibigan ha?” malungkot na pagkakasabi ni Christian, “intayin mo muna akong makabalik,” dagdag pa niya.

“Oo, iintayin kita, basta babalik ka ha? Pinky promise?” at saka itinaas ng batang babae ang kanyang hinliliit.

“Pangako,” sagot ni Christian, at saka itanaas ang hinliit at idinikit sa daliri ng kaibigang babae, bilang simbolo na tutuparin nila ang kanilang pangako.

Advertisement

Isa, dalawa, tatlo, apat, hanggang sa sampung taon na ang lumipas. Nakatanggap ng sulat si Ashari, galing sa dating kaibigan. Napangiti lamang siya at nakaramdam ng labis na pananabik ng mabasa ang sulat.

“Magbabakasyon ako diyan, intayin mo ako sa istasyon ng bus, malapit sa pamihilan,” binabasa niya ng paulit-ulit ang mga salitang ito na may ngiti sa labi.

Makalipas ang tatlong araw, habang nakatayo sa istasyon ng bus ay may tumatakbong lalaki patungo sa kinatatayuan ni Ashari.

“Ashari! Ashari!” malakas na pagtawag nito habang bitbit ang malalaking gamit.

Hingal na hingal ito nang makarating sa kinaroroonan ng dalaga, ngunit laking pagkamangha niya ng makita ito ng malapitan. Napakagandang dalaga ang nakatayo sa harapan niya ngayon.

“Buti nakilala mo pa ako?” tanong ng dalaga.

“Nakasuot ka pa rin ng pulang jacket eh, makikilala talaga kita,” biro naman ng lalaki.

“Tumupad ka nga sa pangako mo,” nakangiting saad ni Ashari.

Advertisement

“Oo naman. Eh ikaw nagkaroon ka ba ng…” di maituloy ng lalaki ang sasabihin dahil nakakaramdam ng kaunting hiya.

“Boyfriend? Este ibang kaibigang lalaki pala?” natatawang sagot ng babae. “Wala eh, hindi kasi pinapayagan ni tiyang na makalapit sila sa’kin.”

Umaliwalas naman ang mukha ni Christian at saka ngumiti ng malaki. Kinapitan niya ang kamay ng babae at saka sila naglakad paalis.

Halos araw-araw ay bumibisita si ang lalaki sa bahay ng dalaga. Lagi niyang kinukulit ang tiyahin ni Ashari, na lubos naman ang tuwa sa kakulitan ng binata.

Isang gabi noon ay isinama ng binata si Ashari sa dati nilang tagpuan, lugar kung saan pagka gabi ay tanaw ang magagandang bituin sa langit.

“Ang laki ng pinagbago dito, mas gumanda na,” sigaw ng lalaki, “parang ikaw, mas lalong gumanda,” bulong niya sa babae.

“Napunta ka lang ng Maynila, naging bolero ka na,” tugon ni Ashari, “siguro, ang dami mong naging babae doon,” dagdag pa niya.

“Madaming babae doon, pero isa lang naman yung gusto kong makasama,” umupo ito sa tabi ng dalaga, “yung babaeng binalikan ko dito ngayon.”

Advertisement

Namula ang dalaga nang marinig ang mga sinabi ng lalaki. Maya-maya ay inilabas ng lalaki ang regalo niyang dala at iniabot sa dalaga.

“Red na jacket, kasi alam kong paborito mong kulay ‘to, at tsaka lagi mong suot yan noon,” tinignan niya muna ang dalaga, “kahit hanggang ngayon naman pala,” at saka ito tumawa.

“Tinupad ko yung pangako ko, bumalik na ako, pwede na ba kitang ligawan?” tanong ng binata, na ikinagulat naman ng dalaga.

“Hindi ka na ba ulit aalis?” tanong ni Ashari.

“Hindi na, kung sasagutin mo na ako.”

“Hmmm. Patunayan mo muna,” paghahamon ng babae.

Bigla siyang hinila ni Christian, tinignan ang magaganda mata niya at binigyan ng isang matamis na halik. Saksi ang mga kumikislap na alitaptap at makikinang na bituin sa langit nang gabing iyon.

Ipinagtapat ni Ashari sa kanyang tiyahin na mayroon na silang relasyon ni Christian. Gusto ni Tiya Berna ang lalaki, dahil mabait naman ito, ngunit mahigpit niyang ipinagbabawal kay Ashari na umibig kaninoman, dahil sa malalim na dahilan.

Advertisement

Lumipas ang mga araw, gaya ng dating gawi ay palaging pumupunta si Christian sa bahay ng dalaga, ngunit sa lumipas na apat na araw ay lagi itong wala sa kanilang tahanan.

Bawat araw ay ibang rason ang sinasabi ng tiyahin, kung bakit wala doon ang dalaga, ngunit pinilit ni Christian alamin ang katotohanan. Binigyan lamang siya ng matandang babae ng isang papel na may address.

Agad namang nagtungo doon ang binata. Pagkarating doon ay bumungad sa kanya ang isang maputlang Ashari.

“A-anong ginagawa mo dito?” gulat na tanong ng dalaga.

“Bakit hindi mo sinabi na nandito ka sa ospital? May sakit ka ba? Bakit di mo man lang ako sinabihan?” nag-aalalang tanong ng lalaki.

“Baka kasi pandirihan mo ako pag nalaman mo yung totoo,” saka pumatak ang luha ng babae.

“Ano ba yung totoo? Kasi gulong-gulo na ako.”

“May HIV ako, Christian,” nagpahid ng luha ang dalaga, “yun ang totoo.”

Advertisement

“Pero paano? Bakit?” di makapaniwala ang binata sa narinig.

Ipinaliwanag ni Ashari ang nangyari noon. Nang maaksidente ang buong pamilya, nangailangan siyang masalinan ng dugo, ngunit ang hindi nila alam na ang dugong isinalin pala ay galing sa taong may sakit na HIV.

Nalaman nila ito matapos siyang magkasakit ng matindi. Lumabas sa pagsusuri na kumakalat na ang sakit sa kanyang katawan, kaya kailangan ay makontrol na ang pagdami nito. Doon siya nagsimulang magsuot ng kulay pulang panglamig, upang maiwasan ang magkaroon ng sipon, lagnat at ubo na maaring makasama sa kanya.

“Wala akong pakialam kung may sakit ka,” sigaw ng binata habang pumapatak ang luha, “Wala akong pakialam kung nakakahawa yan o ano, mahal kita Ashari.

Pandirihan ka man o layuan ka man ng lahat ng tao, pero maiiwan ako sa tabi mo. Nangako akong hindi ako aalis, at tutuparin ko ang pangakong iyon.” Lumuluhang saad ng binata. Napaiyak na lamang ang dalaga sa mga narinig.

Lumipas ang mga araw at lalong nanghina si Ashari. Malaki na ang ibinagsak ng kanyang katawan, at hindi na rin makakain ng maayos. Napagpasyahan na lamang muna niyang umuwi upang makasama ang tiyahin.

Kinagabihan ay inaya siya ni Christian upang pumunta sa lugar kung saan lagi nilang tinatanaw ang mga bituin. Gustong-gustong sumama ng dalaga ngunit hinang-hina na siya.

Ipinasan siya ng binata hanggang sa makarating sa dating tagpuan, at doon pinagmasdan nila ang mga bituin na tila ba ay mas kuminang at mas dumami pa noong gabing iyon.

Advertisement

“Ang ganda ng mga bituin, napakaliwanag nila ngayong gabi,” mahinang sambit ng dalaga, “para bang tinatawag nila ako na lumapit sa kanila,” ngumiti ito at pumatak ang mga luha.

“Wala nang mas gaganda pa sa bituin ko,” ngiti naman ng lalaki, “eto katabi ko nga siya ngayon eh,” paglalambing niya sa kasintahan.

“Christian, pag dumating ang araw na pumunta na ako sa star, lagi ka lang tumingin sa langit ha? Lagi mong titignan ang pinakamakinang na bituin.

Ibig sabihin, nandoon ako, iniilawan ko ang daan mo sa madidilim na gabi. Kikislap iyon ng sobrang lakas para ipaalala sa’yo na hindi ako lumisan, nasa bituin lamang ako at nag-iintay sa’yo.”

Hindi naman na makapagsalita ang binata dahil tuloy-tuloy na ang pagpatak ng luha niya.

“Inaantok na ako, Christian,” mahinang sabi ng dalaga.

Ipinatong ni Christian ang ulo ng dalaga sa kanyang balikat at doon ay inihiga. Hinaplos niya ang mukha ng dalaga at saka pinunasan ang mga luha nito.

“Maligayang paglalakbay papunta sa bituin, mahal ko,” hinalikan niya sa noo ang dalaga, “Hintayin mo lang ako ha? Magkakasama din tayo balang-araw.”

Advertisement

Tumango lamang ang dalaga at ngumiti. Noong oras na iyon, kasabay ng huling paghinga ni Ashari, ay kuminang naman ang isang nakapagandang bituin sa langit.

Animnapung taon na ang nakalipas mula ng mawala si Ashari. Hindi na nag-asawa si Christian, dahil iisang babae lamang ang nagmamay-ari ng kanyang puso.

Isang gabi habang nasa higaan ang matandang lalaki, pinagmamassdan niyang maigi ang mga bituin mula sa kanyang bintana, napakinang nilang muli nang gabing iyon.

Ngumiti ang matanda at sinabing, “kay tagal mo nag-intay, Ashari. Saglit na lamang at mapupuntahan ko na ang bituin kung nasaan ka ngayon. Magkikita na tayo, mahal ko.”

Kanyang ipinikit ang mga mata na may ngiti sa labi, sa ilalim ng makikinang na bituin, doon tumigil ang pagtibok ng kanyang puso.

At tulad ng dati, may isang bituin na kuminang at umilaw ng malakas mula sa kalangitan, kasunod ng pag-ulan ng ilan pang mga bituin mula rito, sensyales na nagtapo na sa iisang bituin ang dalawang taong tunay na nagmamahalan.