Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Ako na Lang ang Mahalin Mo - Inday Trending

Ako na Lang ang Mahalin Mo

Magkaibigang matalik sina Clark at Neri. Minsan nga ay gustong pagsisihan ni Clark kung bakit niya pa naging kaibigan ang babae. Wala na kasi itong ginawa kung ‘di tawagan siya upang iyakan at sumbungan sa pananakit ng g*go nitong nobyo.

“Lagi na lang niyang ginagawa sa’kin ito, Clark, nakakainis na,” umiiyak nitong sumbong.

“Nakakainis na pala, e, ‘di hiwalayan mo.”

“Hindi ko kaya kasi,” hagulhol nito ulit.

Lagi itong ganun. Laging umiiyak lalo na kapag nararamdaman nitong mas pinipili ng nobyo na makasama ang barkada kaysa sa kaniya. Hindi na ito nagsawa sa ugali ng nobyo nitong walang ginawa kung ‘di ang paluhain ito nang paulit-ulit. Sawang-sawa na siya. Iiyak ngayon tapos bukas ayos na naman ulit ang dalawa. Pagod na rin siya sa kakabigay ng payo sa kaibigan pero parang balewala naman ito sa babae.

“Clark, baka gusto mong sumama sa’min ni Jimbo ngayong Sabado magde-date kasi kami? Double date naman tayo ng girlfriend mong si Airene,” masayang wika ni Neri.

“Hindi ko siya girlfriend. At tsaka grabe ka. Noong isang araw lang ay para kang uwak na nag-iiyak sa harapan ko tapos ngayon maayos na naman kayo.”

“Ganoon talaga ang nagmamahal, Clark. Magmahal ka na kasi.”

“Kung ganyan lang naman din ang magiging love life ko mas pipiliin ko na lang maging single forever.”

“Sus! Nasasabi mo lang iyan kasi hindi ka pa nagmamahal,” ismid ni Neri.

“Pustahan tayo iiyak ka na naman ulit makalipas ang ilang araw.”

“Ganoon nga kasi ang nagmamahal, Clark. Masasaktan ka pero magmamahal ka pa rin. Iiyak ka tapos mamahalin mo pa rin siya. Hindi ka pa kasi nagmamahal kaya hindi mo ako naiintindihan.”

“Kung alam mo lang, Neri. Mas wagas akong magmahal kaysa diyan sa nobyo mong walang kwenta,” aniya na tinawanan lang ng babae.

Tama nga ang sinabi niya dahil lumipas lang ang dalawang linggo at tinawagan na naman siya ni Neri dahil nalaman nitong nakabuntis ang nobyo nitong si Jimbo.

“Clark, ano pa ba ang kulang ko? Ano ba ang naging mali ko? Lagi ko naman siyang pinapatawad sa lahat ng kasalanan niya pero bakit niya nagawa sa’kin ito?” umiiyak na naman nitong sumbong. “Anong gagawin ko, Clark? Mahal na mahal ko siya at hindi ko kayang mawala siya. Ang sabi naman niya ay mahal niya ako at hindi niya mahal ang babaeng nabuntis niya. Sa tingin mo ba, Clark, ay dapat ko siyang ipaglaban?”

“Ano? Nahihibang ka na ba talaga, Neri? Kung totoong mahal ka ng g*gong iyon dapat una pa lang pinapahalagahan ka na niya at hindi siya lilingon sa iba. Binuntis pa niya! Pwede ba, Neri, huwag mo nang gawing t*nga ang sarili mo at gumising ka na!” galit niyang wika. Naiinis na siya sa pagbubulag-bulagan nito.

“Pero, Clark, paano ako? Baka wala nang magmamahal sa’kin kasi naibigay ko na ang lahat-lahat ko kay Jimbo.”

Nilapitan niya ang kaibigan at niyakap ng mahigpit. “Bakit ba ang labo-labo ng mundo, Neri. Bakit binabasura ng iba ang babaeng pinapangarap ko? Bakit hindi mo makita ang halaga ko, Neri? Sadya bang malabo ang mga mata mo o talagang sarado ang puso mo para sa’kin? Bakit hindi mo na lang ako mahalin? Bakit kailangan mong ipagsiksikan ang sarili mo sa taong walang ginawa kung ‘di ang saktan ka ng paulit-ulit! Ganiyang pagmamahal ba ang gusto mo? Isang klase ng pagmamahal kung saan ipinaparamdam sa’yo na isa kang basura?”

“Clark?” naguguluhang tumitig sa kaniya si Neri.

“Sige, ipagsiksikan mo ang sarili mo sa lalaking iyon. Basta ito lang ang tatandaan mo. Hinding-hindi na ako darating kapag kailangan mo ng maiiyakan.”

Iyon lang at tinalikuran na ni Clark ang babae. Magpakat*nga ito hangga’t kailan nito gusto basta ang mahalaga ay hindi na niya makita muli ang luha ni Neri.

Ilang araw ang lumipas at nagpatuloy sa buhay ang lalaki. Ang pinakamasakit sa pagmamahal ay iyong nagmo-move on ka kahit hindi mo naman naging syota ang babaeng mahal mo. Nakatulala siyang naglalakad nang mapatigil siya dahil nakita niya ang rebulto ni Neri na nakatayo sa tapat ng pintuan.

“Neri, anong ginagawa mo rito?” tanong ng lalaki. “Clark, pwede ba tayong mag-usap?” tugon ng babae. “Ano ba iyon? May problema ka ba?” Kahit isinumpa pa ng lalaki na ayaw na niyang maging sandalan na lang lagi ni Neri ay hindi niya magawang tiisin ang babae.

“Mahal mo ba talaga ako? Sabi mo kasi noon hindi mo ako mamahalin at hanggang kaibigan lang ang tingin mo sa’kin.”

“Mahal kita. Oo, sinabi ko noon na hindi kita mamahalin dahil natakot akong mawala ang pagkakaibigan natin. Natakot akong mawala ka sa buhay ko. Pero nagsasawa na akong nakikita kang nasasaktan at naiinis ako kasi ang t*anga mo.”

“Paano kung mahal din kita? Susugal ka ba? Isusugal mo ba ang pagkakaibigan natin, Clark?” tanong ng babae. “Oo, susugal ako. Isusugal ko ang pagkakaibigan natin at sisiguraduhin kong hindi ka mawawala sa’kin dahil mamahalin kita sa abot nang makakaya ko at hindi ko gagawin ang naranasan mo sa walang kwenta mong nobyo.”

“Bakit ngayon mo lang sinabi? Sana noon mo pa sinabi sa’kin ang lahat ng ito. Hindi na sana ako nagawang saktan ni Jimbo,” wika nito. “Mahal kita noon pa man pero pinigilan ko kasi katulad mo ay natakot din ako, natakot akong isugal ang pagkakaibigan natin.”

Niyakap niya ang babae at hinalikan sa noo. “Hindi pa naman huli ang lahat ‘di ba? Nakipaghiwalay ka na ba sa nobyo mo?” umaasang tanong ni Clark. “Pupunta ba ako dito kung kami pa? Mahal kita. Mahal kita, Clark.”

Ngumiti siya at inabot ang mukha ni Neri upang gawaran ito ng halik sa noo at siilin ng halik ang labi nito. Mula nung naging sila ay mas naging masaya si Neri sa piling ni Clark. Tinupad nito ang lahat ng ipinangako sa kaniya ng lalaki.

Para sa mga babaeng sobra kung magmahal, don’t settle for less. Kung masakit, bitaw na. Huwag mong hayaang gawin o iparamdam sa’yong isa kang basura. Marami pang lalaki ang mas nararapat na makatanggap ng iyong pagmamahal. Darating din ang araw na matatagpuan mo rin ang lalaking magpaparamdam sa’yo kung gaano ka kahalaga. Wala masama kung ibibigay mo ang iyong puso sa taong mahal mo basta huwag mo lang kakalimutang mahalin din ang iyong sarili.


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.