Inday TrendingInday Trending
Dahil sa Kahirapan ay Napilitang Mangatulong sa Hong Kong ang Babaeng Ito, Hindi Niya Akalaing sa Ibang Bansa Pala Niya Mahahanap ang Swerte

Dahil sa Kahirapan ay Napilitang Mangatulong sa Hong Kong ang Babaeng Ito, Hindi Niya Akalaing sa Ibang Bansa Pala Niya Mahahanap ang Swerte

Stories

Si Cheryl ay maagang namulat sa kahirapan ng buhay. Sa edad na 17-anyos na namasukan na siya bilang katulong sa Maynila. At dahil high school graduate lamang ang kanyang natapos ay wala siyang ibang alam na pagkakakitaan kundi ang maging kasambahay.

Hanggang isang araw ay inudyukan siya ng kapwa-katulong na mag-apply bilang OFW sa ibang bansa. At dahil may tiwala naman siya dito ay pumayag siya’t sumama dito sa pag-aapply.

Agad naman silang sinuwerte na matanggap at ilang buwan lang ay nakarating sila agad ng Hong Kong. Pinalad rin naman siya sa mga amo dahil mababait ang pamilyang pinagsisilbihan niya. Sa katunayan ay binigyan pa siya nito ng dalawang araw, imbes na isang araw lang na day off.

Sa unang taon niya ng paninilbihan ay agad siyang nakatulong sa kanyang mga magulang. Ngunit sa kabila niyon, ay hindi pa rin siya nakakaipon at sa tingin niya ay kulang pa rin ang kinikita para sa sariling savings.

Hindi niya kasi lubos-maisip na pang-habambuhay na lamang siyang maninilbihan sa ibang lahi.

Isang araw habang day off niya ay nakatambay siya sa parke kung saan maraming Filipino ang nagtitipon-tipon at masayang nagkukwentuhan.

“Namimiss ko na ang mga pagkain ng Pinas,” narinig niyang sabi ng isang kapwa-OFW.

“Oo nga eh. Mas lalo kong namimiss ang mga street foods.”

Tila natakam naman ang kausap nito, “Oo, lalo na ‘yung kwek-kwek, siomai, at leeg!”

Doon ay tila nakaisip siya ng isang magandang paraan. Agad siyang nagtungo sa pinakalamapit na palengke at namili ng mga kakailanganin. Pagkatapos ay niluto niya ang mga pinamili sa dorm na tinutuluyan niya kapag day off.

“Anong ginagawa mo?” tanong ng kasama niya.

“Magtitinda ako.”

Dahil buong-buhay niya ‘ata ay nanilbihan siya ay naging sanhi iyon ng kanyang masarap na pagluluto. Masaya niyang nilagay sa basket ang nilutong kwek-kwek, siomai at leeg, kasama ng mga sauce nito.

Nagpaalam muna siya sa kinauukulan bago tuluyang tininda ang mga niluto. Dagsa naman ang mga kapwa-Filipino sa paninda niya. Kinulang pa nga iyon at agad siyang nagluto ng pangalawang batch.

Nagtuloy-tuloy ang swerte ni Cheryl. Lunes hanggang Byernes ay pumapasok siya bilang katulong, at Sabado’t Linggo nama’y nagtitinda sya ng mga tusok-tusok. Dahil doo’y nakaipon siya ng malaki at hindi niya akalaing makakapagpatayo pa siya ng Pinoy Restaurant sa Hong Kong.

Naging patok iyon dahil kakaiba at puno ng inspirasyon ang kanyang negosyo. Nagresign na siya sa pangangatulong at nakakauwi na rin sa Pinas kahit kailan niya gustuhin.

Tunay ngang kapag sinamahan mo ng sipag, talino at tiyaga ang iyong pangarap ay hindi imposibleng magtagumpay ka.

Disclaimer:
Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na tao o personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.
Ang Inday Trending

Ano ang masasabi mo sa kwentong ito? Ibahagi sa amin ang inyong sagot sa comments section sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.