Pagsikat ng Araw, Tayo Rin Dalawa

Pumapatak na naman ang ulan. Rinig na rinig na ang maingay na pagbagsak nito mula sa yerong bubong. Hindi alam ni Shane kung bakit labis ang sayang nadarama niya sa tuwing umuulan.

Siguro nga isang tao ang dahilan, isang tao ang pinapaalala sa kanya ng bawat pagbagsak ng ulan. Umuulan kasi noon nung una niyang masilayan ang ngiti ng lalaking nagpatibok ng kanyang puso.

Grade 6 pa lamang sila noon. Nakapayong si Shane sa tapat ng paaralan habang iniintay na sunduin siya ng kanyang ama. Biglang lumitaw sa harapan niya ang isang batang lalaki sa kanyang harapan na basang-basa habang nakapatong ang isang pirasong libro sa ulo.

Napatingin si Shane sa batang lalaki. Napansin niya ang mapupulang pisngi, matangos na ilong at mapupungay na mata nito.

“Ang pogi naman nito,” sabi ni Shane sa kanyang isipan habang nakatingin sa lalaki.

Akala niya ay aalis na din ito, pero laking gulat niya nang lumapit ito sa kanya at saka ngumiti.

“Pwede ba akong makisilong sayo? Okay lang ba?” ang sabi ng batang lalaki.

Hindi agad nakasagot si Shane noon dahil nakatitig lamang siya sa magaganda ngiti ng lalaki.

Advertisement

“S-sige. Silong ka na. Baka lagnatin ka pa, pagalitan ka pa ng mommy mo,” tugon ng batang babae habang natataranta.

Simula noon ay naging magkaibigan na sila. Nalaman niyang James ang pangalan ng lalaki at grade 6 din ito katulad niya, pero nasa magkaibang seksyon sila.

Halos araw-araw dumadaan si Shane sa may silid-aralan ni James para lang makasilay. Pero dahil nga mga bata pa at makukulit, sa sobrang kadaldalan ng mga kaklase si Shane, nalaman ni James ang labis na paghanga sa kanya ng babae.

“Shane, totoo bang crush mo daw ako?” tanong ni James.

“Hoy! Sino namang nagsabi sayo niyan?” mataray na sagot ng babae.

“Kami!!!” sagot naman ng mga kaklase at kaibigan ni Shane habang nakatayo sa harapan ng silid-aralan.

Namula ang mukha si Shane at nagmadaling tumalikod. Gustong-gusto na niyang umiyak noon dahil sa sobrang hiyang nadarama, pero pinigilan siya ni James.

“Wag ka nang magtampo sa kanila! Alam mo ba na crush din kita?” nakangiting sabi ng batang lalaki.

Advertisement

Ang babata pa nila noon, pero iyon ang unang pagkakataon na nakaramdam sila ng pag-ibig o puppy love. Simula noon, inaabangan na ni James ang batang babae sa labas ng silid-aralan kapag uwian.

Sobrang saya nila noon. Para bang wala silang ibang nadarama kundi ang nag-uumapaw na musmos na pag-iibigan sa kanilang puso.

Sa hindi inaasahang pagkakataon, ang lahat ng iyon pala ay magbabago. Nagsimulang pumasok ang kalungkutan nang lumipat sa Bulacan ang pamilya ni James, isang linggo matapos magtapos ng elemetarya.

“Shane, pangako, itetext kita at tatawagan kita palagi. Walang magbabago sa atin kahit na tayo ay magkalayo,” sabi ni James.

“Aasahan ko iyan ha?” naluluhang tugon ni Shane bago sila tuluyang nagpaalam sa isa’t isa.

Tumupad naman sa pangako si James. Halos araw-araw ay nagtatawagan at nagtetext silang dalawa. Laging silang nagpapalitan ng kwento tungkol sa kanilang buhay bilang mga hayskul.

Pero dumaan pa ang mga buwan at taon. Unti-unting nawala ang kanilang komunikasyon. Dahil na rin siguro dulot ito ng masyadong nilang pagiging abala sa mga gawain sa paaralan.

Pagtungtong ng kolehiyo, laking gulat ni Shane na lumuwas ng Maynila si James para dalawin siya.

Advertisement

“Aba, nabuhay ka ah?” pagbati ng dalaga.

“Syempre. Namiss na kita eh,” nakangiting tugon naman ng binata.

Ang laki-laki na ng pinagbago ni James. Tumangkad na ito at mas naging maganda ang pangangatawan. Mas lalo pa itong gumwapo ngayong ganap na binata na.

“Sus, talaga ba? Lalo kang gumwapo ah?” biro naman ng dalaga.

“Oo. Actually, nandito ako kasi may gusto akong sabihin sa iyo,” seryosong sabi ng binata.

“Ano naman iyon?”

“Gusto sana kitang ligawan,” sabi ng binata at saka nagbigay ng may pagpapilyong ngiti.

Halos bumagsak namang ang mga panga si Shane sa narinig. Noong una akala niya biro lang ito, pero pinatunayan ni James na seryoso siya sa dalaga. Hindi nagtagal, naging magkasintahan din silang dalawa.

Advertisement

Pero dahil nga magkalayo at parehas abala sa mga kursong kinuha. Hindi naiwasang inulan sila ng nakapadaming problema. Halos araw-araw silang nagtatalo sa mga simpleng dahilan lamang.

Matapos ang isa’t kalahating taon, nagkahiwalay din sila. At tulad ng pagdilim ng ulap sa kalangitan bago umulan, kumulimlim din ang buhay ni Shane.

Buong akala nila na doon na matatapos ang lahat-lahat sa kanila. Pero muling sumikat ang araw sa kanilang buhay nang bumalik si James. Sinubukan niyang suyuing muli ang dalaga. At sa isa pang pagkakataon, itinuloy nila ang pag-iibigang naudlot.

Dumaan na naman ang kanilang relasyon sa isang bagyo. Humagupit ito ng matindi at sinubok ang tatag nila bilang magkasintahan. Naging malaking pagsubok ang kanilang pagiging abala at malayo sa isa’t isa. Pero sa pagkakataong ito, sabay silang lumaban.

Kahit na binabaha na sila ng matinding problema, kapit kamay nila itong sinuong at hinarap. Dahil dito, mas lalong lumalim ang kanilang pagsasama. Ilang bagyo ang muli pang dumaan para subukin sila, pero hindi na napatumba ng panahon ang matatag na pundasyon nila.

January 2019 nang magkayayaan ang buong barkadahan nila para sa isang outing. Nasa labas sila noon nang biglang kumulimlim at bumuhos ang malakas na ulan. Tanging si Shane lamang ang may dalang payong noon.

“Halika na dito, sumukob ka na sa’kin!” pag-aaya ni Shane sa nobyo.

Ngumiti lamang ang lalaki at saka tiniklop ang payong. “Maligo na lang tayo! Tutal maliligo din naman tayo sa beach mamaya,” tugon ng lalaki.

Advertisement

Basang-basa silang lumakad noon. Nauna nang umalis ang kanilang mga kabarkada habang naiwanan silang dalawa na nagtatampisaw pa rin sa ulan. Nang makarating sa may dalampasigan na may puting buhangin, nakaramdam ng kaba si Shane. Tila ba may kakaibang kinikilos ang kanyang kasintahan.

Maya-maya biglang lumuhod ang lalaki sa kanyang harapan at sinabing:

“Napakatagal kong inintay ang pagkakataon na ito. Shane, will you marry me?”

Para bang unti-unting bumagal ang mga patak ng ulang sa paligid. Kasabay ng pagpatak ng ulan ay ang pagbuhos din ng mga luha ni Shane.

“Yes, I will marry you!” naluluha sa tuwa niyang sagot.

Tila ba nakiayon din ang panahon sa mga nangyayari. Biglang tumigil ang pagbuhos ng ulan at unti-unting sumilay muli ang liwanag mula sa kalangitan. Naalala tuloy ni Shane ang una nilang pagkikita noon. Umuulan din noon, pero si James ang kasukob niya sa payong, sa muling pagliliwanag ng kalangitan, walang mapaglagyang kasiyahan naman ang nadarama niya dahil ito pa rin ang lalaking kasama niya sa pagsalubong sa liwanag.

Inulan din ng napakadaming biyaya ang kanilang pagsasama. May tatlong anak na sila ngayon at kasalukuyang naninirahan sa Canada ang kanilang buong pamilya.

Ang tunay na pagmamahal, kahit buwagin at hagupitin man ng masungit na panahon, kahit kailan ay hinding-hindi matutumba, dahil ang pundasyon na kanilang itinayo ay matibay pa sa pinakamatigas na bakal at semento, dahil ang pundasyong ito ay ang tunay at wagas na pag-ibig.

Advertisement