Lumuwas ang Binata Para Makalimutan ang Pagkawala ng mga Magulang, Susundan Pala Siya ng Nakakakilabot na Salarin

Lumuwas si Aris mula Tuguegarao patungo sa Maynila para magtrabaho sa bakery ng kanyang tiyuhin.

“Aris dito ka nalang sa’kin sa Maynila at wala ka ng makakasama riyan sa’tin,” pahayag ng kanyang tiyuhin na si Manong Noel.

“Sige ho tiyo, luluwas ako pagkatapos kong mailibing sina Inay at Itay,” maikling sagot ng binata.

Tandang tanda niya pa, ganoon na lang ang pagsigaw niya nang abutan ang mga magulang na wala nang buhay. Puno ng dugo at putol ang mga katawan. Hanggang ngayon ay natutulala pa rin siya, kailangan niya lang talagang lakasan ang loob niya.

Ang masakit pa, hindi nahuli ang pumaslang sa dalawang matanda. Mautak ang suspek at walang iniwang bakas. Ang hinala ng mga kapitbahay ay napagtripan lang ang dalawa.

“Pasensya kana Hijo at hindi ako makakauwi riyan para makipaglamay dahil kapos rin naman ako sa pera at itong panaderya lamang ang ikinabubuhay ko. Kaya yung ipupunta ko riyan ay ipapadala ko na lamang sayo para may pamasahe ka papunta dito sa Maynila,” dagdag muli ng kanyang tiyuhin na kausap sa telepono.

“Naiintindhan ko ho tiyo at nagpapasalamat din po ako sa inyo na tatanggapin niyo ako dyan kahit alam ho ninyong mahirap ang buhay,” sagot ng binata sa matanda.

Walang ibang kamag-anak na malalapitan ang binata dahil nag-iisang tiyuhin na lamang niya si Manong Noel at sa edad na 50 anyos ay ito na lang buhay sa angkan ng kanyang ama. Ang mga kamag-anak naman niya sa kaniyang ina ay hindi na niya nakilala pa dahil nagtanan daw dati ang kanyang mga magulang.

Advertisement

Lumuwas si Aris sa Maynila. Walang maayos na damit at elementarya lamang ang natapos. Pagdating niya roon ay agad siyang tinuruan ng kanyang tiyuhin kung paano ang gumawa ng ibat-ibang tinapay. Madali naman siyang natuto.

Sa panaderya na rin siya tumira kasama ng mga harina, ipis, daga at ang maingay na truck na palaging dumaan sa kalsada.

Lumaki at nasanay na si Aris sa ganoong pamumuhay. Sinasahuran rin siya ng kaniyang tiyuhin ng 200 minsan ay 500 kada buwan. Kahit maliit ay nagpapasalamat parin siya rito dahil kung wala ang kanyang tiyuhin ay baka mas mahirap na buhay ang kanyang dinaranas ngayon.

“Aris ito nga pala si Intoy, makakatulong mo rito sa tindahan. Mahina na kasi ako at hindi ko na rin kayang magmasa pa ng harina. Kaya kinuha ko siya. Dito na rin siya matutulog kasama mo,” saad ng kanyang tiyo.

Tumango lamang si Aris sa tiyuhin at ngumiti kay Intoy.

“Aris gusto mo bang sumama mamaya sa akin? Makikipag-inuman ako sa barkada ko, sama ka para naman magkaroon ka rin ng mga kaibigan,” wika ni Intoy sa binata.

“Hindi na Intoy, hindi rin naman ako mahilig sa alak. Katukin mo na lamang ako kung dumating kana para pagbuksan kita ng kwarto,” saad ng binata.

Kahit na matagal na siya sa Maynila ay hindi siya nagkaroon ng barkada. Lumalabas man ang binata ay pumupunta ito sa Manila bay para doon magpalipas ng araw. O kaya naman ay nakikipagkwentuhan sa kapitbahay nilang si Mang Rene, nalaman niya kasing kababayan niya ito at kilala ang mga magulang niya.

Advertisement

“Ikaw pala ang nag iisang anak ni Robert at Isadora, sigurado akong kung nasaan man sila ay proud ang mga iyon sayo. Napakabuti mong bata, lalong Lalo na si Robert na palagi kang ipinagmamalaki. Sayang nga eh, nasa tyan ka palang noon nang lumipat ako rito sa Maynila.” sabi ng matanda habang nagbabantay sila ni Intoy sa bakery.

Kinaumagahan ay medyo nagtaka siya nang maraming pulis sa tapat ng bahay ni Mang Rene.

“Grabe, grabe talaga ang mga tao rito sa Maynila. Ninakawan na nga ang matanda ay chinop-chop pa. Kaawa-awa si Mang Rene, Diyos ko po,” nanginginig pa si Intoy.

Labis na takot muli ang naramdaman niya ng malamang may naganap na namang insidente na kaparehas ng sa kaniyang mga magulang. Kaya maagang nagsara si Aris ng bakery.

“Intoy, huwag ka nang maglalabas sa gabi at baka magaya tayo sa kapitbahay natin,” saad niya sa kasama dahil alam niyang aalis naman ito para mag-inom.

“Aris saglit lang ako, uuwi din ako bago mag 10 pm,” saad ni Intoy rito.Hindi niya napigilan ang kasama kaya natulog na lamang siya at nagtabi ng kutsilyo sa higaan bilang proteksyon.

Dis oras na ng gabi nang maalimpungatan si Aris, narinig niya ang mahinang pag-uusap ng dalawang boses ng lalaki sa labas.

“Tanga! Paano kung palagan ka niyan? Ano ang laban mo? Por que kinaya mo si Mang Rene, akala mo, kakayanin mo na rin iyan?” sabi ng isang lalaki .

Advertisement

“Matagal ko nang hinintay ang pagkakataong ito, kaya ko siya. T*ngina, magulang niya nga kinaya ko diba? Sariling ama ko, kaya ko diba?” sagot ng isa pa na ikinagulat niya..si Intoy.

“Bahala ka. Ulol kana.” narinig niyang umalis na ang nauna, ewan ni Aris kung ano ang pinag uusapan ng mga ito pero iba ang kaba niya. Kinuha niya ang kutsilyo at nag abang sa pinto. Inilapag niya rin sa malapit ang cellphone at ini-record ang mga pangyayari. Kung ano man ang maganap ay may ebidensya, kung trip lang ito edi may pagtatawanan sila ni Intoy..sana nga ganoon nalang.

Narinig niyang sinubukan nang buksan ni Intoy ang pintuan pero dahil nakaharang siya roon ay di nito magawa. Napamura pa ang lalaki sa labas.

“I-Intoy? Anong trip mo pre? H-hindi kita papapasukin hangga’t di mo sinasabi sa akin. Ano yung kwento sa labas? Tsaka sino yung kausap mo kanina?” sinusubukan niyang magtunog kaswal kahit ang totoo ay kinakabahan siya.

Tumawa si Intoy, “Oo bro, joke lang yun. Buksan mo na ito,”

“Hindi bro, kwento mo muna,” pamimilit niya. Hindi siya mapanatag talaga.

“Tang*na sige. Baka huling gabi mo na ito, kaya kwentuhan na tayo kapatid. Gulat ka no? Oo! Kapatid mo’ko. Akala mo nag-iisang anak ka? Hindi nasabi sayo ng malibog mong ama na may naanakan siyang babae sa bayan, na pinagsabay niya mga nanay natin.

Ang swerte mo lang, ikaw pinanagutan. Ako lumaking mag-isa at hirap na hirap nanay ko. Di ako papayag na kayo lang masaya, happy family, ganon? Ulol! Kaya chinop-chop ko sila, ang saya sa pakiramdam lalo na nung nagmamakaawa magulang mo. Ngayon pareho na taong ulila,”

Advertisement

“Hayop ka!” nanginginig na sigaw ni Aris.

“Hayop talaga ako!” sabi ng lalaki at sinundan ng pagtawang mala-demonyo. “May idadagdag pa ako sa kahayupan ko, si Mang Rene. Kawawang matanda, kung nanahimik nalang sana ay hindi kana pinuri, baka buhay pa siya. Bobo kayo, bobong mga pulis.Ano naming nanakawin ko dyan eh hikahos rin yan?

Ang tagal ko itong hinintay, kahit ang tiyuhin mong tanga ay di ako kilala. Walang maghihinala sa akin dahil close tayo, at ang alam nila ay nasa gimikan ako.Tamang tama, ang alam ng mga taga-rito ay may gumagalang magnanakaw na nagcho-chopchop. Tamang panahon na, magkikita na ulit kayo ng magulang mo.” sabi nito at sinimulan nang balyahin ang pintuan.

Mabilis namang nabuksan iyon dahil umalis na si Aris sa pagkakaharang. Sinalubong niya si Intoy at nagpangbuno sila.

Marahil ginabayan siya ng Diyos dahil napuruhan niya ang lalaki ng saksak. Nang dumating ang mga pulis ay di siya nakasuhan dahil matibay ang ebidensiya niya.

Nabigyang linaw ang pagkamatay ang magulang niya, maging ni Mang Rene.

Lumuwag na ang dibdib ng binata dahil sa wakas ay nakuha na ng Itay at Inay niya ang hustisya, masaya siyang namuhay kasama ang tiyo at di nagtagal ay nakapag-asawa na rin.

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.