Akala ng Lalaki ay Hindi na Siya Muling Magmamahal Matapos Pumanaw ng Pinakamamahal na Kasintahan; Isang Tao Mula sa Nakaraan Pala ang Darating Para Muling Buksan ang Puso Niya

Ikakasal na dapat noon si Mark sa kanyang matagal nang kasintahan noong maganap ang isang trahedya. Ang babaeng dapat na papakasalan ay hinoldap at walang awang pinaslang. Tila gumuho ang mundo ng lalaki ng mangyari ang aksidente.

Matagal na panahon ang binilang bago niya matanggap ang biglaang pagkawala ng pinakamamahal niya. Saksi ang ina ni Mark sa pinagdadaanang hirap ng kanyang anak.

“Mark, anak ko, tulungan mo ang sarili mo na malagpasan ang pagsubok na ito. Mahirap man ay kailangan mong tanggapin na wala na si Jane. Bata ka pa at marami ka pang pwedeng makilala.

“Sigurado ako na matutuwa siya kung makikita ka niyang muli ng nakangiti sa kabila ng kanyang pagkawala. Paglabanan mo naman ang lungkot, anak! Ipagpatuloy mo ang masayang buhay na mayroon ka noon, noong kasama mo pa si Jane,” sabi ng ina ni Mark.

Nang marinig ang payo ng ina ay pinilit niyang umahon sa pagkakalugmok. Nagdesisyon siyang iwanan na ang anino ng nakaraan at magsimula muling hanapin ang sarili.

Hindi muna niya binuksan ang puso para sa pag-ibig. Sinubukan niyang pulutin ang pira-pirasong bahagi ng kanyang puso at sarili na nawala noong pumanaw ang pinakamamahal niyang babae. Sa tulong ng ina at mga kaibigan ay unti-unting bumalik ang masayahing si Mark.

Sa paglipas ng mga panahon ay naghihilom na ang sugat na dulot ng kahapon. Siguro ay hanggang doon na lamang talaga ang pag-iibigan nila ni Jane at ngayo’y kailangan na niyang bumangon at ipagpatuloy ang laban sa buhay.

Inayos niya ang trabaho, sinubukang maglakbay sa iba’t ibang panig ng mundo at gawin ang mga bagay na hindi pa nagagawa noon. Nang maramdamang siya’y unti-unti nang nabubuo ay binuksan naman na niyang muli ang puso para sa panibagong pag-ibig.

Advertisement

Makalipas ang ilang taon ay tuluyan nang nakalaya ang binata sa bakas ng kahapon at lalo pang nagliwanag ang kanyang kinabukasan nang makilala niya si Sarah. Nang unang makita ni Mark ang larawan ng babae sa isang aplikasyon sa cellphone ay hindi na siya mapakali.

Agad niyang kinontak ang dalaga upang makilala pa ito ng husto. Naging regular naman ang pagpapalitan ng mensahe at pagtatawagan ng dalawa bago sila nagdesisyong magkita. Sa kanilang unang pagkikita ay mas lalo namang napalapit ang loob nila sa isa’t isa.

“Alam mo Sarah? Parang nagkita na tayo noon eh, hindi ko lang matandaan kung kailan at saan,”sabi ni Mark sa dalaga.

“Ano ba yan! Pareho pala tayo ng nararamdaman. Pakiramdam ko kasi ay matagal na din tayong magkakilala,” sagot naman ng dalaga.

Tumagal pa ng halos isang taon ang paglabas-labas ng dalawa bago nila natuklasan ang isa pang bagay na lalong maglalapit ng kanilang mga puso.

“Sarah, alam mo ba? Naalala ko nung kinder ako ay may kaklase ako na crush na crush ko na kapangalan mo. Lagi kaming napagkakatuwaan ng mga guro namin, kaya lagi kaming pinagtatabi nun ng mga guro namin. Kami daw ang love team ng klase,” kwento ni Mark.

“Ay nako! Hindi ako ang ‘Sarah’ na tinutukoy mo, kaya ayoko nang makarinig ng kahit anong kwento tungkol sa kanya dahil nagseselos lang ako,” pabirong sabi ni Sarah.

“Teka nga Sarah, saan ka ba nag-aral noong kinder ka?” tanong ng binata.

Advertisement

“Sa Jiane Therese School,” sagot naman ng dalaga.

“Hindi nga? Nagbibiro ka ba? Eh diyan din ako nag-aral eh. Hindi kaya ikaw at si ‘Sarah’ na kaklase ko noon ay iisa?” tanong naman ng binata.

Dahil dito ay sinubukang maghanap ng lalaki ng mga litrato noong siya’y nag-aaral pa ng kinder. Sa mga album na naitatago ng kanyang ina ay nakita niya ang isang litrato na kasama ang kanyang hinahangaang kababata.

Agad niyang ipinakita ang mga litrato kay Sarah, at agad na kinumpirma ng dalaga na siya nga ang nasa larawan. Halos mapaluha ang dalawa dahil sa kanilang natuklasan.

“Mark, may dahilan pala kung bakit noong una pa lang kitang makilala ay ikaw na ang lalaking gusto kong makasama habangbuhay,” sabi ng babae.

“Ako rin Sarah, naniniwala ako na tayo talaga ang nakalaan para sa isa’t isa. Isipin mo, matapos ang dalawampu’t siyam na taon ay muli tayong pinagtagpo ng tadhana,” nakangiting sagot naman ng lalaki.

Hindi naman nagtagal ay niyaya na ni Mark na magpakasal ang kanyang childhood sweetheart at hindi naman siya binigo nito. Tinanggap ni Sarah ang alok na kasal ng lalaki at sinimulang planuhin ang kanilang buhay na magkasama.

“Ngayon ay naiintindihan ko na kung bakit kailangan mangyari sa akin ng mga masasakit na bagay na aking naranasan noon,” wika ng lalaki.

Advertisement

“Bakit naman?” tanong naman ng babae.

“Dahil darating pala ang isang babaeng tulad mo na magbibigay kasagutan sa aking lahat ng mga ‘bakit’ at iba pang katanungan noon. Ikaw pala talaga ang nakalaan para sa akin,” matamis na sabi ni Mark sa dalaga.

Maaaring dumaan si Mark sa isang malaking pagsubok, may mga panahong kinuwestyon niya ang plano ng Diyos sa kanya, at ang napakarami niyang katanungan sa buhay ay parte lamang pala ng pagsiwalat ng isang malaki at magandang plano ng Diyos para sa kanyang hinaharap.

Inakala niyang hindi na siya makakabangon pa at muling mabibigyan ng pagkakataon na magmahal, ngunit dumating sa buhay niya si Sarah na nagpabago ng lahat sa kanyang buhay.

Ngayon ay naiintindihan niya kung bakit hindi siya itinadhana sa mga taong minahal niya noon, iyon pala ay dahil nakatadhana siya para sa isang taong nakatakda na makasama niya panghabangbuhay.

Naranasan nila Mark at Sarah kung gaano katamis ang pag-ibig na hindi ipinilit at hindi hinanap ngunit kusang dumating sa kanilang dalawa sa tamang panahon at tamang pagkakataon.